Kabanata 3: pera ang hatid

5.5K 221 25
                                    

Dahil sa mga gawaing bahay ay nalibang si Itang. Hindi na nito namalayan ang paglipas ng sandali kaya ganun na lamang ang gulat niya nang makita sa wall clock ang oras.

"Nakup! Alas diyes na pala! Baka wala na akong abutang buto buto sa kanto. Gusto ko pa naman sanang magluto ng sopas mamaya para sa hapunan at nang makahigop ng mainit at masustansyang pagkain si Tirso pag uwi. Ang matitira ay pwedeng maalmusal naman ng mga bata kinabukasan. Mainit na pandesal lang at ayos na.", bulong niya sa sarili.

Nagmamadali niyang hinubad ang daster na basa ng pawis at nagpalit ng isang tshirt na puti at nagsuot ng isang cotton short na bulaklakin. Bagay na bagay sa kanya ang suot. Ganun siya kapag lalabas ng bahay. Kahit maganda at bago pa ang daster ay hindi siya nagpapakita sa maraming tao na ganun ang gayak. Marami kasi sa mga kapitbahay nila ang mukhang pindangga kapag naka daster lang at ayaw niyang maging ganun din ang itsura. Ang gusto niya ay palaging maayos at malinis sa paningin ng iba.

"Atleast mukha akong may pera! Kakapiranggot na nga ang laman ng bulsa ko tapos para pa akong hirap na hirap sa buhay. Dapat laging mukhang mayaman kahit mahirap lang!", nakangiti niyang kausap sa sarili habang nakaharap sa salamin at pinupulbohan ang mukha. Inulugay pa niya ang buhok at bahagyang pinagdikit nang ilang ulit ang mga labi upang kumalat ang manipis na lipstick na ipinahid niya. At nang makuntento na sa nakitang itsura sa harapan ng salamin ay saka pa lamang siya bumaba ng bahay.

Gamit ang kulay pulang payong ay lalong nagmukhang maputi si Itang. Ang sinag ng araw na nahaharangan ng payong na pula ay nakapagbibigay ng mas nakakagandang kulay sa kanyang balat. Lihim siyang napapangiti sa humahangang tingin ng mga nadadaanan babae man o lalake.

Maraming mamimili sa tapat ng malaking tindahan sa kanto nang dumating siya. Palibhasa ay nag iisa lamang iyon na ang halos lahat ng kailangan mong bilhin ay naroroon na.

"Buti na lang at marami pa.", bulong niya na ang tinutukoy ay ang mga ribs ng baboy na nakasabit.

Dahil kadadating lang ay naghintay muna siya na matapos mapagbilhan ang mas nauna sa kanya.

"Hoy, mare!", tawag ng isang boses mula sa kanyang likuran.

Dahil kilala ang may ari ng boses na tumawag ng 'mare' ay lumingon siya.

"Galing ako sa inyo. Tawag ako ng tawag eh alang sumasagot. May nagsabi na lumabas ka daw at dito papunta kaya sinundan na kita.", nakangiting sabi ng kumare niya.

"Bakit may problema ba?", nag aalalang tanong niya.

Hinila siya ng kumare sa isang tabi at pabulong na sinabing tumama siya sa loteng. Bente dos mil ang tinamaan niyang premyo!

Magmamadali siyang bumalik ng bahay pauwi kasama ang kumare. Hindi na nagawang bumili ng lulutuing pang pananghalian at pang sopas sa gabi.

"Upo ka, mare.", masaya niyang aya sa kumareng kasamang pumanik ng bahay.

Agad na inilabas ng babae ang napalunan niyang pera at binilang.

"Dapat ay kanina pa ito, kaya lang ay naghintay pa ako sa anak ng kabo namin na nagpunta sa bangko. Pagkabigay sa akin ay dumiretso na ako dito. Baka kasi masalisihan pa ako ng kumpare mo at kupitan pa. Alam mo na.., hmn. Kung yung iba ay natatakot at nag iingat na mapasok ng magnanakaw, ako naman takot sa nasa loob ng bahay ko na magnanakaw.", reklamong kwento ng kumare niya.

Natawa siya sa sinabi nito. Ninang siya ng bunsong anak nito. Mas bata ito ng tatlong taon sa kanya pero mas mukhang matanda pa kaysa sa kanya. Isang kupas na daster ang suot nito at ang buhok na hindi yata nakakatikim ng conditiner ay nakapuyod lamang ng goma. Pawisan dahil sumasagsag ng lakad sa initan na walang dalang payong o kahit anong pantakip man lang.

Nakadama siya ng awa sa kumare. Bakas ang kahirapan ng buhay sa itsura nito.

"Lulong pa rin ba sa bisyo niya si pare?", naitanong niya.

"Nakow! Hindi na magbabago ang hayup na yon! Hinihintay ko na nga lang damputin ng PDEA para matahimik na kaming mag iina. Daig ko pa ang may isa pang anak sa bwiset na yon! Hindi na nga nakakatulong, perwisyo pa!", walang anumang sabi ng kumare niya na para bang hindi ama ng mga anak niya at kabiyak ng puso ang pinagsasalitaan ng di maganda.

''Kapag talaga nawala ang respeto sa isang relasyon ay nililipad lipad ng hangin ang pagmamahal.'', naibulong niya sa sarili.

"O ayan, mare! Kumpleto na. Bilangin mo na lang uli.", nakangiting sabi ng kumare niya.

"Okey na yan, mare. Nasundan ko naman ng bilang ang pagbibilang mo.", nakangiti niyang sagot sabay abot ng dalawang libong piso dito bilang balato at tulong na rin.

"Naku! Ang laki naman nito, mare! May porsyento naman akong nakuha sa tama mo. At saka may utang pa nga ako sayo na hindi ko na nabayad bayadan eh.", nahihiya nitong sabi.

Napangiti siya sa kumare. Hindi talaga ito abusado at marunong mahiya.

"Huwag mo na intindihin yun. Tanggapin mo na yan at itabi mong maigi para kung mangangailangan ka ay meron kang mahuhugot kung sakali.", nakangiti niyang sabi.

Nagpaalam siya sandali upang kumuha ng maiinom. Idinulot iyon at muling nagpaalam. Nang magbalik ay dala na niya ang ilang pirasong blouse at daster na bagama't luma na ay maganda at matingkad pa rin ang kulay. Hindh gaya ng suot nito.

"Mare, may ilang damit ako dito na hindi ko na isinusuot. Kung gusto mo ay pumili ka o kung magustuhan mo namang lahat ay sa iyo na.", nakangiti niyang sabi. Ingat na ingat na baka ma offend ang kumare.

"Naku, mare! Ay kay gaganda pa nito ah. Akin na lang ba itong lahat?", kumikislap ang mga matang tanong nito sa kanya.

Tumango siya at pagkatapos ay pinaglalagay na sa isang magandang plastic bag ang mga damit.

Matapos maubos ang pam palamig ay nagpaalam na ito.

Agad niyang pinuntahan ang mga langgam na itim sa may dingding at pinasalamatan.

"Sabi ko na nga ba at pera ang hatid nyo eh!", tuwang tuwa niyang sabi.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon