Kabanata 6: kaawa awang Insiang

5.8K 235 26
                                    

Hilam sa luha ang mga mata ni Anthony habang binabagtas ng sinasakyan ang maalikabok na kalsada. Kitang kita niya ang paghabol ni Insiang. Ang pagtakbo nito na walang saplot sa paa. Ang pagtagaktak ng pawis habang hawak ang laylayan ng suot nitong damit pangkasal.

Dinig na dinig niya ang pagtawag nito sa kanyang pangalan. Ang pamamaos ng boses na halos nagmamakaawa. Ang pagbalong ng luha sa inosente nitong mukha. Nang masubsob ito sa kalsada ay halos madurog ang puso niya sa tindi ng habag. Binalak niyang huminto. Sinabihan niya ang drayber. Naisip niyang babain ito at alalayang tumayo. Kitang kita niya ang pag guhit ng ngiti sa labi ng dalagang panay pa rin ang patak ng luha.

Ngunit sa isang kisap mata ay nag ibang muli ang kanyang isip. Dumagundong sa kanyang pandinig ang babala ng kanyang ina.

"Kapag itinuloy mo ang kalokohang yan ay itatakwil ka namin ng iyong Papa! Ituturing ka naming patay at ni isang kusing ay wala kang mamanahin mula sa amin! Gumapang ka man sa hirap ay hindi ka namin lilingunin! At kung sa huli ay naisin mong bumalik ay hinding hindi ka namin tatanggapin! Kilala mo ako, Anthony! Wala akong sinabi na hindi ko ginawa! Magsisisi ka!"

Hindi siya sanay sa hirap. Hindi niya makakaya na wala ang suporta ng mga magulang. Hindi pa niya naipapasa ang pang huling pagsusulit upang matawag siyang tunay na doktor. Sa ilang taon na ginugol niya sa unibersidad ay halos sumuko na siya. Hirap na hirap siyang ipasa ang kursong ang mama rin niya ang pumili. Paano ang pagre review niya? Saan siya kukuha ng pambayad? Paano kung hindi siya makapasa? Marami siyang kinatatakutan. At kung itatakwil siya ng mga magulang ay natitiyak niyang mahihirapan siya.

"Hindi! Ayokong maghirap!", pagkasabi ay muli niyang inutusan ang drayber.

"Huwag kang huminto! Idiretso mo, itodo mo na ang pagtapak sa gasolina! Kailangan nating makalayo agad sa lugar na ito!", utos niya sa drayber na agad sumunod. Pinasibad nito ang kotse palayo.

Hindi na sinulyapan pa ni Anthony ang kasintahang pinangakuang pakakasalan. Hindi na niya inisip pa ang kapakanan ng dalaga at ng sanggol sa loob ng sinapupunan nito.

Ang tanging mahalaga ng mga oras na yon ay makakaalis siya. Matakasan ang problema at ang kapakanan lamang niya ang pahalagahan.

Nang mga oras ding iyon....

"Kinakabahan ako, Juling. Iba ang nararamdaman ko. Sana ay mali ang naiisip ko. Sana ay inililigaw lang ako ng aking pakiramdam.", sabi ni Mang Amado sa asawa habang paroo't parine sa paglakad.

Hindi naman nagpakita ng pagtutol si Aling Juling sa sinabi ng asawa. Siya man ay kinakabahan na rin. Mainit na ang singaw ng lupa ay wala pa rin ang kanilang anak. Walang balita sa kasalang dapat ay kanina pa natapos. Halos mapiga na niya ang laylayan ng suot na daster sa pagpilipit na ginagawa dahil sa nerbiyos. Gustung gusto na niyang pumunta sa kapilya ngunit nagpipigil lamang siya. Nag aalala siya...., natatakot.

Na baka totoo nga ang kinatatakutan ng kanyang asawa!

Baka hindi niya makaya..., hindi niya makakaya.

Nanatili silang mag asawa sa paghihintay. Walang may nais magbukas ng usapan. Pareho silang kinakabahan.

Lalong tumindi ang kabang nararamdaman ni Mang Amado at Aling Juling nang makitang paparating ang anak ng isa nilang kapitbahay. Napahumindig sila at agad na inihanda ang mga sarili sa balitang natitiyak nilang dala nito. Humahangos ang binatilyong tantiya nila ay namumutla sa pagkahapo.

"Hah...hah..." Hingal ng dumating. Nakatukod ang dalawang palad nito sa tuhod nang tumigil sa tapat ng kanilang kubo habang ang mukha ay nakapaharap at ang mga mata'y nakatitig sa kanila.

"Aling Juling..., Mang Amado, hah..., hah..., si Ate Insiang po..., dalian nyo po!", putol putol na salita ng binatilyo.

Hindi na hinintay pa ng mag asawa ang kasunod na sasabihin ng dumating. Nagmamadaling pumanaog ang mga ito at nakitakbo na rin kasama ng binatilyong sumundo sa kanila.

Nasa kalagitnaan pa lamang sila nang makasalubong ang matipunong kapitbahay. Pasan pasan nito ang kanilang anak na walang malay habang ang ilan ay nakaalalay naman upang siguruhing hindi ito malalaglag.

"Oh, Diyos ko! Ang anak ko.., ang kaawa awa kong anak..", nangingipuspos na bulong ni Aling Juling pagkakita sa mukha ng dalagang puro galos at may bahagyang dugo.

Natutop din ng ginang ang bibig nang makitang paltos paltos at sugatan ang mga paa ng anak. Impit na impit ang pag iyak niya sa nakikitang itsura nito.

Habang si Mang Amado naman ay tahimik lang na nakatingin. Panay ang palis sa mga patak ng luha na dumadaloy sa mukha. Nagtatagis ang mga panga nito at nangangatog ang buong katawan sa tindi ng poot na nararamdaman.

Nang maipanik sa loob ng kubo ang dalagang wala pa ring malay ay agad na nilinis ni Aling Juling ang anak. Habang ikinukwento ng mga nakasaksi ang nangyari. Tinulungan siya ng dalawang babaeng kapitbahay na mabihisan at mapalitan ng suot na damit ang anak. Sa kaabalahang sinupin ang anak ay hindi niya napansin ang pagtalilis ng asawa.

"Aling Juling si Mang Amado po umalis! Baka po pupuntahan sila Senyor Rubio at Senyora Agatha!", sigaw ng ilang nasa labas ng kubo.

Nataranta ang ginang! Hindi alam ang gagawin.., kung sino ang uunahin! Daluhan ang anak na wala pa ring malay o habulin ang asawa at pigilan sa balak nitong gawin!

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon