Kabanata 20: usig ng kunsensya

5.7K 217 15
                                    

Nagpipilit kumawala si Anthony sa babaeng nakayapos sa kanya.

Nagbabagsakan na ang ilang gamit sa loob ng kanyang silid sa tila pakikipagbuno nito.

"Aaaaaah...! Bitiwan mo ako! Bitiwan mo akooo!", paulit ulit nitong sigaw.

Sa ingay ng naglaglagan at nagkabasag na gamit at malakas na palahaw ng binata ay dali daling napatakbo si Senyor Rubio papunta sa silid ng anak.

Maging ang mayordomang si Ploring at katiwalang si Tano na nakarinig ng ingay at pag galabog ay humahangos din na napapanik sa kinaroroonan ng sumisigaw na binata.

Unang narating ng Senyor ang silid ni Anthony.

Nadatnan nitong nagpupumiglas ang anak at parang may tinatanggal na kung ano sa bewang.

"Anthony, anong nangyayari sa iyo anak?!", takang takang tanong ni Senyor Rubio.

Hindi nito malapitan ang binatang panay ang pag igtad ng katawan. Matanda na siya at mahina pa. Ang pag igkas ng mga braso ng anak na may nag uumigting na masel ay hindi niya magagawang pigilan.

"Anthony! Huminahon ka!", saway ng matanda sa nakikitang tila pagwawalang ginagawa ng binata.

"Tulungan mo ako, Papa! Ayaw niya akong bitawan! Ayaw niya akong pakawalan!", malakas na sumbong ni Anthony habang patuloy sa pag igkas ng mga braso.

Napakunot ng noo ang Senyor. Hindi maintindihan ang ibig sabihin ng anak.

"Ano ang sinasabi mo? Sino ang ayaw bumitaw sayo? Sino ang ayaw magpakawala sayo?", mahinahong tanong ng ama sa nagpupumiglas na anak.

"Hindi..., aah.., hindi ko alam kung sino.., aah..., hmmmp....,ang babaeng ito, Papa. Nakatakip ng belong...aah..., hmmmp.., aah..., itim ang kanyang mukha!", putol putol na sagot ng binata sa pagitan ng pagpiglas. Ubod lakas na tinatanggal ang dalawang braso na mahigpit na nakapaikot sa bewang niya.

"Pero anak, wala kang kasama sa kinatatayuan mo.! Ikaw at ako lamang ang naririto sa loob ng iyong silid.", takang takang sabi ng Senyor.

"Hindi mo nakikita?! Nakayakap ang mga braso niya sa bewang ko, Papa! Nakita rin siya ng Mama! Itinuturo siya ng Mama! Huwag mo akong tignan ng ganyan, Papa! Hindi ako nababaliw! Nakayakap sa akin ang babaeng naka belong itim!", nanlilisik ang mga matang sigaw ni Anthony.

Lalo itong nagpipiglas hanggang sa bumagsak sa sahig.

"Diyos ko! Anong nangyayari kay Senyorito Anthony?!", nanulas sa bibig ng sindak na sindak na mayordoma.

Ganun din ang katabi nitong katiwala. Nakanganga ang lalaki sa labis na pagtataka.

Nakatayo ang dalawa sa likuran ng among Senyor na pinaglilingkuran.

Nang makita ng Senyor si Tano ay agad itong nag utos.

"Pigilan mo si Anthony, Tano. Tulungan mo siya! Nasasaktan na niya ang sarili sa ginagawang pagpiglas!", nag aalalang sabi nito.

Saglit na nag isip ang katiwala. Pagkatapos ay maliksing kumilos.

Kinuha nito ang kumot at pagkatapos ay ibinalot sa katawan ni Anthony. Palibhasa ay pagud na pagod na sa kapipiglas ay nanghina na ito. Nagawa namang ibuhol ng katiwala ang magkabilang dulo ng kumot.

Dahil hindi na malakas ang pag galaw ng binata ay nagawa na ng katiwala at ng Senyor na buhatin ito at maisampa sa kama.

Tagaktak ang pawis sa noo at buong mukha ni Anthony ganun din sa batok nito.

Maagap na pinunasan ni Ploring ang pawis ng Senyorito. Bahagya pang kumikinig ang kamay ng mayordoma sa takot. Hindi sa binatang pinupunasan ng pawis kundi sa sinabi nitong babaeng naka belong itim.

Walang kakurap kurap na nakatitig si Anthony sa ama.

"Papa, gumaganti si Insiang sa pagtalikod na ginawa ko sa kanya. Kasama ko siya. Sinundan niya ako sa Maynila. Hindi niya ako patatahimikin, Papa. Hindi niya ako pakakawalan. Tulungan mo ako, Papa. Tulungan mo ako, ha.", tumutulo ang luhang pakiusap ni Anthony.

"Oo anak.., tutulungan ka ng Papa.", nasabi na lamang ng Senyor habang hinahagod ang ulo ng anak.

Dahil sa pagod sa byahe at pakikipagbuno sa hindi nakikita ng iba ay nakatulog si Anthony.

Animo isang baliw na nakabalot ng straight jacket.

Lalong nanikip ang dibdib ni Senyor Rubio. Hindi lamang ang kanyang asawa ang nangangailangan ng tulong niya. Maging ang nag iisang anak ay tila wala na rin sa sariling katinuan.

"Kunsensya ang umiisig sa inyong mag ina. At ang kaparusahan naman sa akin ay ang nakikita kayong nagkakaganyan. Amado, Juling, Insiang...., ano ang dapat kong gawin upang mapatawad nyo kami sa aming nagawa? Sabihin nyo...., nakikiusap ako.", lumuluhang bulong ni Senyor Rubio.

Hirap na hirap ang kalooban nito sa nasasaksihang unti unting pagkawasak ng asawa't anak.

Naluha ang dalawang katulong sa nakikitang tahimik na pag iyak ng Senyor.

Iba ang ugali nito sa kanilang Senyora. May puso ito para sa mga gaya nilang mahirap lang. Ni minsan ay hindi sila nito tinawag na hampaslupa. Palihim itong nag aabot ng tulong sa kanilang lahat ng lingid sa kaalaman ng asawa. Ito rin ang humihingi ng paumanhin sa kanila sa twing makakatikim sila ng mga pangit na pananalita mula sa kanilang Senyora.

At ngayon ay lugmok na lugmok ito ngunit wala silang magawa. Hindi nila alam kung anong tulong ang kaya nilang ibigay. Lalo na at naghihiganting kaluluwa ang naningil sa asawa nito at anak.

"Ploring", tawag ng Senyor.

"Po?", agad na sagot ng mayordoma.

"Maaari mo ba akong samahan sa pinaglibingan ng mag anak na Amado bukas?", tanong ng Senyor.

"Opo, Senyor Rubio! Sasamahan ko po kayo.", mabilis na sagot ni Ploring.

"Tano.", tawag naman ng Senyor sa katiwala.

"Ano po iyon, Senyor?", maagap na tugon naman ng katiwala.

"Pakikiusapan sana kitang samahan muna dito si Anthony. Kung magigising siya at magwawala uli ay hindi ko makakayang mag isa ang pakalmahin siya. Isa pa ay kailangan din ako ng inyong Senyora. Maaari ba?", pakiusap ng Senyor.

"Opo, Senyor! Ako na po ang bahalang magbantay sa kanya.", sagot ni Tano.

Tumango tango ang Senyor at nagpasalamat sa dalawang taong alam niyang mapagkakatiwalaan niya.

Matapos masigurong himbing sa pagtulog ang anak ay binalikan na niya ang asawa sa kanilang silid.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon