24. Familiar

629 66 14
                                    


Matagal nang planado ni Zephy ang lahat ng gagawin niya makalipas ang limang taon. Sabi nga niya, pagkatapos ng limang taon, magreretiro na siya sa Prios at mamumuhay nang normal.

Iyon lang, hindi na niya masasabi kung posible pa ba ang pagreretiro niya sa Prios at mas lalo na ang normal na pamumuhay.

May trabaho pa rin siya sa Prios bilang assistant sa Historical Commission pero wala siyang sinasahod. Ngunit kahit wala siyang sinasahod, suportado siya ng mga Vanderberg kung kailangan niya ng pera. Halos lahat ng perang mayroon siya ay kusang ibinibigay ni Edric bilang allowance niya kada linggo. May card pa siyang bigay nito na nagagamit niya tuwing umaalis siya ng Prios para sa ibang dahilan.

Hindi na niya kailangan ng suweldo dahil hindi rin niya halos maubos ang perang ibinibigay ni Edric sa kanya.

Nagtanong pa siya noon kung gaano ito kayaman, at ang sinabi lang nito ay sapat lang ang yaman nito para sabihing hindi sila maghihirap hanggang sa susunod na tatlong daang taon.

Kaya noong nanghingi siya ng kahit isang taon lang para sarili, kahit mabigat ang loob ni Edric bilang asawa niya, pinagbigyan pa rin siya nito dahil gaya nga ng ipinangako nito bago sila magkaroon ng kasunduan, kung ano ang hilingin niya ay ibibigay nito hangga't kaya nitong ibigay.

Para naman kay Edric, kahit ayaw niya ay hindi niya kayang pigilan si Zephy sa gusto nito. Matagal na nitong sinabi sa kanya ang plano nito sa buhay sa susunod na limang taon. Pero mabigat pa rin para sa kanya ang maglapag ng desisyong nangako siyang tutuparin.

Isang taon.

Sinabi ni Zephy sa kanya na kahit isang taon lang na wala muna ito sa Prios. Aayusin nito ang lahat ng maiiwan bilang tao dahil sa mga susunod na taon, paniguradong mauubos ang buhay nito para mag-alaga kay Sigmund. Lalo pa't napagkasunduan na mag-aaral na ang bata ng mahika pagsapit ng sampung taon.

Isang taon.

Sinabi ni Zephy na hindi niya ite-text o tatawagan si Edric hangga't hindi emergency. Mabigat iyon para kay Edric dahil hindi lang siyudad ang papagitan sa kanila. Isang buong taon titira si Zephy sa South—doon pa mismo sa kabilang isla na halos hindi mapasok ng mga taga-Prios nang hindi nahihirapan.

Hindi makakapunta roon si Edric. Hindi rin siya papayagan. Kung kaya't kahit isang buong taon na hindi nagparamdam si Zephy ay tiniis niya iyon. At kung sakali mang tawagan siya, kahit pa sinabihan na siyang huwag dadayo roon sa kabilang isla, talagang lilipad siya patungo roon mapuntahan lang ito. Inisip na lang niyang nasa mabuti itong kalagayan kaya hindi siya nito nagawang tawagan.

Kagagaling lang ni Edric sa ospital ng Bernardina para asikasuhin ang schedule ng pagkain ni Sigmund ayon sa payo ni Alastor at tanghali na nang makarating ang puting limousine niya sa tapat ng Grand Cabin.

Nagtambakan ang mga servant doon at naabutan niyang may hinahabol ang isang lalaking bantay sa di-kalayuan. At ang lalaking iyon, may hinahabol pang batang lalaki na may hinahabol ding gansa.

Pagtanaw ni Edric sa bintana ng sasakyan, natanaw pa niyang panay ang pagaspas ng pakpak ng gansa at halatang natatakot ito sa humahabol dito.

"Aaahh!" matinis na tili ni Sigmund. Ayaw paawat kahit na ang lakas ng palahaw ng gansa.

"Master Sig!"

"Father!" tuwang-tuwang tili na naman ng bata at tumakbo na sa kabilang direksiyon. Nakipagpatintero pa ito sa tatlo-tatlong servant na nakasunod dito.

Araw-araw nang ganoon ang hirap ng mga tagapaglingkod ng bata dahil sobrang kulit nito. Wala naman sa posisyon ang mga servant para pagalitan ito sa ginagawa. Kung sakali man, kailangan pang si Poi, si Mrs. Serena, o si Edric ang manermon dito bago ito mapigilan.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon