YEAR 2022, Cavite . . .
“Naniniwala ka ba sa reincarnation, Kuya? Iyong mga taong muling nabubuhay pagkatapos nang napakahabang panahon?” tanong sa akin ng kambal ko na si Crisostomo.
Bahagya akong natawa sa biglaang tanong niya. “Reincarnation? Bakit naniniwala ka roon?” natatawa ko pa ring tanong. I didn’t expect him to ask me this.
Ngumuso siya bago napapabuntong hiningang tumingin mula sa malayo at hindi na muling nagsalita pa. Tila nilamon na ng kung anumang ala-ala ang kaniyang isip.
LAS Filipinas, Kabite, taong 1867 . . .
Sabi nila pagkatapos ng unos ay may bagong pag-asang darating. Kada may problemang nangyayari ay may kaukulan itong solusyon sa hinaharap. Ngunit paano ko nga ba lalabanan ang mga banyagang walang ibang ginawa kung hindi maliitin ang kagaya ko? May pag-asa pa kayang makalaya ang sambayanang Pilipino sa kamay ng mga mapang-aliping Espanyol?
“Mga Binibini’t Ginoo, parating na ang hukbo ng mga sundalo kung kaya’t magsitabihan kayo!” pumailanlang ang sigaw ng isang matandang babae mula sa aking likuran.
Kasalukuyan akong nasa pamilihan upang ipagbili ang isang sakong ani ng mani na naipuslit namin noong sinaid ng mga sundalong Kastila ang aming bahay-impukan.
Napatingin ako sa aming harapan at gayon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata nang makita ko ang isang hanay ng mga sundalong nakasakay sa kabayong pandigma na papalapit sa amin.
“!Mantente alejado!”
Ilang distansiya na lamang ang layo sa akin ng mga sundalo at ang ilang mga taong nakaharang sa daan ay halos madapa na upang iwasan ang mga kabayong maaaring sumagasa sa kanila.
Kaya’t buong lakas ako na tumabi sa gilid, ibinaba sa sahig ang nakapasang sako sa aking balikat, iniyuko ang aking ulo at hinubad ang aking suot na salakot upang ipantakip sa aking mukha para hindi nila ako makilala. Sila kasi ang mga sundalong kumuha ng mga naani namin noong nakaraan at bukod pa roon ang pagyukod ang siyang nagsisilbing paggalang sa kanilang posisyon.
Kapag nalaman nilang may naipuslit akong kalakal ay baka parusahan nila ang aking ina’t ama, maging ako na isa lamang hamak na anak ng mga magsasaka. Mga magsasaka na itinuturing nilang alipin at mababang uri ng tao.
Napahigpit ang paghawak ko sa sisidlan nang marinig ko ang yabag ng mga kabayong lumampas sa aking harapan. Natuod na lamang ako sa aking kinatatayuan nang maramdaman kong may itak na nakatutok sa aking bandang leeg.
Nalintikan na!
“Ginoo, maaari ko bang masilayan ang iyong wangis?” may lalim ang pamilyar na boses na kaniyang tanong.
Napabuga na lamang ako ng hangin nang agawin niya ang salakot sa akin at kaniya iyong isinuot. “Ikaw ba’y nabahala na baka kitilin ko ang iyong buhay?” Natatawa niyang ibinalik sa kaniyang bandang bewang ang patalim na kaninang nakatutok sa aking leeg.
Inusisa ko ang kaniyang kasuotan, siya’y nakasuot ng barong mahaba. Isa iyong kasuotan na para sa lalaki.
“Binibini, wala ka ng alam na ibang gawin kung hindi ang gambalain ako. Baka nakalilimutan mong isa kang babae kung kaya’t nararapat lamang na kumilos ka nang naaayon sa kasarian mo!” nabubugnot na paalala ko sa kaniya bago ko muling ipasan sa aking balikat ang sisidlan.
Ipinatong niya ang kaniyang isang braso sa aking balikat habang bumubulong siya sa aking tainga. “Sige lang, lakasan mo pa iyang bunganga mo para makita mong parusahan at pugutan ako ng ulo ng mga banyagang Espanyol!” tila nangongonsensiyang aniya.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...