Kabanata 2: pagtatagpo

8.4K 245 13
                                    

Maaga pa lamang kinabukasan ay gising na ang mag anak na Amado, Juling at Insiang.

"Kumain kayong maigi ng almusal at tiyak na hindi nyo na magagawang kumain mamaya sa dami ng gagawin nyo.", sabi ni Mang Amado sa maybahay at anak na dalaga.

"Kuu... ere na nga at punumpuno na ang tiyan ko eh.", sagot ni Aling Juling.

"Huwag kang mag alala sa amin ng inay, itay. Kayang kaya namin ang mga gawain doon. Marami naman kaming magkakatulong kaya madali na lang ang ganun sa amin.", singit naman ni Insiang.

"Pinayagan ko lamang kayo sa gusto nyo dahil sabi nyo nga ay sayang din ang kikitain nyong mag ina at madali lang naman ang trabaho doon. Kapag nahirapan na kayo ay umuwi na lamang kayo, ha?'', muling paalala ng lalaki.

''Huwag kang mag alala, Amado. Para ka namang walang bilib sa amin ng anak mo. Sanay naman kaming magbanat ng buto. Kesa naman hindi nga kami nahirapan ay wala namang kinita. Para na rin may maidagdag sa naitabi natin bago dumating ang tag ulan. Alam mo namang kapag nagpanay panay ang pagdating ng bagyo ay hindi tayo nakakapag tanim sa bukid. Maigi na yung may isinuksok upang may madudukot.", paliwanag ni Aling Juling sa asawang naghuhugas na ng kamay sa batalan. Nakalingon lamang ito sa gawi nilang mag ina at tumango tango.

"O siya..., ako naman ay nagmamalasakit lang. Basta mag ingat kayo roon.", muling bilin ng butihing asawa at ama.

Sa bakuran ng malaking bahay.....

Paroo't parine ang mga naghahanda sa mga sangkap na lulutuin para sa masaganang piging. May mga naglilinis at naghihimulmol ng mga manok na inilulubog sa isang kawa na may kumukulong tubig. May mga nagbabalat at naghihiwa ng mga panahog na gagamitin sa mga putaheng lulutuin ng mga kusinera. Nililinis na rin ang apat na malulusog na biik upang litsunin. May mga naghihiwa rin sa mga karne ng baboy, baka at manok. Abalang abala ang lahat nang may marinig silang busina ng sasakyan.

Isang makintab na kotse ang nakita ng ilang katulong sa pagluluto ang nasa tapat ng gate na ang kalahating bahagi ay nakabukas.

Sinaway ng mayordoma ang ilang batang nakakapit sa kotse na hindi makausad papasok at saka nagmamadaling binuksan ang kabilang dahon ng gate.

Nakamata lamang si Insiang kasama ng iba pang tumutulong sa pagluluto nang umusad papasok ang kotse.

Humahangos na lumabas mula sa loob ng bahay si Senyora Agatha at nakangiting sinalubong ang lalaking bumaba mula sa sasakyan.

"Mama!", tawag ng mukhang artistang lalaki sabay lapit sa senyorang nakatayo at nakatingin sa kanya.

"Anthony, anak!", nakangiti at maluha luhang sigaw ng ginang sabay lahad ng magkabilang bisig upang salubungin ang papalapit na anak.

Maya maya pa ay nagmamadaling lumapit si Senyor Rubio sa dalawa at nakiyakap rin.

"Siya pala si Senyorito Anthony. Napaka guwapo niya!", bulong ni Insiang sa sarili. Nakatapat pa sa dibdib nito ang kamay na may hawak na kutsilyong ginagamit sa paghihiwa. Titig na titig ito sa mukha ng lalaking nakangiti habang lumilinga sa paligid.

"Hoy! Balik sa trabaho! Hindi kayo binabayaran dito para tumayo tayo riyan!", sigaw ng isa sa mga kusinera.

Agad namang nagbalikan sa kanya kanyang gawain ang mga tinawag at habang kumikilos ang mga kamay ay nagkikilusan rin ang mga bibig sa pagkukwentuhan tungkol sa senyoritong bagong dating.

"Magsitigil nga kayo! Kay haharot ng mga ito. Akala nyo ba ay pag aaksayahan kayong pansinin ng lalaking kagaya ni Senyorito? Imposible! Hindi ang probinsyanang gaya nyo ang nababagay sa kanya!", angil ng mayordomang nakalapit na pala at narinig ang kilig na kilig na pagtutuksuan ng mga katulong.

Nagsitahimik ang mga kadalagahang nagkakaingay. Agad namang bumulong si Aling Juling sa anak.

"Narinig mo?", tanong ng ginang habang panay pa rin ang paghiwa sa karne ng manok.

"Ang alin, inay?", pagmamaang maangang ni Insiang.

"Ako ba naman ay paglilihiman mo pa? Kitang kita sa mga mata mo ang paghanga para sa anak ni Senyora at Senyor.", pananalakab ni Aling Juling.

"Ang inay..., hindi po! Napagaya lang ako sa pag usyoso. Gusto ko lang din makita kung sino ang anak ni Senyora. Natural lang naman na humanga ako sa nakita kong maganda. Pero hindi na lalabis pa roon. Ang inay.., talaga.", natatawang paliwanag ni Insiang. Sinikap na ilihis ang tamang sapantaha ng ina sa damdamin niya.

Pagkaraan ng ilang oras ay nalibang na ang dalaga sa ginagawa. Nawala na sa isip nito ang lalaking nagpabilis sa pagpintig ng kanyang puso.

"Oy, Insiang! Kunin mo muna ang gata kay Manang at nang maihabol na rito sa kaldereta!", utos ng isa sa kusinera.

Agad namang sumunod ang dalaga. Bahagya pa itong nagpunas ng kamay sa laylayan ng suot na damit. Napansin nitong natanggal sa pagkakabutones ng suot kung kaya inayos ito habang naglalakad. Eksaktong pagyuko niya ay siya namang pagliko ni Anthony!

Nagkabungguan ang dalawa!

"Aray!", daing ni Insiang. Bumunggo ang noo nito sa baba ng binata.

''Sorry miss.., sorry talaga... Hindi ko sinasadya..'', paulit ulit na sabi ni Anthony habang panay ang himas sa noo ng dalagang parang natuklaw ng ahas. Bahagya pang nakaawang ang mga labi nito habang titig na titig sa lalaking kanina lamang ay tinatanaw niya sa malayo.

"Ayos ka lang ba, miss? Kailangan na ba natin pumunta sa hospital?", tanong nito.

Sa narinig na hospital ay tila nahimasmasan si Insiang.

"Ha, hospital? Nabunggo lang naman ako sa iyo at hindi nabundol ah!", inosenteng gulat na sabi ng dalaga na nakapag patawa ng malakas sa binata.

"I like you..., ngayon na lang uli ako natawa ng ganito. Anong pangalan mo?", tawang tawang tanong ni Anthony sa napanganga uling dalaga.

"Insiang! Insiang ang pangalan ko.", nagmamadaling sagot ng dalaga nang ilapit ni Anthony ang mukha sa kanya. Napaurong pa ito habang pulang pula ang magkabilang pisngi.

At doon nagsimula ang mga patagong pagkikita ng dalawa. Hanggang sa magkaroon din ng patagong relasyon.

"Mahal kita, Insiang. Mahal na mahal.", sabi ni Anthony sa dalagang hinahalikan.

"Natatakot ako. Baka..., baka...", may pag aatubiling sabi ni Insiang ngunit wala siyang lakas upang tanggihan ang kahilingan ng lalaking iniibig.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon