Kabanata 7: katawan sa lupa

5.6K 226 26
                                    

Walang tigil ang pagpatak ng luha ni Mang Amado sa sinapit na kaapihan ng nag iisang anak. Hindi lamang tahasang hinamak kundi tinapakan pa ang kanilang dangal at pagkatao.

"Wala kang puso Anthony! Walang bigat ang iyong pagkalalake! Wala kang ba**g! Hindi mo alam ang ibig sabihin ng salitang hiya!"

Malalaki at mabilis ang paghakbang ng amang hindi na alintana ang sarili maipagtanggol lamang ang anak. Bilang isang ama ay hindi niya magagawang magsa walang kibo na lamang. Kailangan niyang makausap ang mga magulang ng lalaking matapos makuha ang lahat lahat sa kanyang anak at magbitaw ng pangako ay basta na lamang umalis ng walang paalam! Sa araw pa mismo ng kasal na pinaka aasam ng kanyang anak.., ng nagdadalantao niyang anak!

Madilim na madilim ang mukha ni Mang Amado at namumula ang mga matang nanlilisik.

Nag aalala man ang mga kapitbahay ay wala silang makayang gawin kundi ang panoorin na lamang ito. Ayaw nilang madawit sa problema. Isa sa pinaka maimpluwensya at pinaka mayaman sa kanilang lugar ang nais nitong banggain. At hindi nila kayang bumangga sa pader.., sa matibay na pader.

''Senyor Rubio! Senyora Agatha! Papasukin nyo ako! Gusto ko kayong makausap!'', malakas na sigaw ni Mang Amado. Kinakalampag pa nito ang galbanisadong gate ng malaking bahay.

Paulit ulit itong nagsisisigaw at patuloy sa pagkalampag.
Ngunit walang lumalapit upang siya ay papasukin.

Ang mag asawa naman ay nasa loob lamang ng bahay at tila walang naririnig.

"Inutil! Walang modo!", galit na bulong ng Senyora.

Muling sumigaw si Mang Amado kasabay ng pagpukol ng malaking bato.

"Ang walanghiya! Paalisin nyo ang walang modong lalaking yan sa harap ng aking gate! Madali!", naglitawan ang mga litid sa leeg na utos ni Senyora Agatha sa mayordomang agad na sumunod at sa kapatas na napasunod na rin.

Narinig ni Mang Amado ang pagtunog ng gate na binubuksan. Iniluwa nito ang mayordomang nakapamewang. Kasunod ang matipunong kapatas.

"Hoy, Amado! Umuwi ka na at nakakabulahaw ka! Nagpapahinga na sila Senyor Rubio at Senyora Agatha ay kay ingay ingay mo pa diyan! Hindi ka nila haharapin kaya bumalik ka na lang sa inyo at pagsabihan mo ang ambisyosa mong anak! Kay harot harot at ang gusto pa ay makabingwit ng matabang isda! Bakit? Pangarap nyo bang mag anak na tumira sa malaking bahay kaya kinunsinti nyo iyang si Insiang na kalantiriin si Senyorito Anthony? Aba! Mahiya naman kayo sa balat nyo!", mataray at mapanglait na sabi ng mayordoma.

Pagak na tumawa si Mang Amado sa babaeng nagtataboy sa kanya.

"Kaybilis mong nakalimot, Ploring. Hindi mo na naaalalang dati rati ay nanghihingi ka lamang sa gulayan ko upang may maipakain sa iyong mga anak at sa asawa mong maysakit. Na ultimo bigas na isasaing ay kay Juling mo lamang hinihingi. At ang sinsabihan mong ambisyosa at harot ay ang dalagitang nagbantay sa mga anak mo habang nasa ospital kayong mag asawa at nag intindi ng lahat. Nabagok ka ba kaya nagka amnesia ka? O isa kang langaw na nakatuntong sa kalabaw kaya ang akala mo ngayon ay mas mataas at malaki ka pa sa iyong tinutuntungan? Huwag kang masyadong matayog at baka magkalasug lasog ka kapag lumagpak na.", madidiing salita ni Mang Amado na nakapag patameme sa babae.

''At ikaw naman, Tano? May sasabihin ka rin bang panlalait sa akin at sa aking anak?'', lipat na tanong nito sa kapatas na nakatingin lamang. Bantulot na ito kanina at tila ayaw sumunod sa inutos ng pinaglilingkurang Senyora at Senyor.

Hindi nito malilimutan na ang lalaking nasa harapan ang nagligtas sa kanya nang mahulog siya sa balon at walang naglakas loob na mag ahon sa kanya. Marami na siyang naiinom na tubig at kapos na ang kanyang paghinga nang lumusong ito. Nagtali ng lubid sa dibdib na ang dulo ay itinali naman sa katawan ng isang malaking puno at saka lumusong upang iligtas siya.

"Kung wala na kayong sasabihin ay baka maaaring makausap ko na ang panginoong inyong pinaglilinkuran?", pagkasabi ay pumasok na ito sa loob ng bakuran ng mag asawang mayaman habang ang mayordoma at kapatas ay napayuko na lamang.

Agad na nagsisigaw si Senyora Agatha nang makita sa loob ng bakuran niya ang ama ng babaeng iniisip niyang nagtangkang sumira sa kinabukasan ng kanyang unico hijo.

"Magandang araw Senyora Agatha, Senyor Rubio.", pagbibigay galang ni Mang Amado sa mag asawa bagama't may diin at galit sa tinig nito.

"Walang maganda sa umaga, Amado! Huwag mong aksayahin ang panahon naming mag asawa!'', mataray na sigaw ng ginang.

"Ploring! Tano! Hindi ba't ipinag utos kong palayasin ninyo ang impertinente at hampaslupang ito?!", tanong nito sa mga katulong matapos pukulin ng matalim na tingin ang panauhin.

"Masyadong masakit ang iyong pananalita, Senyora. Ang anak mo ang sadya ko. Hinihiling kong makipag usap siya ng maayos sa aking anak.", maotoridad ang tinig na sabi ni Mang Amado.

"At para ano? Pakasalan ang malandi mong anak? Hoy, Amado! Nungkang pakasal ang aking anak sa isang babaeng tulad lamang ni Insiang! Ambisyosa! Lalaki ang anak ko! Brusko! Palay na ang lumalapit sa manok., natural tutukain! Ginusto ng anak mo ang nangyari.., hindi siya pinwersa ng anak ko! Aba! Dapat nga ay magpasalamat pa kayo na pinatulan ni Anthony ang anak ninyong harot! At saka, anong malay namin kung hindi naman si Anthony ang ama ng ipinagbubuntis ng anak mo!", maanghang na pananalita ng senyora na hindi na natagalan pang pakinggan ni Mang Amado.

"Walanghiyaaaaa...", sinugod nito ang nahintakutang ginang ngunit agad na naharang ni Senyor Rubio.!

Nagsukatan ng lakas ang ama laban sa ama. Nagsisigaw naman ang Senyora at nang makitang nakubabawan na ang kanyang asawa ay nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay at nang muling lumabas ay...

Bang..! Bang...!

Nagtilian ang mga nakasaksi. Nandilat ang mga mata ng mayordoma at ng kapatas na natulala sa bilis ng pangyayari.

Bumagsak ang katawan ni Mang Amado sa lupa!

"Mga walang pussooo.. pa..g..ba...ba..y..a..ra..n nyo ang l...a..h...a.t ng i...t..o!", tumulo ang luha ni Mang Amado kasabay ng pagbalong ng sariling dugo. At saka hinigit ang huling hininga.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon