Kabanata 10: hinala

4.5K 199 15
                                    

Sa bintana na lamang tinanaw ni Itang ang asawang sakay ng kotse. Sandali pa itong nanatiling nakatayo at tinatanaw ang ilaw ng sasakyang papalayo.

"Pinilit kong alisin ang pagdududa sa iyo, Tirso. Naniwala akong hindi mo magagawa sa akin ang ako ay lokohin at pagtaksilan. Ngunit hindi na ako maaaring magbulag bulagan pa. Napakasakit nito.., kapatid ko pa ang kasabwat mo sa pag gawa sa akin ng kahayupan. Mahal na mahal kita. Sinikap kong maging mabuting asawa at ina ng iyong mga anak. Ano pa ba ang kulang? Hindi pa ba ako sapat? Bakit ang kapatid ko pa? Bakit?", halos mapunit ang dibdib na panangis ni Itang.

Nang mawala na sa paningin ang sasakyan ay saka pa lamang siya umalis sa tapat ng bintana. Mabibigat ang mga hakbang na nagtuloy sa loob ng silid nilang mag asawa.

Nakadama siya ng malaking kahungkagan. Iginila niya ang paningin sa apat na sulok ng silid na naging saksi sa maiinit nilang sandali ng lalaking buong puso niyang pinagbigyan ng lahat sa kanya. Ang unang lalaki at siya na ring huli para sa kanya.

Nahiga siya at niyakap ang unan na ginagamit ni Tirso. Banayad niyang ikiniskis ang pisngi sa naiwanang amoy ng asawa at patuloy na lumuha hanggang sa makatulog na may sama ng loob.

Tok...! Tok...! Tunog na gumising sa kanya.

"Ate..., ate.., kain na muna tayo. Baka malipasan ka ng gutom, iinom ka pa ng gamot.", narinig niyang pagtawag ng kapatid. Hindi siya tuminag sa pagkakahiga. Matagal na pala siyang nahimbing. Magkukunwari pa rin sana siyang tulog ngunit naisip niyang kung hindi sasagutin ang kapatid ay hindi lang ito titigil sa paglikha ng ingay sa pintuan. Ayaw niya ng ingay sumasakit ang kanyang ulo.

"Busog pa ako. Kakain ako kapag nagutom na ako. Mauna na kayong kumain.", matabang na kausap niya sa kapatid na nasa labas ng kanyang silid.

Napaismid siya nang huminto na si Baby sa pagtawag sa kanya. Ayaw niyang makita ang kapatid, gusto lang niya mapag isa, mag isip. Wala siyang gana kumain, wala siyang ganang kumilos at wala siyang kagana-ganang makausap ang makati niyang kapatid na sa asawa pa niya nagpapakamot.

Sa labas ng silid..

"Tayo na lang muna ang kumain. Busog pa ang nanay nyo. Mamaya na lang daw siya. Sige na, kain na tayo.", sabi ni Baby sa mga pamangkin. Pinasigla nito ang tinig upang maitago ang kabang nararamdaman sa ikinikilos ng nakatatandang kapatid.

"May nararamdaman na si ate. Naghihinala na siya. Kailangang maging maingat kami ng kuya. Kailangang mailihis ko ang isipan niya para mawala ang iniisip niyang hindi maganda.", bulong ng dalaga sa sarili.

"Tita, may sakit na naman po ba ang nanay?", tanong ng panganay sa magkakapatid.

"Ah.., masama lang ang pakiramdam niya. Siguro nalulungkot siya kasi malayo ang tatay nyo. Pero huwag kayong mag alala, magiging okey din uli ang nanay nyo. Sige na kumain na kayo at pagkatapos ay gagawin na natin ang mga assignment nyo. Tapos matutulog na muna tayo at pag gising nyo mamaya ay igagawa ko kayo ng masarap na meryenda.", nakangiting pangako ni Baby sa mga pamangking agad na nakaramdam ng excitement. Maganang nagsikain na ang mga ito.

Matapos kumain ay gumawa na nga ng assignment ang magkakapatid. Katulong ng mga ito ang tiyahin.

Naririnig ni Itang ang masayang pag uusap ng mga anak at ng karibal na kapatid. Maging ang malakas na tawanan ng mga ito sa pagitan ng pagkukwentuhan.

Nakadama siya ng inis! Hindi lamang ang asawa niya ang gustong agawin ng malandi niyang kapatid. Pati ang mga anak niya ay gusto nitong kunin!

Agad siyang lumabas ng kwarto at galit na sinugod ang mga nagtatawanan sa sala!

Ngunit bigla siyang natigilan nang makitang mula sa pagtatawanan ay huminto at nagsilingon ang mga anak sa gawi niya. Bahagyang nakaawang ang bibig ng mga ito at nagtatanong ang mga matang nakatingin sa kanya.

Kung gaano kabilis ang pagsulpot niya sa harapan ng mga anak ay dahan dahan namang pagtalikod ang sumunod na ginawa niya. Nagtuloy siya sa kusina at nagsandok ng makakain para sa sarili. Hindi man nakikita ay alam niyang nakasunod sa kanya ang mga mata ng tatlong anak. Alam niyang nakatingin ang mga ito sa kanya.

"Nanay, okey ka lang ba? Masakit na naman ang ulo mo?", nag aalalang tanong ni Jengjeng. Nakatayo ito sa kabilang panig ng mesang kinakainan niya.

Ngumiti siya sa bunsong anak. Hindi dapat madamay sa gulo ang mga anak niya. Ayaw niyang maapektuhan ang mga ito sa masaklap na pinagdadaanan nilang mag asawa. Marami na siyang nakitang mga kabataang napariwara ang buhay dahil sa nasasaksihan kaguluhan sa mga magulang nila. Ayaw niyang mapabilang ang mga anak sa ganung uri ng pamilya. Hindi dapat makaranas ng sakit ng kalooban ang kanyang mga anak na walang kinalaman at hindi magagawang maunawaan ang hindi pa nila naiintindihan. Kaya dapat niyang kontrolin ang nararamdaman. Natatakot siyang masaktan din ang mga anak kung malalantad sa mga ito ang dahilan ng kanyang pinagkakaganun..., ang malaman ng mga itong may tinatagong relasyon ang kapatid niya na dugo ng kanyang dugo at laman ng kanyang lama sa kabiyak ng kanyang puso at karugtong ng kanyang buhay. Mananahimik na lamang siya. Hahanap siya ng magandang tyempo upang makausap ng sarilinan ang kapatid, kapag wala sa bahay ang mga anak. Upang hindi marinig ng mga ito ang kawalanghiyaan at kababuyan ng dalawang taong tinatawag nilang tatay at tita.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon