Tanggap ng buong pamilya ng Prios na nag-asawa si Edric ng isang tao. At mas nagpapasalamat sila dahil kahit tao si Zephy, marami naman itong nagagawa para sa pamilya. Iyon nga lang, dahil sa napagkasunduan noon pang nakaraang tatlong taon, hindi aalisin kay Chancey ang karapatan bilang ina ni Sigmund habang ibinibigay kay Edric ang responsabilidad upang maging ama nito.
Alas-otso ng umaga nang makapag-ayos sina Edric at Zephy para dumalaw sa hardin ng mga Sylfaen. Suot ni Edric ang isang itim na dress shirt na bukas ang dalawang butones sa itaas na ipinares sa puting pantalon.
Si Zephy naman ay nakasuot ng pink floral dress na off shoulder at hanggang tuhod ang haba. Tinatahak ng dalawa ang pasilyo patungo sa silid kung nasaan si Sigmund. Nakasunod sa kanila ang sampung tagapaglingkod bilang bantay.
"Master Edric, Miss Zephy," pagbati ng butler na nakaabang na sa pinto ng kuwarto ni Sigmund. Naglahad pa ito ng palad paturo sa loob ng silid.
Pagtapak na pagtapak pa lang nina Edric sa loob, nakita na agad nila ang batang lalaking binibihisan na ng checkered vest habang inaayos ang pormal na pulang pantalon nito.
May nagsusuklay ng bumabagsak na buhok nitong kulay brown, may nagpupulbos ng matambok nitong pisngi, may nagsusuot dito ng gintong pulseras na may pendant ng mga Vanderberg, may nagsisintas din ng leather shoes nito. Pito-pitong maidservant ang nag-aasikaso sa tatlong taong gulang na bata at halatang sanay na sanay itong inaayusan dahil tahimik lang habang kagat-kagat ang labi.
"Sigmund Vanderberg," maawtoridad na pagtawag ni Edric kaya napalingon ang batang lalaki.
Biglang lumawak ang ngiti nito at kuminang ang kulay tsokolateng mga mata.
"Come here," alok ni Edric nang ilahad ang mga kamay.
"Tepiiii!" sa halip ay tili ng bata at tumakbo agad kahit sinusuklayan pa lang.
Hindi pa man ito nakalalapit sa direksiyon ni Zephy ay hinuli agad ito ng kanang braso ni Edric at parang laruan lang na binuhat. Ni wala man lang pag-iingat at halos iwasiwas pa sa hangin.
"Edric, mapipilayan 'yan!" singhal ni Zephy sabay hampas sa braso ng bampira.
"This is a monster. It can kill me if it wants to."
"Anong it? Tingin mo diyan, hayop? Akin na nga!" pag-agaw ni Zephy sa paslit.
"No," sagot ni Edric nang may tinig ng pagbabanta saka tiningnan nang masama si Zephy. Kinarga na niya nang maayos si Sigmund at naningkit ang mga mata nang titigan ang bata. "I was calling you, little monster. How dare you not notice me?"
Naduduling naman si Sigmund nang tinigan si Edric. Hinawakan agad ng bata ang ilong ng lalaki saka ito naglukot ng mukha sabay angil. "Grrr!"
Inangilan din ni Edric na parang isang leon si Sigmund para lang takutin. Inilabas pa niya ang mahahaba niyang pangil at lalong pinatapang ang pulang mga mata. Pero imbes na matakot, tinawanan lang siya ng bata nang ubod ng lutong dahil akala ay nakikipaglaro lang siya rito.
"Hay, ewan ko sa inyong dalawa," sumusukong ani Zephy, umiiling. "Pareho kayong mga asal-tigre."
Ganoon ang kadalasang nagaganap kapag nagsasama-sama silang tatlo.
Bihirang hayaan ni Edric na kargahin ni Zephy si Sigmund dahil pinagmumulan nila iyon ng away. At habang pababa sila sa lobby ng kastilyo, nagsisimula na namang magtalo sina Edric at Sigmund dahil kay Zephy.
Hagikhik kasi nang hagikhik si Sigmund, inaabot ang kamay ni Zephy na nakikipaglaro sa kanya mula sa likod ni Edric. Nairita lang ang lalaki kaya tumalikod ito at tiningnan nang masama ang asawa.
BINABASA MO ANG
Prios 6: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...