27. Good Morning

607 65 9
                                    


"Saglit," sabi ni Zephy, inaalam ang unang gagawin.

Inobserbahan niyang mabuti si Edric kung ano ba ang nangyayari dito. Hinawakan niya ito sa noong namamawis at umaasa siyang mainit iyon, pero masyado iyong malamig. Nalito pa siya nang kunan ito ng pulso at wala siyang maramdamang pagtibok. Naalala niyang wala pala talaga itong malinaw na pulso para maghanap siya.

Una niyang ginawa ay bumalik sa kuwarto ni Sigmund, nagbukas doon ng mini ref, kumuha ng bote ng dugo, at bumalik kung nasaan si Edric saka inilapag iyon sa side table katabi ng lampshade.

Sunod ay tumungo siya sa banyo ng kuwarto at humatak sa cabinet ng face towel para basain. Sunod ay naghatak din siya ng malaking tuwalya saka lumabas. Binuksan na rin niya ang mga ilaw sa buong kuwarto at napuno ng liwanag ang malaking silid mula sa vintage pendant lamp na sinusuportahan ng malalaking lubid.

Binalikan niya si Edric, ipinatihaya ito, at tiningnan ang lagay. Matagal na itong namumutla kaya ayaw niyang pansinin ang kulay nito. Pinunasan niya ang noo nitong basa at inalis ang mga butones ng damit nitong hindi na nito nahubad. Alam na agad niyang masama ang pakiramdam nito. Kilala naman niya si Edric. Ayaw nitong nahihiga nang nakadamit. Kitang-kita niya ang pagtitiis nito sa sakit. Ayaw nitong bitiwan ang kumot na kinukuyom.

"Edric, gusto mo bang magpatawag na ako ng doktor?" tanong niya, pilit itong ibinabangon. "Tatawagan ko na ba si Head Alastor?"

Ang bigat ng paghinga ni Edric. Kunot na kunot ang noo nito nang maibangon niya bago alisin ang damit nitong basa ng pawis. Inalalayan niya ang likod nito ng isa pang unan para may masandalan.

Binuksan niya ang bote ng dugo at inalok kay Edric. Walang salitang kinuha iyon ng bampira at nilagok ang laman. Pinanood lang niya itong ubusin iyon nang isang tunggaan lang. Hindi pa man nito naibababa ang bote ay sinalo na niya iyon at siya na ang naglapag sa katabing mesa.

"Ano'ng nararamdaman mo?" nag-aalala niyang tanong sa lalaki.

Ibinagsak nito ang noo sa may balikat niya at doon ito huminga nang malalalim.

Walang idea si Zephy kung bakit masama ang pakiramdam ni Edric. Halos apat na taon na silang magkasama pero hindi pa niya ito nakitang magkasakit. Maliban pa noong kasal nila na literal na duguan ito.

Hindi rin naman siya nagpa-panic. Wala rin naman siyang makitang dahilan para mag-panic hangga't walang dugo siyang nakikita kay Edric na galing sa katawan nito.

Ilang minuto rin silang nasa ganoong puwesto. Hinahagod niya ang nakahayag na likod nitong nanlalamig gawa ng pawis. Nararamdaman niya ang bawat bako sa balat nito gawa ng napakalaking peklat. Mabibigat ang paghinga nito na unti-unti'y bumabagal at nagiging normal kalaunan.

Umabot ang kamay niya sa gintong buhok nito at marahang sinuklay-suklay iyon gamit ang mga daliri. Napapapikit na lang siya dahil kung may paborito siyang parte ng katawan ni Edric na gusto niyang hinahawakan, buhok talaga nito ang unang-una sa listahan niya. Kulot ang buhok niya kaya anong inggit niya sa malambot nitong buhok na kulay ginto pa. Para tuloy siya pa ang inaantok sa ginagawa niya rito.

Ilang saglit pa ay napadilat siya nang gumalaw si Edric. Natigil siya sa ginagawa nang lumayo ito at ibinagsak ang sarili sa pinagpatong-patong na unan sa likod.

"Are you alright, human?" tanong nito, basag pa ang boses. Parang kinikiliti ang tainga ni Zephy dahil mahigit isang taon din niya iyong huling narinig.

Natawa tuloy siya nang mahina. "Di ba dapat, ako ang nagtatanong niyan sa 'yo? Ikaw ang masama ang pakiramdam dito."

"This pain is yours," nakapikit nitong sagot at itinaas ang kamay, inaalok sa kanya.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon