Chapter 1: Sinag

1.1K 80 22
                                    

Amoy na amoy ko ang napakabangong bulaklak na tanim ni lola. Sobrang bango at sobrang ganda ng sampaguita. Buong bahay namin ay binabalot ng halimuyak nito.

"Oh apo... Malapit nang lumubog ang araw. Pumasok ka na sa loob."

Ngumiti na lang ako kay Lola Selya at kumain na kami ng hapunan.

"Lola, kwentuhan niyo po ulit ako bago matulog. Miss ko na po 'yun eh!"

"Oo naman apo! Walang problema! Hindi ako magsasawang magkwento sa iyo tuwing gabi."

"Sinag naman... Hindi ka ba nagsasawa sa mga kwento ni lola? Paulit-ulit na lang kasi!" Sabi ni kuya.

"Naku kuya! Bahala ka matulog ng maaga basta makikinig muna ako sa kwento ng lola!"

Si Kuya Rain kasi ay mas matanda sa akin ng tatlong taon at nagsasawa na raw siya sa paulit-ulit na mga kwento ng lola namin.

Ako naman... Kahit paulit-ulit ang kwento ay hindi ako nagsasawang makinig kay lola.

Pagkatapos kumain ay humiga na agad ako sa kama. Si kuya ay nagbalot kaagad ng kumot. Mukha tuloy siyang suman hahahahah.

"Oh apo... Ano ba ang gusto mong i-kwento ko sa'yo?"

"Yung paborito ko po lola! 'Yung love story po ni Sidapa at Libulan!"

"Kaumay ha!" Hirit ni kuya.

"Oh siya apo... Noon ay pito ang mga buwan sa kalangitan at si Libulan ay isa sa mga diwata nito. Lalake si Libulan ngunit siya ay isa sa pinakamagandang diwata."

Napangiti na lang ako...

"Sa tuktok ng Madjaas ay nakatira ang diwata ng kamatayan na si Sidapa. Palagi niyang pinapanuod ang pitong buwan sa kalangitan tuwing sasapit ang gabi."

"Inuutusan po ni Sidapa ang mga ibon na kantahan ang pitong buwan. Inuutusan niya ang mga bulaklak na mamukadkad at umabot ang halimuyak nito hanggang sa kalangitan. Inuutusan niya ang mga alitaptap na magbigay liwanag para makita ang daan papunta sa kanya!" Sabi ko.

"Ayan, kabisado na nga..." Sabi ni kuya.

Natawa na lang kami ni lola...

"Isang gabi ay bumaba ng kalangitan si Libulan upang makita si Sidapa. Hindi na nag-aksaya ng panahon si Sidapa at pinaramdam niya kay Libulan ang pagmamahal niya."

"Binigyan ni Sidapa si Libulan ng maraming mga bulaklak at ginto para ipakita ang pagmamahal niya!"

"Naririndi na ako..." Bulong ni kuya.

"Doon nabuo ang pagmamahalan nila ngunit isang gabi ay mayroong diwata na nagnanais angkinin ang mga buwan sa kalangitan!"

Napayakap na lang ako sa unan...

"Umahon mula sa karagatan ang diwatang si Bakunawa at isa-isa niyang kinain ang mga buwan sa kalangitan!"

Napaka-kontrabida ni Bakunawa!

"Hindi nagpadaig ang diwata ng kamatayan at lumaban siya kay Bakunawa! Nadaig niya ang masamang diwata at nailigtas ang kanyang minamahal na Libulan!"

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon