LUMIPAS ang dalawang buwan na paninilbihan ko sa kanilang hacienda at wala ring araw na hindi ako nakatitikim ng masasamang salita mula sa Gobernador-heneral. Laking pasasalamat ko na lamang dahil palaging nariyan si Heneral Isidro upang sanggahin ang mga suntok o anumang pisikil na pang-aabuso na dapat ay para sa akin.
Makulay ang naging karanasan ng buhay ko rito, hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya ako, bumabalanse lamang iyon sa dalawang uri ng emosyon— kasiyahan at kalungkutan.
Naging malapit kami sa isa’t isa ni Heneral Isidro na halos magkapamilya na ang turingan namin. Nalaman ko rin na ang kaniyang ina’t kapatid na babae ay naiwan sa kanilang bansa sa kadahilang noong bumiyahe sila patungo rito ay maselan pa ang pagdadalang-tao ng kaniyang ina. Matagal na panahon na rin niyang hindi nakikita ang mga ito.
Habang patuloy na lumalalim ang aming pagsasamaha’y nagsisimula ko na ring kuwestuyunin ang aking nararamdaman. Tama ba ito? Ano ba itong nararamdaman ko? Hindi ko na alam!
Kasalukuyan kong inilalagay sa isang maliit na supot ang aking sahod, ito’y apatnapung reales . Malaki-laki ang halaga nito at sobrang laking tulong na nito para sa aking pamilya. Ngayon pa lamang ako makauuwi sapagkat noong nakaraang buwan ay tagbagyuhan kung kaya’t hindi kami pinayagang makadalaw sa aming pamilya. Nananabik na akong muli silang makita, sana ay palagi silang nasa maayos na kalagayan.
Kumusta na rin kaya ang kaibigan kong si Binibining Sylvia? Balita sa akin ni Heneral Isidro ay nagawa niyang takasan ang mga guwardiya sibil noong hinabol siya ng mga ito. Hindi niya ikinuwento sa akin kung paano nakatakas si Binibining Sylvia dahil pinangungunahan lagi siya nang pagtawa. Hayaan ko na lang daw na ang kaibigan ko na mismo ang magkuwento. Nakukuryoso tuloy akong malaman iyon.
Pagkalabas ko sa bahay-kubo ay bumungad na kaagad sa aking harapan si Heneral Isidro habang may malawak na ngiti sa kaniyang mga labi. Katulad nang nakasanayan ay nakasuot siya ng kaniyang uniporme.
“Sigurado ka ba talagang sasamahan mo ako? Wala ka bang ibang lakad? Baka may gagawin kayo sa hukbo?” paniniguro ko. Baka kasi nakaaabala ako sa kaniyang mga dapat gawin.
Umiling lamang siya at niyaya na niya akong umalis habang may dala akong bayong, naroon ang ilan sa mga bunga ng mangga at kaimito na nais kong ipatikim kina Ina.
“Wala. . . wala akong lakad ngayong araw. Nakapangako na ako sa iyong sasamahan kita na umuwi sa inyong tahanan at isa pa’y nais ko ring kumustahin ang iyong mga magulang.” tugon niya.
Inihatid kami ng kanilang kutsero sa aming patutunguhan. Hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa paligid dahil hindi ako nakalalabas sa hacienda, puro lamang kami trabaho roon.
Pagkababa sa kalesa’y bahagya akong nasilaw sa papasikat pa lang na araw na tumatama sa aking mga mata. Dumako ang aking paningin sa bungad ng palayan kung saan makikita nang malapitan ang luntian na mga dahon ng palay na isa sa mga pangunahing ikinabubuhay ng mga maralitang Pilipino ’tulad ko. Makikita rin ang mga paslit na masaya at malayang naghahabulan sa tuwid na pilapil kung saan dumadaan ang mga tao mula sa kalsada papunta sa kanilang mga tahanan at mga magsasakang nag-aararo gamit ang kanilang mga kalabaw.
Tumigil kami rito sapagkat hindi na kasi maaari pang ipasok o idaan sa bukirin ang kalesa dahil masiyadong maputik at puro pananim. Hindi kalayuan mula sa aming kinatatayuan ay nasilayan namin sina Ina, Ama at Binibining Sylvia na halos maglakad-takbo na upang salubungin kami.
“Napakasaya ng pamilya mo, Ginoo. Nakaiinggit, sana’y ganiyan din si Ama.” Bakas sa kaniyang tinig ang lungkot kahit na siya’y nakangiti sa mga sandaling ito.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...