Chapter 31: Halik ng Kamatayan

535 64 15
                                    

Sidapa's POV

Hindi ako makagalaw. Tuluyan na naging bato ang buong katawan ko. Walang kamatayan para sa akin dahil ako ang Diyos ng kamatayan.

Buong buhay na ba ako na magiging bilanggo bilang isang estatwa?

Kahit na naging estatwa lamang ako, nakikita ko si Sinag at alam ko ang nangyayari sa paligid. Nakikita ko na namumuo ang luha sa mga mata niya.

"Ang sabi ng Ibong Adarna, maibabalik lang kita sa dati gamit ang halik ng tunay na pag-ibig."

Tama ka, Sinag. Malinis ang hangarin mo nang labanan mo ako. Hindi mo hinangad na mapahamak ako kaya sa iyo pa rin ang katapatan ng Ibong Adarna.

Kaya niya akong ibalik sa dati kong anyo kung magkakaroon ng panibagong amo ang ibon at hihilingin sa kanya na tulungan ako.

Ngunit hindi iyon maaari dahil bigla na lang maglalaho ang Ibong Adarna upang humanap ng panibagong amo kapag nasira ang ugnayan nito kay Sinag.

Hindi maaaring isakripisyo ni Sinag ang mahiwagang ibon para lang iligtas ako dahil maaaring mapunta sa kamay ng masama ang kapangyarihan ng Adarna.

"Alam ko na si Libulan ang totoong pag-ibig mo, Sidapa. Patawarin mo ako. Hindi ko alam na halik pala ng tunay na pag-ibig ang magbabalik sa'yo sa dati."

Tama Sinag... Wala na tayong ibang pagpipilian. Natalo mo nga ako ngunit hindi mo pa rin makukuha ang kapangyarihan na ibibigay ko sa iyo. Kailangan mo muna akong ibalik sa dati kong anyo upang makuha mo ang gantimpala.

Hindi ko inaasahan na malakas pala si Sinag at may tinatago siyang sandata na pwedeng tumalo sa akin.

Masyado ko siyang minaliit...

Nabigla ako dahil pumatak ang mga luha niya. Bigla niya akong niyakap. Isa na akong estatwa ngunit ramdam ko pa rin ang init ng yakap niya.

"Patawarin mo ako, Sidapa! Hindi ko gusto na maging ganyan ka. Hindi ko inasahan na ganito ang mangyayari."

Alam ko naman, Sinag. Alam ko na hindi sinabi sa iyo kaagad ng Ibong Adarna ang sagot upang mabali ang sumpa niya.

Ramdam ko ang pagpatak ng mainit niyang mga luha. Bakit Sinag? Bakit ka umiiyak? Alam ko naman na hindi mo kasalanan ito.

Hindi naman masama na hinangad mong magkaroon ng mas malakas na kapangyarihan. Alam ko naman na para sa kabutihan ng nakararami ang iniisip mo.

Hindi ko inasahan na kaya mo pala akong madaig at iyon ang hinahangaan ko sa iyo.

Ikaw lang, ikaw pa lang ang bukod tangi na naglagay sa akin sa ganitong sitwasyon. Matalino ka at malakas. Hindi kagaya ng inaakala ko noon. Nagkamali ako ng tingin ko sa iyo.

"Hahanapin ko si Libulan para sa iyo. Ipinapangako ko Sidapa, ibabalik kita sa dati."

Nabigla ako dahil sa sinabi niya. Ramdam ko na nasasaktan siya at sinisisi niya ang sarili niya.

Hindi ako makapaniwala. Alam ko na mahirap hanapin si Libulan dahil hindi naman sigurado kung kailan siya magbabalik. Ang pangako ni Sinag ay mula sa busilak niyang puso ngunit imposible itong matupad.

Humarap siya sa akin at hinawakan niya ang mga pisngi ko. Kahit na estatwa ako ay ramdam ko pa rin ang init ng mga palad niya.

Malungkot ang mga mata niya habang pumapatak ang mga luha.

"Hindi ko alam Sidapa kung gusto ba talaga kita o sapat ba ang nararamdaman ko para bawiin ang sumpa. Ang gusto ko lang ay malaman mo na mahalaga ka sa akin at gusto ko rin sana na ganun din ako sa'yo."

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon