( Special Chapter ; Valentines )

39 9 90
                                        

"Late ako makakauwi. May pagkain sa mesa, tuyo. 'Wag mo na isara 'yung pinto, bitbit ko susi."

Binitawan ni Porphyria ang papel at napahawak sa sugatan at dumudugong niyang tuhod. Bakit kung kailan pa niya kinakailangan ang ina, laging nawawala?

Ang malas niya talaga kahit kailan.

Bumuntong hininga na lang siya at naglakad sa gitna ng kadiliman sa bahay. Walang kuryente, hindi pa nakakapagbayad sa Mehalco. Pero okay lang 'yun, nakasanayan naman nilang mangapa.

Kailangan niya munang gamutin ang mga sugat. Nagtungo siya sa banyo, kinakapakapa ang malamig na pader.

Dapat hindi na lang siya umuwi mag-isa, dapat nayaya niya si Althea kahit na maiilang tawid ng kalsada ang layo ng bahay nito, basta hindi siya mapagtuonan ng galit nina Gretchen.

Pero hindi pwede.Hindi pwede pagkatapos niyang sigawan ito. Alalang-alala niya pa ang maluha-luha nitong mga mata pagkatapos. Umalis na lang si Porphyria imbis na humingi ng paumanhin.

Bakit pa ba kasi niya tinahak 'yung lumbak-lumbak na daan? Eh 'di dapat hindi siya nakita at naitulak pababa sa bato-bato.

Nahinto ang galaw ng isipan ni Porphyria nang maramdaman niya ang basang sahig sa kaniyang nga paa. Kinapakapa niya ang pader hangga't madama niya ang matigas na kahoy. Agad niyang binuksan ang medicine cabinet.

Walang band-aid o kaya gauze roon, wala na ring mga gamot para sa sakit ng kaniyang ulo. Sa katunuyan, wala namang laman ang medicine cabinet na kayang abutin ni Porphyria. Masyadong mataas ang pangalawang lagayan.

Huminga ng malalim si Porphyria, tumalon at sinabay ang kamay sa pagkuha ng anumang makukuha niya sa itaas. Pero ang kasunod nito ay ang pagdulas niya sa basang sahig.

Parang dumilim ang lahat.

Sobra ang sakit ng ulo ni Porphyria nang naramdaman niya muli ang paligid. Iginalaw niya ng bahagya ang ulo, nararamdaman ang mga luhang tumutulo sa mukha. Wala siyang nakuha ni isa kundi panibagong sakit ng katawan.

Ang malas niya talaga kahit kailan.

~

Isang matigas na bagay ang naramdaman ni Porphyria sa pagupo niya sa kanilang sofa. Kinapakapa niya kung ano iyon. Manipis, makinis at hugis parisukat. Ah.

'Yung sira sira niyang selpon.

Binuksan niya ito at nakita ang bateryang twenty nine percent. Napabuntong-hininga siya. Naalala niyang niloadan ito ng kaniyang mama kahapon para makapag-send ng importanteng mensahe sa trabaho. Pero aksidente nilang napili 'yung para sa pag-internet surf, 'yung mahal pa kamo. Chineck niya ang natitirang load.

Three hundred MB.

Agad niyang binuksan ang app. Ten Bottles ang tawag dito, forum para sa mga nais magbahagi ng kanilang problema at sa iba naman, suporta.

Panay malulungkot na kwento ang nasa news feed ni Porphyria. Mga problemang malalaki na naiisip niya ay mas mabigat pa sa anumang binibitbit niya ngayon. Naramdaman niyang nagbabadya na naman ang mga luha niya.

Nanliliit siya. Tila ba'y lamok lang siya sa dinadala ng mga ibang tao. Siya namang problemado dahil lang sa siphayong dala ng kawalan ng tagatahan sa tuwing inaatake siya ng pagkabalisa. Nararamdaman niya na ulit iyong sakit sa dibdib kapag pinipigilan niyang umiyak.

Biglang nag-vibrate ang hawak niyang selpon. May notification sa inbox. Agad niyang tinignan ang mensahe.

Kiko Migs
Nice name, Miss Blank! ( ꈍᴗꈍ).

Kumunot ang noo ni Porphyria. Saka niya lang naalala na ang username niya ay Porphyria Blank, as in 'yung babaeng binigti ng kasintahan gamit ang sarili niyang buhok. Hindi magandang reference. Pero isang tingin lang sa user ng nag-message, hindi na siya gaano nahiya sa pangalan niya.

Wishing For A Happy LifeMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon