Kabanata 16: ang nangyari kay Agatha

5.7K 217 8
                                    

Nag commute na lamang si Anthony pabalik sa pobinsiya ng mga magulang. Hindi niya pinaalam sa mga ito ang pagbabalik niya. Natitiyak niyang hindi papayag ang kanyang Mama kung magsasabi pa siya.

Ipapaliwanag na lamang niya ang lahat kapag kaharap na niya ang ama at ina.

"Bahala na! Siguro naman ay nagawan na ni Mama ng paraan ang tungkol kay Insiang. Wala naman akong nabalitaan mula sa kanila. Magaling ang Mama pagdating sa pag aayos ng problema at gusot. Kung magtatagal pa ako sa Maynila ay baka makapatay na ako ng kaibigan. Bakit sa akin nila isinisisi ang pagkamatay ng dalawang babaeng yon. Pati ang nangyari sa party na wala akong kaalam alam ay nadawit pa rin ako. Nakatulog na ako sa loob ng c.r. pagkatapos ako pa rin ang tinatanong nila. Pati ang mga pulis ay kinukulit ako. Anong aaminin ko? Wala akong kinalaman sa pagpapakamatay ng babaeng yon! Nakatulog nga ako sa kalasingan eh. Dun na lang muna ako sa amin. Gusto ko matahimik!", kausap niya sa sarili.

Padilim na nang makarating ang binata sa kanila. Sa loob pa lang ng traysikel ay napansin na niya ang pagtitinginan at pagbubulungan ng mga nadadaanan niya. Ipinagkibit balikat na lamang niya ang bagay na yun. Ganun din ang mga ito nung unang umuwi siya. Akala mo ay nakakita ng artista. Nasisiguro niyang mabilis na kakalat ang balitang bumalik siya. Tiyak din niyang makakarating kay Insiang ang tungkol sa kanyang biglaang pag uwi.

"Hindi bale, ang Mama na lang ang bahala sa kanya at sa mga magulang niya.", pagpapalakas loob niya.

Sa mismong tapat ng gate siya nagpababa. Pinindot niya agad ang doorbell. Ilang saglit pa at nakita na niya ang papalapit na si Ploring. Nagpupunas pa ito ng kamay sa laylayan ng suot na damit.

Nang makita ng mayordoma ang binata ay natigilan ito. Kalalabas lang ng kanyang mga amo sa hospital kanina. Hindi na ipinaalam ni Senyor Rubio sa binata ang pagkakasakit ni Senyora Agatha upang hindi na raw ito mag alala.

Kaya naman gulat na gulat siyang makita ang kanyang Senyorito. Hindi niya alam kung pagbubuksan ba ito at papapasukin o ipapaalam at tatawagin muna ang Senyor.

"Aling Ploring, hindi nyo ho ba ako pagbubuksan? Pagud na pagod ako sa byahe at gusto ko na makapagpahinga!", naiinis na sabi ni Anthony sa mayordomang bahagyang nagulat.

"A-ah…, opo Senyorito. Saglit lang po.", pagkasabi ay nagmamadali na itong binuksan ang gate.

"Salamat ho!", sarkastikong sabi ng binata sa mayordomang agad na binitbit ang dala dalahan niya.

"Ang Mama at Papa?", tanong ng binata.

Natarantang muli ang babae. At hindi nakasagot.

Asar na binalingan ni Anthony ang mayordoma.

"Ano ba naman Aling Ploring! Kay simple simpleng tanong ay hindi nyo pa masagot! Pambihira naman!", hindi na napigilan ng binata ang sarili. Pagod at gutom isama pa ang iniintindi niyang problema sa Maynila at ang pag uwi ang iniisip niyang makakapag pagaan ng nararamdaman tapos ay ang nakatangang katulong pa ang sasalubong sa kanya!

"Pasensya na po Senyorito. Nabigla lang po ako. Nandun po sa kwarto nila ang Mama't Papa nyo.", nakayukong sagot ni Ploring.

Napabuntung hininga na lang si Anthony at pagkakatapos ay dire diretsong pumanik sa hagdanan.

Nakasunod lamang sa binata ang mayordoma. Hindi maitago ang takot na nararamdaman. Kumikinig ang mga tuhod nito at nanlalamig ang mga palad.
Muntik pa itong madupilas nang mabisala sa paghakbang dahil sa kali linga. Pakiwari nito ay may biglang susulpot sa harapan nila ng binatang sinusundan.

Nasa bungad pa lang ng pintuang nakabukas ay nakita na niya ang ina.

"Mama!", gulat na gulat na tawag ni Anthony sa ina nang makita ang buong itsura nito.

Idiniretso naman ng mayordoma ang bitbit na dala dalahan sa silid ng amo at pagkatapos ay nagmamadaling bumaba.

Bahagya pang nakanganga ang bibig ng binata at hindi magawang paniwalaan ang nakikita.

Nakahiga ang Senyora sa kama. Unat na unat ang mga kamay. Hindi makagalaw. Tanging ang mga mata nito at mga daliri sa kamay at paa ang nagagawa nitong ikilos. Umuungol lang din ito dahil ang bibig ay nakatikom.

Nanlulumong napalapit si Anthony sa higaan ng ina.

Ang Senyora Agatha na iniwanan niya ilang araw pa lang ang nakakalipas. Nakatayo, nakapameywang, nagsasalita at tunatawa.

Ang matapang at walang inuurungan. Ang babaeng pinangingilagan ng lahat. Ang Senyora Agatha na kinatatakutan nilang lahat.

Ang nasa harapan niya ngayon ay isang babaeng walang kakayanang igalaw man lang ang mga braso upang yakapin siya sa kanyang pagdating.

Hindi na nito magagawang sigawan siya at pagalitan sa walang pasabi niyang pag uwi.

"Mama.., ano ang nangyari sa iyo? Bakit nagkaganyan ka? Mama!", umiiyak niyang inakap ang inang umagos din ang tulo ng luha sa gilid ng mata.

Panay ang pagtatangka nitong magsalita ngunit walang lumalabas na malinaw na salita.

"Anthony, anak.", malungkot na tinig ni Senyor Rubio ang nakapagpalingon sa kanya.

Nasa tapat ito ng pintuan at may dalang isang maliit na palanggana na may lamang mainit na tubig. Bahagya pa itong umuusok.

Agad na tumayo si Anthony mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama ng ina at sinalubong ang amang sa tingin niya ay kulang na kulang sa tulog.

Matapos humalik sa Senyor ay kinuha niya ang hawak nito at ipinatong sa lamisitang naroroon.

"Papa, ano ang nangyari sa Mama? Bakit ganyan ang itsura niya?", tanong niya sa ama.

"Inatake ang Mama mo.", malungkot na sagot ni Senyor Rubio.

"Inatake? Pero bakit ganyan ang itsura niya? Unat na unat nga ang kanyang buong katawan pero naigagalaw niya ang kanyang mga daliri at pati ang mga paa? At bakit parang nakalapat ang mga labi niya? Ano ang sabi ng doktor sa kundisyon niya, Papa?", muling tanong ni Anthony.

Kinuha ni Senyor Rubio ang bimpo na nakalubog sa maligamgam na tubig at maingat na ipinunas sa mukha ng asawa.

"Hindi rin nila maipaliwanag kung bakit nagkaganito ang iyong Mama. Mild stroke lang daw sabi nila at maging sila man ay nagtataka kung bakit ganito ang epekto ng atake sa kanya.", sagot ni Senyor Rubio.

"Halika! Punasan mo ang braso ng iyong Mama.", pautos iyon ngunit nasa utos na iyon ang isa pang tanong na nais nitong ipaalam sa anak.

Ito kaya'y, totoo? {horror stories}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon