Sonya's POV
Ni-lock ko na ang pinto ng kwarto ko kagaya ng sinabi ni Sinag. Pumapatak ang mga luha ko habang nakahawak sa tiyan.
"A-Anak... Gagawin ni mommy ang lahat para makaligtas tayo dito ha."
Iyak ako ng iyak sa sobrang takot. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko. Ang sakit sa dibdib! Patay na pala si Marco! Ginagaya na lang ng demonyo ang hitsura niya.
Kung may sapat lang sana ako na kakayahan para lumaban. Ano ba ang magagawa ko? Sila Marco nga na pulis, napatay nila!
Kailangan kong humingi ng tulong! Hindi sila ordinaryong aswang, may kakayahan silang gumaya ng tao at napatay nila ang asawa ko!
Hindi sila kakayanin ng pangkaraniwan na babaylan.
Kinuha ko na lang ang telepono at tinawagan ko na ang numero niya. Please! Sagutin mo! Parang awa mo na!
"Hello..."
"H-Hello Manang Veron! Si Sonya ito! Naalala mo ba ako? Ako 'yung buntis na nakausap mo sa may simbahan."
"Oo, naaalala kita. Umiiyak ka ba? Anong problema hija?"
"Manang Veron, nakakulong kami dito sa bahay! Hindi kami makaalis dahil ginaya ng aswang ang hitsura ng asawa ko! Tulungan mo kami."
"Bangkilan... Makapangyarihang uri! Sabihin mo sa akin ang address at pupunta kaagad ako diyan!"
"Nandito kami sa Barangay Milagrosa. Kulay pula ang gate malapit sa kanto ng simbahan!"
"Naku hija... Malayo ako ngayon. Isang oras pa bago ako makarating diyan! Pakiusap, subukan mong magtago habang wala pa ako!"
"O-Opo Manang... Maraming salamat."
Binaba na niya ang telepono. Kahit papaano ay gumaan na ang pakiramdam ko.
Si Manang Veron ang unang nakaalam na buntis ako. Nakasalubong ko lang siya sa simbahan.
Isa siya sa mga Babaylang Hinirang. Isang bunggaitan na may malakas na kapangyarihan. Pinaniniwalaan na kapantay sila ng mga diwata.
Binigyan kaagad niya ako ng numero kung sakali na kailangan ko ng tulong. Siya lang ang pwedeng magsalba sa amin!
Nagulat ako dahil bigla na lang may kumatok ng malakas sa kwarto.
"Sonya..."
Nanindig na ang mga balahibo ko! Kaboses talaga niya si Marco pero ramdam ko na totoo ang sinasabi ni Sinag!
"Sonya! Ano ba? Buksan mo ang pinto! Bakit mo kinandado?"
Nanginig ako sa lakas ng boses niya! Ngayon, sigurado na ako na hindi siya ang asawa ko! Kahit isang beses, hindi ako nagawang sigawan ni Marco!
Umiyak na lang ako...
Hindi ko alam kung anong gagawin. Nakahawak lang ako sa tiyan para protektahan ang anak ko!
"Umiiyak ka ba, Sonya?"
Napalunok na lang ako. Kailangan kong mag-isip ng paraan! Isang oras pa bago makarating si Manang Veron!
"S-Sinungaling ka Marco! Manloloko!" Sigaw ko sa kanya.
"Bakit Sonya? Anong ginawa ko?"
"Sa labas ka matulog kung gusto mo! Magpalapa ka na sa mga aswang! Manloloko ka!"
Tumingin ako sa orasan at mahaba pa ang hihintayin ko bago dumating si Manang Veron. Kailangan gawin ko ang lahat para humaba itong usapan!
"Ano ba ang sinasabi mo ha?"
BINABASA MO ANG
Babaylan
FantasyThe group of Babaylan turned from mystical healers to merciless warriors in order to fight the flesh eating monsters in modern era.