Kabanata 4: Linggo ang kasal?

6.2K 216 17
                                    

"Nababaliw ka na ba, Anthony?! Ito ba ang natutunan mo sa ilang taong pag aaral mo ng Medisina sa Maynila?! Hindi ka na nahiya! Isang hampaslupang katulong lamang ang pinagdala mo ng iyong punla! Estupido!", galit na galit at halos magbuga ng apoy ang ina ng binata.

Matapos marinig mula sa mayordoma ang kumakalat na balitang nakabuntis ang nag iisang anak ay sumugod ito sa silid ng binata.

"Pero nangako na ako kay Insiang na pakakasalan ko siya, Mama.", nakayukong sabi ni Anthony sa ina.

"Sirvin...,guen..., za!"

"Agatha!", sigaw ni Senyor Rubio.

"Mama!", sigaw ni Anthony.

Kung hindi agad nakalapit ang asawa sa ginang ay malamang na humandusay sa lapag ang katawan nito.

Nag aalalang binuhat ni Anthony ang ina at inilapag sa ibabaw ng kanyang kama. Pinulsuhan agad ito. Mabilis din niyang tinignan ang blood pressure ng ina at pagkatapos ay binigyan ng pangunahing lunas.

"Anthony anak, makakasama sa kalagayan ng iyong Mama ang ma stress lalo na ang magalit. Mag isip kang mabuti, hijo. Wala kaming ibang hinahangad kundi ang mapabuti ka. Nag iisa ka naming anak at halos ikamatay ng iyong Mama ang pagluluwal sa iyo. Sana ay maunawaan mo ay gusto niyang mangyari.", malumanay na salita ni Senyor Rubio.

"Naiintindihan ko kayo, Papa. I'm sorry.., I'm really sorry.", hinging paumanhin ni Anthony sa ama at pagkasabi ay sa inang nakapikit naman tumingin.

Nang maging stable ang vital signs ng Senyora ay saka pa lang nakahinga ng maluwag ang binata. Lumabas ito ng silid at sumagap ng sariwang hangin sa balkonahe.

Gulung gulo ang isip niya, hindi alam kung ano ang dapat gawin at susundin.

Ilang araw pa ang lumipas at muling nagkita ang magkasintahang Insiang at Anthony.

"Tignan mo ang damit na ito, Anthony.", nakangiting sabi ni Insiang habang inilaladlad ang isang lumang trahe de boda.

"Maganda pa rin di ba? Ito ang isinuot ni inay nang pakasalan siya ng itay ko! Nakasinop ito sa aparador kaya kahit maraming taon na ang nakalipas ay para pa ring bago! Maganda ba, Anthony?", nakangiti at excited na tanong ni Insiang. Itinapat pa nito sa katawan ang hawak na damit at saka bahagyang gumalaw na tila nagsasayaw. Tumango naman si Anthony bilang pagsang ayon.

Napalitan ng pag aalala ang ngiting nakaguhit sa mukha ng dalaga nang mapansing natitigilan ang kasintahan.

"Bakit, may problema ba? Nabanggit mo na ba ang plano nating dalawa sa iyong mga magulang? Hindi ba sila pumayag?", sunud sunod na tanong ni Insiang.

"Maysakit kasi ang Mama kaya...", sabi ni Anthony na pinutol agad ni Insiang.

"Kahit naman tayong dalawa lang ay maari na tayong ikasal. Sabi ni Father kapag daw nasa hustong gulang na ang magpapakasal ay binabasbasan niya!", masiglang sabi pa rin ni Insiang. Hindi nawawala ang ngiti nito sa mga labi.

"Insiang...", malungkot na sabi ni Anthony.

"Wala kang dapat alalahanin sa inay at itay. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa kanila. Mababait ang mga magulang ko kaya natitiyak kong mauunawaan nila tayo.", muling sabi ng dalaga.

"Sa linggo...", sabi ni Anthony na hindi muling naituloy.

"Talaga, Anthony?! Pumapayag ako! Sa linggo! Oo, tama! Sa linggo na tayo pakasal!", tuwang tuwang sabi ni Insiang. Masiglang masigla ang tinig nito. Habang wala namang kakibo kibo si Anthony.

**********

"Ano? Sino ang magpapakasal kanino, Juling?!", tanong ng biglang sumulpot na si Mang Amado. Kasalukuyang sinesermunan ni Aling Juling ang anak nang magsabi ito na pakakasal kay Anthony.

Muling inulit ni Insiang ang pagpapaliwanag sa ama. Napaupo si Mang Amado sa sahig matapos ang mahabang kwento ng nag iisang anak.

"Insiang anak, naniniwala ka sa pangako ng Anthony na yan na pakakasalan ka niya?", nanghihinang tanong ni Mang Amado sa anak. Nanlulumo siya sa nakikitang anyo ng dalaga.

Tinignan nito ang lumuluha din na asawa. Awang awa sa kalagayan ng masayahin at mabait nilang anak.., ng pinakamamahal nilang anak.

"Hindi ka naniniwalang mahal ako ni Anthony, Itay? Ikaw Inay, hindi ka naniniwalang pakakasal kami bukas? Totoo yon, nangako siya. Pakakasalan niya ako. Pakakasal kami! Nangako siya!", nakangiting sabi ni Insiang sa mga magulang.

"Sige na anak, itabi mo na ang damit pangkasal na iyan at magpahinga ka na.", sabi ni Juling sa anak. At pagkatapos ay inalalayan itong makapasok sa sariling silid.

Ilang sandali ring nagtagal ang ginang bago lumabas. Nadatnan pa nito ang asawang nakaupo at nakapanungaw sa labas ng bintana.

Lumingon si Mang Amado nang maramdaman ang yabag ng asawa at pagkatapos ay muling tumanaw sa kawalan.

"Tulog na si Insiang.", matamlay na sabi ni Aling Juling. Tumayo ang ginang sa likuran ng asawa at ipinatong ang dalawang kamay sa mga balikat nito.

"Juling, gusto kong pumatay ng tao! Gusto kong puntahan ngayon ang anak ng mag asawang matapobre! Gusto kong tiyakin kung tutuparin nga ng lalaking iyon ang pangako sa ating anak!", nagtatagis ang mga bagang na wika ng lalaki.

"Huminahon ka, Amado. Maghintay tayo ng bukas. Narinig mo naman ang sinabi ng iyong anak kanina. Lihim lamang ang pagpapakasal nilang gagawin. Alam ni Anthony na tututulan iyon ng kanyang mga magulang kaya wala silang pinagsabihan maliban kay Father. Igalang natin ang kanilang pasya. Nasa wastong edad na sila pareho at alam nila ang kanilang ginagawa. Ang ikinatatakot ko ngayon ay kung ano ang gagawin ni Senyora Agatha kapag nakarating sa kanya ang balita. Natitiyak kong hindi niya matatanggap si Insiang bilang manugang.", sabi ni Aling Juling.

"Naririto tayo para sa ating anak. Hindi natin siya pababayaan. Ang mahalaga ay panagutan ni Anthony ang ipinagbubuntis ni Insiang. Mahirap lamang tayo at karangalan ang tangi nating yaman. Kung madudungisan pa ito ay wala na tayong panghahawakan pa. Bigyan lamang niya ng pangalan ang aking apo at kung sa huli ay iiwan niya ang ating anak ay tayo na ang bahalang magtaguyod sa kanilang mag ina. Ang nais ko lamang ay maisalba ang puri ni Insiang. Ang hindi matawag na bastardo ang kanyang anak.", naluluhang sabi ni Mang Amado.

Linggo..........

Madilim dilim pa ay pumanaog na si Insiang. Bitbit ang damit pangkasal papunta sa maliit na kapilya. Matapos iwanan sa kausap na pari ang trahe ay umuwi na uli ito.

Alas sais ang kasalan.., paniniwala ng matatanda sa kanilang baryo na swerteng magpakasal kasabay ng pagsikat ng araw.

Lumulukso habang naglalakad ang dalagang walang kamalay malay sa magaganap.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon