Hindi naging madali ang adjustment para sa buong Prios ang pagkawala ng chairman at ng numen, lalo pa't hindi na maganda ang estado ng nakalabas na testamento sa Prios Building. Usap-usapan na ng mga halimaw sa buong Prios kung talaga bang ipapalit sa posisyon ng chairman si Edric. Pero si Edric na rin mismo ang nagsasabing patayin na lang siya kung siya lang din naman ang papalit.
Para sa kanya, hindi siya karapat-dapat para sa posisyon. Lumaki sa digmaan at gulo si Edric.
Minsan sa buhay niya, nakita niya kung paano patayin ang sariling ina sa mismong harapan ng kalaban nila.
Minsan sa buhay niya, naghintay siyang mapalaya ang ama mula sa pagkakakulong nito.
Minsan sa buhay niya, naglingkod siya sa pamilya nang higit pa sa dapat niyang paglilingkod sa mga ito. Personal,
mas malapit sa mga ito, at halos buong araw pa ang pagsisilbi.
Sa murang edad, nakamulatan na niya ang gulo.
Sa murang edad, alam na niya kung gaano kabigat umako ng responsabilidad bilang bahagi ng pamilya.
Ayaw niyang maulit ang nangyari noon na bata pa lang siya, pinupuwersa na siyang gumawa ng imposibleng bagay. Bata pa lang, sinasabi na ng lahat na siya ng Hinirang—ang anak ng Pulang Hari, ang magliligtas sa kanilang lahat sa kamay ng mga kalabang lipi.
Isang pitong taong gulang na batang bampira na hinihingan ng responsabilidad para akuin ang buong pamilya.
Hindi niya naintindihan iyon. Hindi niya alam kung bakit siya ipasasagupa sa mga kalaban nila gayong wala siyang nagawa noong namatay ang sariling ina.
Ayaw niyang iasa sa kanya ang buhay ng mga nasa paligid niya dahil hindi siya diyos para kargohin ang lahat dahil lang sinasabi nilang hinirang siya ng Ikauna—kahit pa ang katotohanan ay tadhana ang pumili sa kanya at ang isinumpang espada ng pamilya.
Dalawang linggo nang walang chairman ang Prios. Kung negosyo ang usapan, wala silang problema. Gumagana ang lahat na para bang walang nawala. Kumikilos ang mga kompanyang nasa ilalim ng Prios Holdings gaya ng nakasanayan. At sa pagkakataong iyon, kung maaari lang na may umako ng posisyon ng chairman, malamang na may aako niyon. Sa kasamaang-palad, wala ni isa sa kanila ang may karapatang iluklok ang sarili para sa sariling interes. Hindi sa ganoon tumatakbo ang buhay ng pamilya.
Pinipili ang karapat-dapat. Pinipili ang hindi gahaman sa kapangyarihan. Pinipili ang nilalang na kaya silang iligtas sa paparating na sakuna.
Ngunit sa kasamaang-palad, hindi silang piniling iligtas ng napiling magligtas sa kanilang lahat. At iyon ang malaki nilang problema.
Ilang buwan ding nakakulong si Edric sa Grand Cabin. Hindi na rin naman siya nagreklamo nang gawin siyang personal nurse ni Chancey noong nabubuhay pa ito. Kung tutuusin, mas gumaan ang trabaho niya noong nasa mansiyon siya. At wala na rin naman siyang magagawa kundi manatili roon sa mas matagal na panahon pa.
Nilalakad ni Edric ang lobby ng Prios building. Unti-unting nagbabalik ang lahat sa normal kahit pa nararamdaman nilang lahat ang malakas na presensiya ng testamento sa mataas na bahagi ng gusali.
Malamig sa loob gaya ng nakasanayan, ngunit hindi naman iyon ramdam ni Edric kaya isang maroon dress shirt na bukas ang dalawang butones sa itaas at black trousers lang ang suot niya. Isinuklay naman ang gintong buhok na hanggang dibdib ang haba ngunit dahil kusang natuyo sa hangin matapos maligo, lumugay lang iyon nang may ilang tikwas pa. Nawala na rin ang dating tapang sa mga mata niya. Wala ang gana kung titingnan ito mula roon. Para bang may malaking nawala rito na hindi nito agad natanggap.
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...