Kabanata 10: sa terrace ng Senyora

5.9K 229 68
                                    

Nang gabi rin na iyon sa loob ng silid ng mga magulang ni Anthony.....

"Agatha, hindi maganda ang naririnig kong mga usap usapan ng mga katulong.", sabi ni Senyor Rubio sa asawang naglilinis ng mukha sa harapan ng salamin. Nakakaramdam ang Senyor ng matinding kaba.

"Tungkol sa anong bagay, Rubio?", walang anumang tanong ng Senyora sa asawang nakaupo sa gilid ng kama. Mula sa salamin ay nakikita niya ang balisa nitong anyo.

"Nagpaparamdam daw ang mag anak na Amado. May umiiyak daw sa kubong tirahan ng mga ito. At umaalingasaw ang malansang amoy ng dugo.", sagot ng Senyor. Nakatingin ito sa salamin kung saan nakikita ang mukha ng asawang parang wala lang kung kumilos at magsalita.

"Hahahaha...!'', malutong na tawa ng ginang.

"Huwag mong sabihin sa akin na naniniwala ka sa usap usapan ng mga hampaslupang mga kapitbahay natin? Wala lang magawa ang mga yon kundi ubusin ang buong araw sa pagchi chismisan. Tignan mo at walang asenso ang mga buhay nila. Imbis na maglinis ng kalat sa loob ng maliit nilang bahay o kaya ay labhan ang nanlilimahid nilang mga lumang damit ay ang pagkukwentuhan o pagsusugal ang inaatupag! Tignan mo ang mga anak na akala mo ay hagdanan. Wala na ngang malamon ay anakan pa ng anakan! At pagkatapos ay pababayaan lamang na nagkalat kalat sa kalsada habang sila ay nagkukwentuhan ng buhay ng may buhay. Kapag nagpapaniwala ka sa mga sinasabi nila ay makukunsumi ka lang. Huwag mong intindihin ang mga narinig mong usapan ng mga katulong, Rubio.", nagtatawang sabi pa rin ni Senyora Agatha.

"Hindi mo ba naririnig ang pag alulong ng mga aso? Hindi mo ba nararamdaman ang malamig na dapyo ng hanging nakaka pangalisag ng balahibo?", muling tanong ng Senyor.

"Ano ba ang mga sinasabi mong yan, Rubio?! Naririnig mo ba ang iyong sarili?! Paano kung may mga katulong na makarinig sa iyo?! Magtigil ka sa kahangalang sinasabi mo!", galit na baling ng Senyora sa asawa.

Mabilis na sumagot ang Senyor sa tila walang damdaming pagsasalita ng kanyang maybahay.

"Hindi ka ba nakukunsensya, Agatha? Tatlong buhay ang naibuwis nang dahil sa kagagawan mo! Wala ka bang puso? Hindi ka ba natatakot sa karma? Hindi ka ba natatakot sa Diyos?!", galit na sigaw ng Senyor.

Natigilan ang mataray na ginang. Sa buong panahon ng pagsasama nilang mag asawa ay palaging siya ang may mataas na boses. Siya ang nasusunod. Ni minsan ay hindi pa niya ito nakitang magalit o kaya ay sumigaw sa kanya. Ngayon pa lang.., ngayong gabi lang!

Hindi na sumagot pa ang ginang. Ang galit na nakikita sa mukha ng asawa ang higit niyang kinatatakutan at hindi ang mga sinasabi nito tungkol sa pagmumulto raw ng mag anak na kalilibing lang.

Mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama ay tumayo ang Senyor at naglakad palabas ng silid.

"O, hindi pa ba tayo matutulog?", agad na habol na tanong ng Senyora.

Wala itong natanggap na sagot mula sa galit na asawa. Wala ring nagawa kundi ang sundan na lamang ng tingin ang Senyor na nagtuloy sa silid ng kanilang anak.

Dahil sa sama ng loob ay naisipan ni Senyora Agatha na magpahangin sa terrace ng kanilang silid. Naninikip ang kanyang dibdib sa hindi inaasahang panunumbat ng asawa. Talagang galit ito. Katunayan ang paglabas nito ng silid at pag iwan sa kanyang mag isa.

"Lecheng mag anak yan! Mga patay na ay perwisyo pa rin!", bulong ng ginang.

Napakunot ang noo ng Senyora at pagkatapos ay umangat ang isang kilay nang makita ang apat na kandilang nakatulos sa bakuran niya. Sa lugar na binagsakan ng katawan ni Mang Amado at kinamatayan rin ng asawa nitong si Juling.

Sisigaw na sana ito sa mayordoma upang alisin ang mga kandila nang may umagaw ng kanyang pansin!

Isang hugis tao ang nakatayo sa gitna ng kalsada at nakaharap sa bahay niya!

Kahit madilim at hindi niya nakikita ang mukha ay kilala niya ang taong yon!

Nagrigodon ang pagtibok ng kanyang puso! Tila nakalunok ng malaking subo ng kanin na nakakahirin. Nahirapan ang Senyora sa paghinga.

''Amado...!" Nasambit ng ginang. Nangangatal ang buo nitong katawan.

Tila nalunok ang dila kung kaya sumisigaw man ay wala namang boses na lumalabas.

Samantala sa katapat na bahay ng mayamang mag asawa...,

"Uha..! Uha...! Uha...!"

"Shhh..., sige na bunso. Pinaghehele ka na ng nanay. Matulog ka na, ha.", pakiusap ng ina sa kanyang sanggol. Humuhuni pa ito ng isang awitin upang patulugin ang nagising na anak.

Tumapat ito sa bintana upang mahanginan. Habang isinasayaw ang hawak na sanggol ay nagawi ang tingin nito sa terrace ng kapitbahay.

Nanlaki ang ulo ng babae sa nakikita!

Ang Senyorang nakatayo sa terrace..., katabi si Insiang!

Nangangatog ang mga kamay na isinara ng babae ang kanilang bintana. At pagkatapos ay nagmamadaling sumampa sa papag na kinaroroonan ng natutulog na asawa. Paulit na ulit na bumulong ng dasal ang nanginginig pa ring babae habang yapos yapos ang anak na himbing na uli sa pagtulog.

Sa ibaba ng malaking bahay...

Matapos ang paglilinis sa loob ng kusina ay binalikan na ng mayordomang si Ploring ang mga kandilang itinulos niya. Pumikit ito at taimtim na umusal ng maikling panalangin habang hinihintay na maubos ang kandilang itinulos.

Nagmulat ito ng mga mata nang maramdamang may nakatingin sa kanya. Naghanap ang paningin ng mayordoma. Hanggang sa makita ang ginang na pinaglilingkuran.

Unat na unat ang katawan nito sa pagkakatayo at tila naninigas.

"Senyora! Senyoraaaa!", sigaw ng mayordoma nang tuluyan nang bumagsak ang ginang sa lapag.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon