Kabanata 12: pag-uwi ni Tirso

4.6K 186 25
                                    

Nang maghapunan ay hindi na naman sumabay sa pagkain si Itang. Dinalhan na lamang ito ng anak na panganay sa loob ng silid.

Dahil binantayan ng anak, napilitan siyang kumain at uminom ng gamot. Ilang sandaling hinagod hagod ng panganay na anak ang kanyang noo at ulo. Siyang siya ang pakiramdam niya sa pag aalagang ginagawa nito sa kanya.

Nagpasukan din ang dalawa pa at nakigaya rin sa pag mamasahe ng kanilang kuya sa kanya. Sumigla ang pakiramdam niya. Tinulungan din siya ng mga anak na maglinis ng katawan at makapagpalit ng damit. Ilang sandaling nanatili ang tatlong bata sa kanya at masayang nagkwentuhan. Nakikitawa siya sa pagbibidahan ng mga ito.

Maya-maya pa ay nagpaalam na sa kanya ang mga anak upang matulog. Napangiti siya nang isa-isang maghalikan sa kanyang pisngi ang tatlong batang dahilan kung bakit nagsasawalang kibo lamang siya. Ang tatlong anak na ayaw niyang masaktan.

Nang mapag-isa ay muli siyang nahiga at nagmukmok. Naisip ang mga anak at ang kalagayan ng mga ito. Muling bumalong ang awa niya para sa sarili at sa tatlong anak na napipintong masira ang buhay kung hindi makakapag isip ng tama ang kaniyang asawa. Para na siyang tatakasan ng bait sa tindi ng sakit na nararamdaman. Walang ibang laman ang isip niya kundi ang kataksilan ng asawa at kapatid kung kaya muling umagos ang luha mula sa kanyang mga mata.

Hindi na namalayan pa ni Itang ang oras at muling nakatulog.

Madaling araw na nang maalimpungatan siya. Pakiramdam niya ay may nakatingin sa kanya. Kumabog agad ang kanyang dibdib. Idinilat niya ang mga mata at sa  paningin ay nakita niya ang mukha ng asawa.

Napabalikwas siya ng bangon.

"Bakit nandito ka na? Hindi ba nasa destino ka? Anong nangyari?", sunud-sunod niyang tanong sa asawang nakaalalay sa kanya.

"Natapos ko ng maaga ang pagche check ng mga makina. Puro in good running condition naman ang dalawang dumating, eh hindi pa daw maide-deliver yung iba. Baka sa isang buwan pa daw. Dapat sana ay mamaya pa akong tanghali makakauwi kaya lang ay nakiusap ako sa bisor. Sabi ko ay mahirap bumiyahe kung masasabay ako sa pagpasok ng mga estudyante, tiyak na matrapik na at napakainit. Isa pa ay nag aalala ako sa kalagayan mo, sabi ni Baby ay nagkukulong ka lang daw sa kwarto at laging malungkot.", malambing na tono ni Tirso.

Sa narinig na pagbanggit sa pangalan ng kapatid ay agad na nawala ang tuwang nararamdaman ni Itang. Agad na napalitan ng selos. Para na ring inamin ng asawa na ito nga ang kausap ng kapatid niya sa cellphone kanina.

Lalong nginatngat ng matinding panibugho si Itang. Ngunit naumid ang dila niya. Gusto niyang sumbatan ang asawa, sitahin ito tungkol sa hinala niyang may namamagitan dito at sa kapatid ngunit hindi niya magawa. Natatakot siya sa isasagot nito sa kanya.

Kung itatanggi nito ang pakikipagrelasyon sa kanyang kapatid ay lalo lang niyang ikagagalit dahil niloloko pa siya. Ngunit kung aaminin naman nitong totoo nga ang hinala niya ay mas natatakot siya.

Paano kung sabihin ng asawa sa kanya na, ang kapatid na niya ang mahal at hindi na siya?

Paano kung malantad na ang katotohanan at ipasya nitong iwanan na sila ng kanyang mga anak?

Paano kung ang kapatid niya ang piliin nitong pakisamahan at sustentuhan na lamang sila?

Hindi niya kaya!

Ayaw niya!

Natatakot siya!

Pinili niyang itikom ang bibig. Hindi ang asawa niya ang dapat mawala, kundi ang kanyang kapatid!

Ngunit muli siyang napaisip. Kung wala na ba sa poder niya ang kapatid ay nakakasiguro ba siyang mapuputol na ang reslasyon ng mga ito?

Baka umupa lang ng isang kwarto ang asawa niya para matirhan ng kanyang kapatid. Kung magkakaganun ay mas magkakaroon ng kalayaan ang mga ito na magawa ang gustong gawin. Mas lalalim ang nararamdaman ng asawa niya, at paano kung magbunga pa ang panakaw nilang pagkikita? Magkakaroon ng kapatid ang mga anak niya sa labas? Ano ang itatawag nila sa isa't isa, magkapatid na magpinsan?

Ahh...! Mababaliw na siya sa kaiisip.

Napakadaming gumugulo sa utak niya. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Pagod na siya sa kaiisip ng mangyayari at kung paano mapuputol ang pagkahumaling ng kanyang asawa sa kapatid niya.

Balot ng samu't saring takot at pangambang pinagmasdan niya ang asawang nakatalikod habang nagpapalit ng damit. Hindi na niya alam ang dapat pang gawin, o kahit pa ang dapat na isipin. Ayaw na niyang mag isip. Masakit na masakit na ang ulo niya. Pakiramdam niya ay puno na ng hangin ang utak niya. Parang bumibigat na ang ulo niya at hindi na makaya ng leeg na buhatin pa.

Isang pilit na ngiti ang iginanti niya sa asawang nakatingin na sa kanya.

"Gusto mo bang kumain?", naitanong niya.

"Hindi na, pagud na pagod ako. Pagkatapos ng sagarang trabaho hanggang gabi para matapos agad ay dumiretso na ako sa pagbiyahe pauwi. Matutulog na lang muna ako at mamaya na lang ako kakain. Halika na, matulog ka na uli.", aya nito sa kanya. Nahiga na ito kaya nahiga na rin siya.

Unat na unat siya sa pagkakahiga habang ang asawa ay nakapatigilid paharap sa kanya. Nanatili siyang gising, kahit pinipilit na niyang makatulog upang wala nang mamalayan sa magaganap ay tila tuksong hindi naman siya dalawin ng antok. Dinig na niya ang paglalim ng hinga ng asawang ang isang braso ay nakadantay sa kanya.

Sa katagalan ay unti unti na rin siyang nag antok. Sa nag aagawang kamalayan at pagtulog ay narinig pa niya ang pagtilaok ng manok. Ngunit nanaig na ang paghila ng pagod na isipang naghahangad na mapahinga.

Hanggang sa nakatulog na siya.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon