Kabanata 12: I missed you, Cha

4.3K 186 14
                                    

This chapter is specially dedicated to @frincsexa

Sa buong panahon ng lamay ay nanatiling walang kibo si Charisma. Nakaupo lang ito sa isang sulok. Ayaw kumain, gatas lamang ang tinatanggap nito upang ilaman sa bitukang ang pakiramdam ay laging puno.
Parang pinarurusahan ang sarili sa pagkamatay ng kapatid.

Naring ni Liza nang muli itong tumangging lamnan ang bituka.

Agad na naniningkit ang mga mata ng tiyahin at nilapitan ang nakatahimik lang na pamangkin.

"Huwag kang umarte ng ganyan Charisma. Baka kung mapaano ka. Hindi pa naililibing ang kapatid mo. Baka bukas makalawa ay ikaw naman ang paglamayan namin dito. Aba, pagpahingahin n'yo naman muna ako. Ngarag na ngarag na ang itsura ko 'no. Umayos ka ha, baka mapuno ako sayo. Gusto mo bang isalaksak ko muna ang kutsara sa lalamunan mo bago ka kumain?! Kumain ka na!", pigil ang gigil na sabi ni Liza.

Nakakangilo ang pagkikiskisan ng mga ngipin nito dahil sa inis sa pamangking kinakausap ngunit nakangiti ang mukha na siyang ipinapakita sa mga nakatingin sa gawi niya.

Walang kibong tinalikuran ni Charisma ang tiyahing nagsasalita pa at lumipat sa upuang malapit sa ataul ni Charity.

"Aba't! Tarantadang demonyitang 'to! Mamaya ka sa akin. Nagmamaasim ka ha, tignan ko kung kakayanin mo 'yan panindigan!", pagkasabi ay muling inayos ang sarili upang salubungin ang paparating na mga makikiramay.

Animo nasa entablado sa teatro. Mahusay na ginagampanan ang role ng isang butihing tiyahing nagluluksa. Iiyak, ngingiti, malulungkot, pagak na tatawa habang may luhang pumapatak sa mukha. Sa sobrang husay ay napaniwala ang mga taong naroroon. Nagdiriwang ito ng lihim sa mga papuring naririnig mula sa mga bisitang nakikiramay sa kanilang pagluluksa.

Hanggang sa mailibing si Charity ay wala pa rin kibo si Charisma.  Walang nililikhang tunog ang pananangis nito.

Nang makauwi ng bahay ay tahimik lang din nang pumasok.

"Sigurado ka ba na gusto mo pa rin diyan sa kwarto n'yo ni Charity matulog? Hindi ka ba natatakot na baka multuhin ka ng kapatid mo? Parang ikaw na rin ang pumatay sa kanya baka nakakalimutan mo? Kung hindi mo siya pinabayaan ay hindi sana siya na suffocate sa loob ng closet at sinumpong ng sakit niya. Hayun! Patay ang pobreng bata! Ang akala ko pa naman ay napakabuti mong ate. Nakita mo na palang pumasok siya sa loob ng napakainit na tanging lusutan lang ng hangin ay ang kakapirasong parang bintana sa paanan pero hindi mo pa agad pinalabas. At ang masaklap iniwanan mo pa at ang inuna mo ay maglamyerda! Sana sinabihan mo na lang siya nung toyoin at itapon ang pagkain niya. Alam mo namang may diprensya ang kapatid mo pinatulan mo pa! Ano ibig sabihin non, Charisma? Napagod ka na ba at nagsawang alagaan siya kaya hinayaan mo na lang siyang mamatay? Ganun ba, Charisma?!", pang-uusig ni Liza sa pamangking panay ang pag iling.

"Hindi totoo yan! Hindi ko siya ginustong mamatay! Hindi totoo yan!", sigaw ni Charisma.

Pak!

"Punyeta ka! Huwag na huwag mo akong masigaw-sigawang walanghiya ka! Ikaw ang pumatay sa kapatid mo! Ikaw!", sigaw ni Liza malapit sa tenga ng pamangkin.

Nagtatakbo si Charisma papasok sa silid nila ni Charity. Hindi namalayan ang kwintas na napatid.

Ang galit sa mukha ni Liza ay dagling nabura nang makita ang kumikinang na susi sa lapag.

Nagmamadali nitong pinulot ang pagot na kwintas at agad na ibinulsa. Pagkatapos ay mabilis na pumasok sa loob ng sariling silid.

Hindi na inintindi ang pamangking halos ibinaon na rin sa hukay kasama ng kapatid.

Nagmamadaling ini lock ni Liza ang pintuan ng kwarto niya at agad  kinuha ang isa pang susi sa kanyang taguan.

Nanginginig ang dalawang kamay na pinagtabi sa ibabaw ng kamang inuupuan ang dalawang susi. Ang isa ay pendant ng kwintas ni Charity at ang isa naman ay kay Charisma.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon