Ikalabing-siyam na kabanata (Pagkamuhi)

34 3 0
                                    

TATLONG buwan na rin magbuhat nang mamaalam si Binibining Sylvia ay ’di pa rin matanggap ni Ginoong Tapioca ang lahat. Para sa kaniya ay nawalan siya ng kapatid, kaibigan at kasangga sa lahat ng mga pagkakataon. Wala siyang nagawa noong naparusahan ito, sa halip ay nakatingin lamang siya’t nagtatangis sa pighati noong nasaksihan niya ang kalunos-lunos nitong sinapit.



Ipinatapon din sa malayong isla ang pamilya nito, bukod pa roon ay sinamsam ng gobyerno lahat ng  pagmamay-ari nila. Isang dagok na nangyari sa kanilang buhay dahil lamang sa isang taksil na pagmamahal.



“K-Kung nasaan man siya dalangin ko’y nasa maayos siyang kalagayan. Nawa’y mahanap niya a-ang kapayapaan sa kabilang buhay. Hindi na niya kinakailangan pang magkunwari sa kaniyang katauhan at hinding-hindi na siya muling makararamdam ng sakit kailanman,” maluha-luhang paglalabas niya ng saloobin habang siya’y nakasandal sa balikat ni Heneral Isidro na taimtim lamang siyang dinadamayan. Nakaupo sila ngayon sa may kalakihang tipak ng bato sa ilog Dangoa— ang kanilang nagsilbing lihim na tagpuan.



Nais ni Heneral Isidro na pagaanin ang loob ng kaniyang kasintahan ngunit alam niyang anumang kaniyang sabihin ay ’di iyon sapat upang maibsan ang nararamdaman nitong sakit sa kaloob-looban.



Sa nakalipas na mga buwan ay madalang lang niyang makita itong ngumiti na kaniyang lubos na pinag-aalala. Namumuhi siya sa kaniyang sarili sa kadahilanang isa siyang Heneral ngunit ’di niya nagawang iligtas sa kamatayan ang importanteng tao sa buhay ng kaniyang minamahal.


“Lo siento, mi amore. Hindi ko alam kung paano makatutulong sa iyo. Sana’y ginawa ko ang lahat upang iligtas si Binibining Sylvia. Lo siento, patawad, mahal ko,” puno ng sinseridad na wika niya habang hinihimas niya ang likod nito.



“Heneral, ginawa mo ang lahat upang iligtas siya. Aking nababatid na tayo’y walang laban sa mga batas at maging sa mga Kura. Anumang desisyon nila’y wala tayong magagawa kun'di tanggapin kahit na labag man iyon sa ating kalooban.” Puno ng luha ang mga mata ni Ginoong Tapioca habang siya’y kasalukuyan nang nakatingin sa kalangitan. Iniisip niya na maaaring nakatingin ngayon sa kanila ang kaniyang kaibigan, ang pinakamamahal niyang kaibigan.


‘Walang araw o gabi na hindi kita naiisip. Sana sa ikalawang buhay, sa panibagong mundo’y muli tayong magtagpo at muling pagbigkisin ng kapalaran ang ating landas.’


Tanging pag-agos ng tubig, kalmadong huni ng mga ibong maya’t pipit at pagkalukos ng dahon sa mga puno ang nagsisilbing ingay ngayon sa paligid habang nakatingin ang magkasintahan sa bughaw na kalangitan na mapapansing unti-unting gumuguhit ang makulay na bahaghari mula roon. Isang mapayapang tanghali na ’di nila alintana kung sakali mang may makakita o makatuklas sa kanilang ipinagbabawal na relasyon.

                          

                           •~•~•~•~•

Su coraje para engañarme. No puedo permitir que un Indio arruine nuestra relación. !Probarán mi ira!” (Ang lakas ng kanilang loob na ako’y linlangin. Hindi ako makapapayag na isang Indio ang sisira sa aming relasyon. Matitikman nila ang aking galit!) nagngangalit na wika ni Señorita Eleonor habang siya’y nakatayo ’di kalayuan sa posisyon ng dalawang lalaki.



 Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon