Prologue

1.7K 105 48
                                    

Nakatayo kami sa tuktok ng Madjaas na aming tirahan. Pumapatak ang mainit na luha sa aking mga mata habang tinititigan ko ang aking sinta. Sobrang liwanag ng bulan sa kalangitan.

Napakaganda mo, Libulan...

Ayokong bitiwan ang iyong kamay...

Nanghihina na ako... Hindi ko na kayang lumaban pa sapagkat puno ng mga sugat ang aking katawan.

Malaki ang natanggap kong pinsala sa digmaan ng mga diwata. Ngayon naman ay digmaan ng mga mortal.

"Ginawa mo na ang iyong tungkulin, Sidapa. Oras naman para gawin ko ang akin."

"Hindi mo kailangang gawin ito, Libulan! Parang-awa mo na, huwag mo akong iiwan!"

Hinaplos niya ang aking mukha...

Isang ngiti na mapait lamang ang pinakita niya sa akin. Kitang-kita ko ang magkahalong lungkot at pag-asa sa kulay pilak niyang mga mata.

"Sidapa, aking sinta... Hindi sapat ang biyaya na pinagkaloob ni Liadlaw. Tumingin ka sa paligid."

Amoy dugo ang paligid. Ako ang diwata ng kamatayan at kitang-kita ko na hindi pa ito ang tamang oras nila upang pumanaw.

Kitang-kita ko kung paano pinapaslang ng mga aswang ang mga tao tuwing sasapit ang dilim.

Tila salot na mabilis lumaganap ang mga aswang simula nang bigyan sila ng kapangyarihan ng kalaban naming diwata.

"Anong klase akong diwata kung hindi ko kayang protektahan ang mga babaylan na sumasamba sa akin?"

Tila palaso na bumaon sa aking puso ang mga katagang binitawan ni Libulan. Kitang-kita ko sa kulay pilak niyang mga mata ang pighati.

"Ako ang diwata ng buwan ngunit tignan mo ang paligid! Pinapaslang ang mga taong sumasamba sa akin tuwing sasapit ang dilim!"

Pumatak na ang kanyang mga luha...

Hindi ko maatim na pinagmamasdan ko siya habang umiiyak. Nangako ako sa kanya na mamahalin ko siya at pasasayahin ngunit wala akong magawa.

"Imbis na pagmasdan nila ang rikit at liwanag ng bulan sa kalangitan tuwing gabi, napupuno lamang sila ng takot."

Ramdam na ramdam ko ang pighati sa bawat salitang binibitawan niya.

"Hindi ko kayang manood na lamang at magbingi-bingihan sa kanilang mga panalangin."

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon