17. Missed

694 76 18
                                    


Tatlong araw na wala si Zephy sa kahit saang bahagi ng lugar na malapit sa Prios. Kinailangan niyang dumalaw sa puntod ng mga magulang para sa death anniversary ng mga ito. At dahil hindi makakasama si Edric sa kanya, tatlong araw ding naging tahimik ang buhay niya sa malayo.

Pagbalik niya sa Prios, unang-una niyang dinalaw ang anak ng numen na nasa ospital at mino-monitor pa rin ang pagkain. Nagbalik na ito sa pag-inom ng gatas at iuuwi rin nila pagsapit ng gabi para doon matulog sa mansiyon. At eksaktong pagsapit ng tanghali, dinaanan niya si Edric sa opisina nito para sabihing nakabalik na siya.

"Hi, Zephy!" masayang bungad ni Zagan sa kanya at sinalubong siya ng mahigpit na yakap. "Kumusta ang bakasyon sa Regina?"

"Ayos naman! Ang ganda pa rin doon pero na-miss ko kayo rito. Si Mr. V?"

Itinuro ni Zagan ang itaas. "Nasa opisina niya. Marami siyang natanggap na trabaho mula pa kahapon. Nagpapadoble ng supply ng pagkain ang ibang board member. Naghahanap na rin ng makikipag-coordinate sa Historical Commission para sa magiging guardian ng Itinakda."

"Narinig ko nga kanina kay Lance pagsundo niya sa 'kin."

"Ang alam ko, isa ka sa mga pinagpipilian tutal ikaw naman ang nag-aalaga sa anak ng numen."

Napangiti si Zephy at akmang tutungo na sa elevator area. "Pinag-iisipan ko nga rin kung tatanggapin ko ba kapag inalok nila sa 'kin. Mas gusto kong magtrabaho sa Historical Commission kaysa rito. Baka kausapin ko muna si Boss Rorric kung papayag siya. Ililipat kasi niya ako kay Poi kung sakali."

"Pag-isipan mong mabuti, Zephy! Kahit saan naman, alam kong makakatulong ka sa pamilya."

"Thanks, Zagan! Talk to you later."

Dumeretso na si Zephy sa elevator at nag-check ng phone niya.

Tatlong araw siyang nawala, pero hindi siya nakalimot na magpadala ng sekretarya kay Edric bilang tanghalian nito.

Kaya nga madalas ay nagtataka ang buong Prios kung paanong nagkakasundo sila ni Chancey dahil kung ito ay kating-kati na patigilan sa pagkain ng sekretarya si Edric, si Zephy naman ang tagabigay ng sekretaryang makakain nito.

Pagbukas na pagbukas ng elevator, nanlaki ang mga mata niya nang makita ang nakangiting babae sa tapat na mukhang naghihintay rin ng pagbukas ng sinasakyan niya.

"Good morning, Miss Zephy!" masayang pagbati nito at minata niya agad ito habang papalabas siya at papasok naman ito ng elevator.

Ang taas ng pagkakahagod niya rito ng tingin mula ulo hanggang paa dahil di-hamak na mas matangkad ito kaysa sa kanya. Ang kinis din ng kutis nitong parang nagliliwanag sa ilaw ng elevator. Napalunok na lang siya nang madako ang tingin niya sa namumutok na dibdib nito sa hapit na hapit na white tube na ipinatong sa itim na mini skirt. Ang haba rin ng binti at mas lalo lang tumangkad dahil sa suot na itim na pumps.

"Where are you going?" usisa niya rito.

"Magpapa-approve po ng signed documents for Sir Rorric sa Office of the Chairman," nakangiting sagot nito at hindi na siya nakatanggap pa ng ibang sagot nang tuluyan nang magsara ang elevator na nakapagitan sa kanila.

At pagsara n'on, bumungad sa kanya ang sarili. Nakasuot siya ng floral maxi-dress na de-tali ang strap, kitang-kita ang braso niyang malulusog at ang pisngi niyang namimilog na. Wala rin siyang panama sa tangkad ng babae kanina dahil nakasuot lang siya ng flat sandals na may design na pink na ribbon. Napaayos tuloy siya ng buhok dahil nagtitikwasan pa ang maliliit na kulot mula sa pagkakalugay nitong pinipigilan lang mapunta sa mukha niya gawa ng pink na headband.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon