3. Emotions

839 86 67
                                    


"Ilang araw pang magtatagal ang anak ng numen sa ospital?"

"Pagkatapos pa ng dalawang linggo, Poi."

"Maigi na 'yon. Wala pa rin bang ibang nakapapasok sa silid ng numen maliban sa panganay ni Rorric?"

Napatingin silang lahat kay Edric na nakatulala lang sa harapan at matalim ang tingin sa kung ano man ang tinititigan nito. Na para bang may masama itong naiisip at pinagpaplanuhan na kung paano iyon gagantihan.

"Dalawang araw na siyang ganiyan," mahinang sabi ni Eul kay Poi.

Ilan lang silang miyembro ng pamilyang nasa meeting room sa ibabang bahagi ng Prios Building. Lahat ng dumalo ay mga involved sa pag-aalaga ng anak ng numen dahil nasa ospital pa rin at kailangang bantayan hanggang maging maayos na ito at kaya nang uminom ng gatas na nasa bote.

Hindi nila masabi kung dugo ba ang dapat ibigay rito o gatas. Pinag-aaralan pa rin nina Alastor kung bampira ba ito, tao, o may dugo ng isang ada.

Kung dugo man ng ada ang nangingibabaw rito, kailangan nga itong ibalik sa Helderiet Woods. Kung bampira naman, kailangan itong painumin ng dugo.

Pero sa kasalukuyan, gatas ng baka ang tinatanggap nitong inumin at iyon ang inoobserbahan nila—kung gaano katagal ang pag-inom nito ng gatas bago ibalik sa kakahuyan sa Grand Cabin.

Iyon nga lang, kung ibabalik man doon, si Edric lang ang magbabantay sa bata. Sa kasamaang-palad, sa dinami-rami ng pag-aalagain sa bata, si Edric pa.

Si Edric na hindi makaka-survive nang isang araw nang hindi inaasikaso ng mga maidservant o sekretarya niya.

"Tayo na muna ang bahala sa anak ng numen. Hindi ko mapagkatiwalaan si Edric sa bagay na 'to," napapailing na salita ni Poi kay Eul. Sumang-ayon naman ang huli.

Alam nilang lahat kung gaano kairesponsable si Edric pagdating sa responsabilidad. Iniisip pa lang ni Edric na may kakarguhin siyang buhay, nabubuwisit na siya.

Makasarili—iyon ang perpektong salita para tukuyin siya. At imbes na unahin ang anak ni Chancey na ipinagkatiwala sa kanya, bumalik siya sa opisina habang iniisip ang nangyari noong nakaraang dalawang araw.

Pagbagsak niya ng upo sa itim niyang couch, muli niyang naalala ang sampal na para bang dalawang araw nang hindi nawala sa pisngi niya. Nararamdaman pa rin niya ang init ng palad doon kahit pa dalawang araw na ang nakalipas.

Maliban kay Chancey na hindi naman siya kahit kailan sinampal noon—pero makailang beses siyang sinabunutan at hinampas ng kung ano sa mukha—wala pang malakas ang loob na ilapat ang palad sa pisngi niya maliban sa isang babae. At hindi lang basta babae, isa pa itong taong walang kapangyarihang kahit na ano.

"Good afternoon, Mr. V."

Naalerto agad siya pagbukas ng elevator. Akma na sana siyang susugod para manakal, pero pumasok ang isang matangkad na babaeng may mahaba, deretso, at itim na itim na buhok. Pulang-pula ang labi nito, namumula rin ang pisngi, mapungay ang mga mata, balingkinitan ang katawan, at nakasuot ng hapit na hapit na red halter dress. Namumungay pa ang mga mata nito nang maglakad papalapit sa kanya habang dala ang isang clipboard.

"I'm Jenny. I'm your new secretary. Nai-forward na po ang mga file ng Bernardina sa Office of the President. Si Mr. Willis daw muna ang hahawak sa mga report habang wala pang announcement tungkol sa papalit na chairman."

Mahinhin ngunit nang-aakit ang boses nito. Tumayo ito sa harapan niya at naamoy niya agad ang mabango nitong dugo.

Napangisi na lang siya nang prenteng sumandal sa couch at ipinatong doon ang magkabila niyang braso. May pagkain na siya para sa araw na iyon.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon