Normal na oras na para sa Grand Cabin ang pagsisimula ng umaga pagsapit ng alas-nuwebe. Ngunit dahil may bata nang nakatira doon, mas maaga na ng dalawang oras ang pagdating nina Mrs. Serena kasama ng ibang imortal para mag-alaga kay Sigmund.
Alas-siyete ng umaga, abala na agad ang buong Cabin sa arawang paglilinis at pagmimintina ng mansiyon. Araw din iyon ng pagpunta sa ospital ni Sigmund para sa huling araw niya sa pag-inom ng gatas at kinabukasan ay pag-inom naman ng dugo.
Mga servant ang nag-aasikaso kay Sigmund sa second floor, sa unang silid katabi ng hagdan. Nanatili naman sa third floor sina Edric at Zephy para magbihis.
Ang laki ng ipinayat ni Zephy. Kitang-kita ng lahat iyon. Wala siyang maaaring isuot sa mga dati niyang damit kaya ang mga bagong damit niya ang isinukat para makita kung ano ang babagay na damit para sa araw na iyon.
Pumili siya ng pulang dress na hapit sa katawan. May floral dress ding hapit lang sa ibabaw na bahagi at maluwang na pagdating sa baywang pababa. Puwede rin naman siyang mag-blouse at denim, pero pinupuna ng pamilya ang pagsusuot niya ng ganoong damit kapag nasa Prios. Hindi naman siya pinipigilan ngunit kailangan nga raw ibase sa okasyon at panahon ang suot.
Nagsuot na lang siya ng floral dress na may manipis na strap. Hapit iyon at hayag ang halos kalahati ng dibdib niya. Maluwag naman pagdating sa ibaba ng baywang hanggang sa laylayan na hanggang ibabaw ng tuhod.
Iyon na lang ang pinili niyang damit dahil malamang na mamatahin na naman siya ni Edric kapag nagsuot siya ng gaya ng mga isinusuot ng mga sekretarya nitong babae.
Sabi ni Edric, mas gusto nito ang kulot na buhok niya. Nagpa-rebond siya dahil tingin niya ay maganda siya sa ganoong ayos. Tingin din naman niya ay maganda siya, at sinabi naman ng mga nakasama niya sa south na maganda nga.
Pero hindi alam ni Zephy kung mas gusto ba ng asawa niya ang kulot na buhok o ayaw lang nito na may binabago siya sa sarili niya. At para hindi na naman pag-initan ni Edric ang buhok niya, ipinusod na lang niya iyon para maging bun.
Nagsuot siya ng pares ng doll shoes na may puting ribbon. Isinuot niya ang gintong kuwintas na may pusong pendant na gawa sa purong ruby, maging ang hikaw niyang may gintong chain at batong ruby din na halos matapat sa leeg niya ang haba. Isinuot niya ang gintong wristwatch na may ilang ruby rin sa rim at kinuha ang handbag niyang mamahalin. At lahat ng iyon ay regalo ni Edric sa kanya noon dahil nga sinabi nitong binigyan niya rin naman ito ng regalo—iyong mumurahing kuwintas na uwi niya mula sa sandaling bakasyon.
Tuwing may inireregalo siya rito na hindi naman mamahaling mga bagay, hindi natatapos ang araw o linggo na wala siyang natatanggap na regalo rin mula sa lalaki. At nalulula siya sa mga ibinibigay nito.
Kaya nga hindi na siya nakapagrereklamo kahit na nagtatrabaho siya sa Historical Commission nang walang sinasahod. Masyado na siyang mayaman para pasahurin pa.
Lumipat siya sa kabilang kuwarto kung saan nagbibihis si Edric. Naabutan niya itong nagbubutones pa lang ng pulang dress shirt. Pagsilip niya sa kama, nakalatag doon ang necktie nitong kulay puti at gintong relo nitong nasa kahon pa.
"Edric," mahinang pagtawag niya rito habang kuyom-kuyom ang puluhan ng bag.
"What?" sagot nito na abala na sa pagta-tuck in ng damit.
"Papasok ka sa work sa Prios ngayon?"
"I'll stay in the hospital until tomorrow."
"Oooh." Napanguso si Zephy habang iniisip ang schedule niya sa araw na iyon. "Baka kasi ipatawag ako ni Poi sa Historical Commission."
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...