HABANG abala ako na nagsasalok ng tubig sa balon ay bigla na lamang may humila sa aking braso’t mabilis niya akong iniharap sa kaniya. Nangungusap ang mga mata at mabigat ang paghingang ibinuka niya ang kaniyang mga labi.
“Hindi ko na kaya pang umiwas sa iyo. Ginoo, ayoko nang ganito, hirap na hirap na akong magkunwaring ’di apektado sa ginagawa mo. . . at sawang-sawa na akong masaktan ngunit hindi ko alam kung ano bang dahilan. Bakit mo ’ko iniiwasan? Bakit Ginoo? May nagawa ba akong mali? Kung gayo’y ano iyon? Anong—”
“Gusto kita.” putol ko sa kaniya dahilan para matigilan siya't unti-unting lumuwag ang kaniyang pagkakahawak sa aking braso.
“Anong sa—”
“Oo, gusto kita. Gusto kita kahit alam kong mali. Gusto kita kahit na alam kong mapanganib. . . at gustong-gusto kita kahit batid kong pareho tayong Ginoo! Pero anong magagawa ko? Sinubukan ko naman. . . sinubukan kong pigilan ito. . . k-kaso kahit anong gawin ko. . . k-kahit anong pilit ko na iwaksi na itong damdamin ko para sa iyo, ayaw mawala!” Nagsimula nang mangislap ang aking mga mata habang nangingibot ang aking mga labi.
Hindi pa rin siya makapaniwala habang nakatingin siya sa aking basang mga mata. Mga matang luhaan na katulad ng sa kaniya. Bakas ang pagkasindak sa kaniyang mukha na sinabayan nang dahan-dahang paglunok at pag-igting ng panga, ngunit makaraan lang ang ilang sandali ay nawalan siya ng emosyon na nagdulot ng kakaibang kaba’t hapdi sa aking dibdib.
Anong ibigsabihin niyan?
“Ayaw mawala, Heneral. N-Ngayon. . . sabihin mo sa akin, anong dapat kong g-gawin? Ano bang kailangan kong gawin?” unting-unting nanghina ang boses ko at mas lalong dumoble ang kirot sa aking puso na parang nilamukos ito nang magsimula siyang umatras at talikuran ako.
Naglakad siya papalayo sa akin, walang salita. . . at wala akong sagot na natanggap. Tuloy-tuloy lamang siya sa paghakbang, at ’di na lumingon o nagpaalam man lang.
Ngunit, mukhang hindi ko na rin kailangan pang malaman o marinig mula sa kaniya ang nararamdaman niya para sa akin dahil sinagot na niya iyon sa pamamagitan nang kaniyang ikinilos. Pagtalikod na nangangahulugan na hindi kami parehas ng nararamdaman. Ngayon ay mas malinaw na sa akin ang lahat. . . na sa aming dalawa ay ako lang ang siyang nagmamahal.
Siguro’y mas maigi na ito para sa amin, mas madali ko na siyang mabibitawan. Pinaasa ko lang ang sarili ko sa wala, napakalaki kong hangal.
Umihip ang hanging malamig dahilan para liparin ang mga tuyong dahon at bumagsak iyon sa lupa, katulad ng hangin at tuyong dahon ay nanlalamig at nawawalan ng buhay ang aking puso sa mga sandaling ito habang lumuluhang nakatanaw lamang ako sa kaniya na unti-unti nang nakalalayo. Wala akong ibang magawa kung ’di ang tingnan na lang siya. Nakatayo ako sa harap ng balon habang nagdurugo’t nasasaktan dulot ng kasawian.
Nagsimulang pumatak ang malalakas na buhos ng ulan na tila nakikiramay ngayon sa akin ang panahon. Mga patak ng ulan na hindi ko mabilang, parang itong nararamdaman ko ngayon na tila ba tinutusok ako ng punyal at bumabaon iyon sa kaibuturan ng aking puso na nagiging dahilan upang masaktan ako nang paulit-ulit— hindi matatawarang sakit. Sana’y masanay ako sa hatid na kirot ng pag-ibig nang sa gayon ako’y mamanhid at hindi na makaramdam pa ng ganitong pagdurusa.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...