6. The Nanny and the Daddy

833 78 34
                                    


"The witch was cunning, as expected."

Kung makangiti si Edric sa mga kasama sa iisang mesa, halatang tuwang-tuwa siya sa nagaganap.

Nakausap na ni Eul ang ibang miyembro ng pamilya. Sa kasalukuyan, nasa meeting room sila sa fifth floor para pag-usapan ang desisyon tungkol sa mag-aalaga sa Itinakda.

Napapabuntonghininga na lang si Rorric habang palipat-lipat ang tingin kina Poi at sa ibang bahagi ng board na gustong makatanggap ng balita ukol sa anak ng numen.

Nasa dulo ng mesa si Zephy, katabi ni Rorric. Sa pagkawala ni Donovan Phillips, pansamantala munang hawak ni Rorric Vanderberg ang opisina ng chairman, hindi para pamunuan ang lahat kundi para manatiling balanse ang pamamahala sa Prios kung ang pag-uusapan ay trabaho at supply ng pagkain para sa lahat ng bahagi ng pamilya. At dahil responsabilidad ni Rorric si Zephy bilang direktang empleyado ng Chairman's Office, siya ang kailangang magdesisyon ukol sa planong gawing nanny ni Sigmund Phillips ang acquisition manager ng Prios Holdings—si Zephy.

"Pumayag ang halos lahat ng nasa board para gawing tagapangalaga ng anak ng numen si Zephy," huling pasya ni Poi.

"Boss Rorric, may pasok ako rito sa Prios," nagdadamdam na sabi ni Zephy, mukhang maiiyak na.

"Nagpanukala na ang board na limang taon kang magtatrabaho sa pamilya pero sa Grand Cabin ka maglilingkod."

"Poi . . ." nakikiusap nang pagtawag ni Zephy sa lalaking kaharap. "Alam mo namang maraming monster sa Cabin tuwing gabi, di ba?"

"Nakausap ko na si Bin ukol sa mga bantay ng gubat. Kilala na nila ang marka mo, walang gagalaw sa iyo roon."

"Boss!" reklamo na naman ni Zephy kay Rorric at bahagyang yumuko pa para malakas na bumulong. "Yung anak mo, doon nakatira! Alam mo namang pinag-iinitan ako niyan!"

Buntonghininga lang din ang naisagot ni Rorric kay Zephy at bakas sa mukha ng ginoo na wala na itong magagawa sa reklamo niya.

"Zephania, maniwala ka sa akin, desisyon ito ng pamilya."

"Ano ba 'yan?" Padabog siyang napapadyak sa sahig sabay kunot ng noo kay Edric na nasa kabilang dulo ng mahabang mesa. Halatang-halata sa ngisi nito na may napanalunan itong laro na sila lang ang nakakaalam. Bumaling na naman siya kay Poi para magtanong. "Wala ba 'kong ibang kasama sa Cabin?"

"Si—"

"Maliban sa anak ni Boss Rorric," putol agad ni Zephy kay Poi. "Si Eul? Si Lance? Si Zagan? Si Zagan, baka puwede!"

Napapailing na lang si Poi sa kanya. "May responsabilidad si Zagan dito sa gusali ng Prios, Zephy. Alam mo namang bantay siya ng Prios tuwing umaga at sa Jagermeister tuwing gabi. Hindi ka namin pipiliin sa tungkulin na ito kung hindi ipinagkatiwala sa iyo ni Chancey ang anak niya."

Si Zephy na ang pasukong nagbuntonghininga at napayuko na lang sa sobrang pagkadismaya. Simangot na simangot siya nang sulyapan na naman si Edric na umiiling sa kanya—ipinakikitang wala na siyang magagawa sa sitwasyong napasukan niya.

Sa totoo lang, tatlong taon nang alam ni Zephy ang kalakaran sa Prios. Kung ang pagbabasehan ay ang kaalaman ni Chancey sa sistema ng pamamahala at kaalaman niya, di-hamak na mas lamang siya sa kaibigan. Mas malaking bagay ang una niyang pagtapak sa Historical

Commission bilang bahagi ng accounting office para agad siyang matanggap ng mga taga-Prios—mas madali kaysa pagtanggap ng buong pamilya kay Chancey kung hindi lang ito isang Dalca.

Sa isang banda, nagpapasalamat siya kay Chancey dahil ito ang dahilan kaya hindi siya mineryenda ng mga taga-Prios noong unang application niya. Siya lang naman ang namumukod-tanging tao sa Prios na hindi nakokontrol ng kapangyarihang naroon.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon