CHAPTER 29 (2)

82 6 1
                                    

CHAPTER 29.2



“P-Padre!” Takot na dumikit ang mga kasama ko sa likuran ni Padre Norman.

Nagtutulakan na sila para lang makapagtago kahit alam nilang wala silang kawala. Wala kaming takas sa masasamang nilalang.

Kumapit ako nang mahigpit kay Arren at kay Stephen na nasa aking gilid. Tinatablan na sila ng takot, nahawakan ko kasi ang naninindig nilang balahibo sa braso.

'Sing along in the middle of night. Scream like a baby, unforeseen sight.'

Kumawala ang hikbi sa 'king bibig nang marinig ang paulit-ulit na kantang iyon. Gano'ng kanta rin ang narinig ko sa mga nakalipas na araw ngunit ngayon kakaiba na ang dating. Paulit-ulit nilang kinakanta ang unang pangungusap. Umeecho ang samot saring boses nila sa loob ng simbahan.

Natarantang binuklat ni Padre Norman ang librong hawak n'ya ngayon, hindi iyon bibliya. Gano'n din ang ginawa ng mga madreng kasama n'ya.

Isang itim na libro. May nakaukit na salita sa unahan na kulay pula. Nang titigan ko ng matagal, isang libro ito patungkol sa mga masasamang nilalang.

“Gracious and merciful Father, I magnify your most holy and precious name,” malakas na salita ni Padre Norman, nanginginig ang kan'yang kamay.

Mas lalo akong kumapit nang mahigpit kila Arren. Kung ano-ano ang binubulong sa akin ni Arren, tila pinapakalma n'ya ako ngunit hindi maawat ang kabog at pagkataranta ng isip ko.

Hindi ko magawang pakinggan sila. Paulit-ulit na umalingawngaw sa 'king tainga ang mga boses ng mga kantores.

“Even as I try to praise you, dear Father, I am tormented by thoughts of some past situat—”

Biglang nabasag ang mga salamin sa bawat gilid ng simbahan dahilan upang matulos kami sa kinatatayuan. Napasinghap pa ang mga kasama ko at gulat napasigaw.

May tumutulak-tulak pa mula sa 'king likuran, hindi ko magawang sawayin dahil tutok na tutok ang mga mata ko sa altar. Parang hinihila akong tumungo rito ngunit mahigpit ang hawak ni Arren sa 'king kamay. May sinasabi pa s'ya pero gaya lamang kanina ay wala akong narinig.

“H'wag, Avery!”

Natauhan ako at nilingon sila sa 'king likuran. Nanlalaki ang kanilang mga mata habang nakatingin din sa harapan ng altar. Naapatras sila at do'n pa lang ako hinila ni Arren. Tila nablangko ang utak ko sa nangyayari ngayon.

“Buksan mo ang pinto!” tarantang utos ni Salisca sa mga kasama n'ya. Ramdam naming lahat na paparating na ang mga boses na naririnig namin.

“H-Hindi mabuksan.” Bagsak balikat at napahilamos na lamang ang ilan sa amin. Sinadya talagang ikulong kami.

“Sino ang mas magaling sa atin?” Bigla naming narinig ang boses na nagsalita mula sa harapan ng altar. Isang boses na tila sinaniban ng demonyo.

Namamawis ang noo ko at hindi magawang makapagsalita. Unti-unting lumabas ang taong nasa likuran ng altar. Higit kinseng estudyante ang kasama ng demonyong nagsalita.

'Di kami nakapaghanda na haharapin kaagad namin si Marvey.
Kinukuwento pa lang s'ya sa amin ni Stephen, ngayon nasa harapan na namin s'ya—silang lahat ng mga kasabwat n'ya.

“Tumakas na kayo, Stephen!” diing utos ni Padre Norman at bahagya pa kaming tinulak-tulak. Hindi ako natinag at gano'n din ang ilan.

Umalingawngaw ulit ang halakhak ni Marvey sa buong sulok ng simbahan. Rinig namin ang langitngit na para 'bang may bumabaliktad. Kinakapos na ako ng hininga nang makita ang dahan-dahang pagbaliktad ng krus na nasa likuran nila Marvey.

“These thoughts have left me completely broken and have stolen my inner peace. I feel totally defeated!” rinig ko na salita ng madre, sumunod naman sa kan'ya ang ilan.

Tumawa ulit si Marvey, halos sakupin n'ya ang buong simbahan sa lakas ng boses n'ya. Tila hindi sila tinatablan ng panalangin. B-Bakit?

“Takot kayo, alam ko,” buong boses na salita ni Marvey, dahan-dahan ang kan'yang paghakbang papalapit sa amin. “Walang saysay ang inyong pagtataboy sa amin kung lahat kayo'y takot sa akin.”

“Tigilan mo na ito, anak,” pakiusap ni Padre Norman, sinara n'ya ang librong hawak saka humakbang ng tatlong beses sa harapan. “Hindi mo kailangan na sumanib sa demonyo upang matawag na isang magaling na kantores.”

Sa una'y nagtataka pa ako kung ano ang mga pinagsasabi ni Padre Norman. Unti-unti kong napagtanto ang ibig nitong ipahiwatig kay Marvey.

Nilalamon ng inggit at galit si Marvey kaya n'ya nagawang sumanib sa demonyo. Gusto n'yang walang lalamang sa kan'ya. Gusto n'ya s'ya lang ang mas magaling sa lahat. Tila nilukot ang dibdib ko sa nalaman.

Bumalik ulit ang marahas na paghawi ng hangin. Nagsitakbuhan na lang ang ilan kung saan-saan. Hindi na namin magawang awatin ito dahil sa biglang pagharang ng mga kasamahan ni Marvey sa aming harapan.

Nanlalamig ang batok kong umatras at kumapit ulit kay Arren. “A-Arren...”

Nakapalibot ang itim na usok sa estudyanteng nasa harapan namin. Hindi sila nagsasalita ngunit batid kong kontrolado sila ng demonyo. Tila isang robot na sumunod sa nagmamay-ari sa kan'ya.

Hindi ko namalayan na nasa harapan na pala ni Padre Norman si Marvey. Hindi tinablan ng takot ang mukha ni Padre. Natatakot ako na baka madamay ulit si Padre rito.

Dahan-dahang inalis ni Marvey ang kan'yang taklob sa ulo. Napatakip ako sa bibig nang makita ang sunog na balat na bahagi sa kanang pisngi. Itim na itim ang kan'yang mga mata. Nanginig ako sa takot nang makita ito. Buong buhay ko ngayon lang ako nakakita ng demonyo na parang ilang ulit pinatay.

“Ako ang magaling sa lahat. Walang makapapantay sa akin,” ramdam ko ang diin sa boses ni Marvey. “Kita mo ba ang mukhang ito?” Tinuro n'ya ang sunog na bahagi ng kan'yang mukha. “Kayo lang naman ang may kagagawan n'yan. Kinuha n'yo ang lahat sa 'kin!”

Nangilabot ako sa klaseng boses n'ya. Parang gusto ko na lang takpan ang tainga ko para walang marinig.  Ramdam kong napasinghap si Arren sa 'king gilid, napalingon tuloy ako sa kan'ya.


Nanlalaki ang kan'yang matang nakatingin kay Marvey. Parang nangungulila ang kan'yang mga mata. Tatanungin ko sana s'ya nang magsalita ito na aking ikinalito.

“Ate Marv,” mahinang usal n'ya. Napalingon tuloy si Marvey sa aming gawi, nanlalaki ang itim n'yang mata sa taong kasama ko.

Biglang naglaho ang itim na kulay sa mga mata ni Marvey at napalitan ng normal na mata na kagaya namin. Nakatitig pa rin s'ya kay Arren. Nawala ang mabigat nitong presensya at napalitan nang mahinahon.

Mabilis kong pinigilan ang braso ni Arren nang akmang lalapit s'ya kay Marvey na hanggang ngayon nakatingin pa rin sa kan'ya. Bumaling sa 'kin si Arren.

“A-Anong ibig sabihin nito, Arren? Kilala mo s-s'ya?” Samot saring emosyon ang lumukob sa 'king dibdib. Gulong-gulo na rin ang isip ko sa natuklasan ulit.

Hindi magawang makapagsalita si Arren. Bumalik ang kan'yang titig kay Marvey, may kung anong dumaan na emosyon sa kan'yang mata. H-Hindi...

Ngumiti bigla nang malapad si Marvey na parang walang ginawang kasalanan at saka binuka ang braso para kay Arren.  Nangingilid ang luha sa mga mata.

Kapatid ko, nandito ka.”

Student ChoirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon