Kung may isang literal na tao sa buong Prios na kabisado ang mga pasikot-sikot nito, si Zephy na malamang ang taong iyon.
Una siyang nagtrabaho sa Historical Commission, at hindi iyon basta-basta napapasok ng kung sino-sino lang. Malaki ang responsabilidad na hinahawakan ng mga taga-Komisyon lalo na sa usapang kasaysayan ng buong norte. Doon nakaimbak ang lahat ng impormasyong hindi nailalabas nang basta-basta lang nang walang pahintulot.
Isa si Zephy sa mga taong nagamitan ng salamangka ng numen, at hindi lang basta salamangka ang mayroon siya. Bahagi ng sumpa ng mga Dalca ang naibigay sa kanya ni Chancey kung kaya't hindi lang siya basta tao na may alam tungkol sa mga halimaw.
Siya lang ang namumukod-tanging purong tao na tanggap ng buong pamilya dahil tanggap din siya ng mga bantay ng gubat. At di-hamak na mas nauna pa siyang tanggapin ng pamilya bago si Chancey.
Malaki ang paggalang ni Zephy sa tradisyon ng buong pamilya ng Prios, higit na sa tradisyon ng bawat pamilya ng iba't ibang uri na bumubuo sa malaking pamilyang iyon. Alam din niya na may tradisyon din ang mga bampira kung sino at ano ba ang dapat na pinakakasalan ng mga ito.
"Mr. V, alam mo, kung naglalaro ka lang, kung puwede, huwag mo na akong idamay? Kasi alam mo, para sa edad ko, matanda na 'ko. Nasa kalahati na 'ko ng buhay ko. Ikaw, alam ko, matagal ka pang mabubuhay."
Imbes na sumagot, hinatak na naman siya ni Edric palabas ng elevator patungong lobby.
"Edric, nakahanda na ang sasakyan sa labas," paalala ni Eul nang salubungin sila sa lobby. "Mag-ingat ka roon, Zephy."
"Eul . . ." Nakikiusap ang tinig ni Zephy nang tingnan ang kaibigan. Matipid lang itong ngumiti at bakas sa mukha nito na wala rin itong magagawa kung kaya't naiwan na lang ito sa may reception desk.
Nagkukuwento lang naman siya. Nagsasabi lang siya ng nasa isip niya. Hindi naman niya inaasahang seseryosohin iyon ni Edric.
Hindi nga nagkamali si Eul. Sa labas pa lang ng building ng Prios, sa ibaba ng hagdanan sa entrance, naghihintay na roon ang puting limousine nito.
Natatakot ba siya sa pamilya ng mga bampira?
Malaking hindi.
Kung may isang pamilya man siyang dapat katakutan, iyon na ang pamilyang nakatira sa Helderiet Woods—ang pamilya ng pumanaw na matalik niyang kaibigan.
Pormal siyang itinalaga bilang bahagi ng pamilya noong nailuklok ang numen sa posisyon nito. Ibig sabihin, bahagi na rin siya ng kasunduan ng bawat pamilyang kabilang sa kasunduang iyon. Hindi man siya maaaring patayin, pero hindi kabilang doon ang katotohanang hindi siya maaaring kainin.
"Hop in."
Halos ipagtulakan siya ni Edric sa loob at masama lang ang tingin niya nang makaupo ito sa dulong upuan ng limousine katabi niya. Isinara agad ng bampira ang pinto ng sasakyan at naramdaman na niyang dahan-dahan na silang umaandar.
Napapabuntonghininga na lang si Zephy habang nakangiwing nakatitig kay Edric. Hindi niya talaga alam kung paano tumatakbo ang isipan nito.
"Mr. V, kung wala ka lang magawa sa buhay mo kaya mo 'to ginagawa sa 'kin, maawa ka naman. Alam nating dalawa na hindi mo 'ko pakakasalan dahil lang mahal mo 'ko. Walang matinong tao—o kahit anong nilalang—ang gagawa nitong ginagawa mo."
"But you said you wanted to marry someone," sagot ni Edric at nakuha pang pumaling ng upo paharap sa kanya
habang nakatukod ang kaliwang braso nito sa sandalan ng upuan nila.
"Oo nga! Nag-share lang ako. Hindi ko naman sinabing pakakasalan kita!"
"You said you could marry anyone."
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...