Usap-usapan sa Prios ang kasal ni Edric, hindi dahil sa mismong kasal kundi sa sitwasyong naabutan ng mga dumalo roon.
Ipinatawag ang mga Seer ng Augur, maging si Gaspar, upang magpaliwanag kung saan ba galing si Edric. Ngunit ni isa sa kanila ay walang partikular na sagot na nabanggit maliban sa nasa norte lang si Edric at hindi naman umalis.
Kinabukasan matapos ang kasal, hinatid na lang si Zephy sa Grand Cabin at nauna na si Edric sa building ng Prios. Doon na rin ito nagbihis sa sarili nitong floor unit at dumalo agad sa meeting na naka-schedule ng alas-diyes ng umaga.
Kompleto pa rin ang pamilya maliban sa dalawang wala sa harapan. Pagtapak na pagtapak doon ni Edric, atensiyon na agad ng lahat ang nakuha niya.
"Narito na ang hinihintay natin," sabi ni Poi at itinuro ang stage kung nasaan siya. "Magtungo ka rito, Edric. May kailangan kang ipaliwanag sa pamilya."
Inaasahan na ni Edric iyon. At hindi naman siya natatakot magpaliwanag. Papunta pa lang siya sa ibaba gamit ang hagdang mabababa ngunit malalaki ang hakbang nang magsalita si Priscilla sa harapan.
"Walang ibang nakita ang mga mata kundi ang presensya lamang ni Edric Vanderberg sa loob ng norte," paliwanag ng ginang sa harapan na nakasuot ng puting bestida. "Maging ang punong saserdote ay walang nakita sa kanyang pagtanaw. Nagbigay na ng boto ang buong pamilya upang makita ang katotohanan sa likod ng pagkawala ng panganay ng Pulang Hari. Ang bawat detalye at itatala ni Poi bilang bahagi ng Komisyon ng Kasaysayan. Narito ang mga mata ng Augur upang gawin ang pagsasaliksik."
Lumapit sa harapan ang dalawang dalagitang nakasuot ng itim na bestida. Balot na balot ng tela ang mula ilong hanggang dulo ng mga daliri nito sa kamay. Eksakto lang sa pagsayad sa sahig ang laylayan ng mga suot nitong hapit lang din sa katawan. Ang mga mata ng mga ito ay purong puti at nakatabing ang itim na buhok sa mga mata hanggang baywang.
Bumaba ang tingin ni Edric sa upuang may mataas na sandalan sa gitna. Napapairap na lang siya dahil hindi na siya hahayaang magpaliwanag ng pamilya—pipigain na ng mga ito ang sagot sa kanya nang hindi siya nagsasalita.
Pero wala naman siyang ikinakatakot. Hindi para sa mga ito ang ginawa niya kundi para sa mahahalagang bahagi ng buhay niya.
Komportable siyang umupo sa upuang inalok sa kanya at tinanaw ang ama at kapatid sa pinakaitaas na upuan malapit sa pintuan.
"Simulan na ang pagsasaliksik," utos ni Poi at biglang dumilim ang lahat sa paligid ni Edric.
Nakatutok ang magkabilang kamay ng dalawang seer sa ulo ng lalaking bampira at kumalat sa hangin sa may stage ang lahat ng naganap mula pa noong nakaraang meeting.
Bumalik sa Grand Cabin si Edric, kinuha sa dating kuwarto ni Donovan ang espada niya, at lumipad patungo sa silangang bahagi ng Helderiet Woods.
Kitang-kita nila ang mga gumagala roong mga taong putik, mga naglalakihang itim na aso at ibon na nakakasalubong ng binata. Ngunit hindi ito pinapansin ng mga bantay.
Ilang sandali pa ay nagsipag-ayos silang lahat ng upo at bumakas ang gulat nang makita ang pamilyar na dambana sa gitna ng nagtatayugang mga puno.
Lumapag si Edric eksakto sa harapan ng dambana kung saan nasisinagan ng hindi buong buwan.
Maging si Gaspar ay napatayo sa kinauupuan niya sa sobrang pagkamangha.
"Walang nakapagsabi sa aming kayang makatapak ni Edric sa sagradong altar ng mga Dalca," pagpaparinig ng isa kay Rorric na isa ring nagulat sa napapanood mula sa anak.
"Matagal nang ipinagbabawal ang pagtapak sa bahaging iyan," dugtong ng isa. "Kamatayan ang katumbas ng paglabag at hindi iyon nasasakop ng batas ng testamento. Ano'ng ginagawa riyan ni Edric?"
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...