SINIKAP kong ibigay sa kaniya ang tula ng walang kahit anong salitang lumalabas mula sa aking mga labi. Mas nanaisin ko na ganito na lamang ang mangyari kaysa naman umamin ako sa kaniya’t paasahin ang aking sarili. Malabo pa sa kulay ng maruming batis o ilog na ako’y kaniyang magustuhan. Kahit kailan ay bawal at hindi tama itong nararamdaman ko.
Isang paraan lamang ang naiisip ko upang awatin ang aking sarili o ’di kaya’y maupos ang naglalagablab kong pagtingin sa kaniya, ’yon ay ang iwasan at layuan siya. Hindi ko ito ginagawa para lamang sa aking sarili, ito’y para na rin sa kaligtasan ni Heneral at maging ng aking pamilya.
Malaking sakuna ang kahahantungan ng salungat kong damdamin. Bukod pa rito’y nababahala rin ako kay Binibining Sylvia sapagkat alam ko na katulad ko’y ’di siya magiging masaya. Magkakaroon ng hangganan ang kaniyang pagtatago sa huwad na kasarinlan. Dalawang daan lamang ang dapat niyang pagpilian. . . ang una’y sasagupain niya ang daan tungo sa kaniyang sariling kamatayan para sa kaniyang nais. . . o sa daan na kung saan isusuko niya ang bagay na nagpapaligaya sa kaniya?
Alin man sa dalawang iyan ang piliin niya’y siya lang ang nakaaalam. At kung ako naman ang inyong tatanungin ay masiyadong malinaw na kung ano ang aking pinili, iyon ay ang iwasan ang kamatayan para kaligtasan ng nakararami.
“Ginoo, ipasok mo raw ang pasong ito sa opisana ng Gobernador-heneral, sa kadahilanang iyan ang kaniyang pinaka paboritong uri ng bulaklak.” Nilapitan ako ng kasamahan ko sa hardin na si Ginoong Delio, siya’y kasing edad ko lamang. Sa tingin ko’y nasa dalawampu’t tatlo na ang kaniyang edad na katulad ng sa akin.
“Ika’y magmadali na, mayamaya lang ay darating na siya galing sa isang piging na kaniyang dinaluhan.” Iniabot niya ang pasong kaniyang hawak at akin iyong napipilitang tinanggap.
“Ngunit bakit hindi na lamang ikaw ang siyang magdala nito? Nariyan din naman ang iyong mga kaibigan, bakit ako pa ang iyong napag-utusan?” nagtatakang tanong ko. May halong pagdududa ang aking tinig.
Saglit niya lamang akong tinapunan ng tingin bago niya ako talikuran. “Ako’y iyo na lamang sundin. Huwag mong kalilimutan na iya’y iyong diligan upang iya’y ’di malanta.” Nagsimula na siyang humakbang patungo sa kaniyang mga kasamahan na ngayon siya’y nginingitian.
Noong una akala ko’y ’di sila nagkikibuan, ngunit iyon pala’y isa lamang palabas dahil sa mga nakalipas na buwan na pananatili ko rito’y doon ko sila unti-unting nausisa, na sa tuwing narito ang Gobernador-heneral ay daig pa nila ang isang maamong tupa, ngunit sa tuwing ito’y wala ay daig pa nila ang maliligsing mga kuneho.
’Di na lingid sa aking kaalaman na ako’y ’di nila gusto dahil sa bahay-kubo na aming nagsisilbing panuluyan ako’y kanilang ’di pinapansin. ’Di ko mawari kung bakit hirap akong kuhanin ang kanilang loob. Siguro’y ’di lang talaga ako pala-kaibigan na tao.
Buong ingat ko na dinala sa opisana ng Gobernador-heneral ang bulalak ng Mirasol. Isa itong uri ng halamang matangkad na mayroong malaking bulaklak. Kulay dilaw ang talutot nito, ngunit kulay kayumanggi ang gitnang bilog na bahagi.
Nasa unang palapag lang naman ang kaniyang opisina kung kaya’t hindi ko na kakailanganin pang pumanhik sa ikalawang palapag na kung saan matatagpuan ang ibang mga silid.
Nakakandado ang pinto ng opisina dahilan para mapagdesisyunan ko na lamang na saglit na ipatong ang paso sa ibabaw ng lamesa hindi kalayuan sa pinto. Ipapasok ko na lamang iyon mamaya pagkarating ng Gobernador-heneral.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...