DAIG pa namin ang isang kriminal na nagtatago sa kumpulan ng mga tao habang kami’y nakasuot ng salakot at may telang nakatabing sa kalahating bahagi ng aming mukha. Maingat ang aming mga ikinilos upang walang sinuman ang makakilala sa amin sa pamilihan.
Sinamahan niya muna akong ibenta ang prutas bago namin napagdesisyunang mag-usap sa isang lugar na kung saan walang makakakita’t makaririnig sa amin.
Kahit kailan ay pahamak talaga ang Binibining ito!
Kasalukuyan na kaming nasa tabing ilog habang ang aming mga paa’y nagtatampisaw sa dalisay at kalmadong pag-agos ng tubig. “Ano ba ang nangyari’t napasakamay niya ang tula? Nakita mo ba ang kaniyang mukha?" maagap kong tanong. Bakas sa aking boses ang matinding pagkabalisa. “Bakit kasi hindi ka nag-iingat?!”
“P-Paumanhin, aking kaibigan, hindi ko inaasahan na mangyayari ito. . . . Iyong b-batang napag-utusan ko kasi ay nagkamali ng taong pag-aabutan ng t-tula." garalgal ang boses na paghingi niya ng tawad. Nang dumako ang paningin ko sa kaniya’y nakita ko ang pagbagsak ng luha mula sa kaniyang mga mata.
“K-Kapag nalaman nilang sa akin nanggaling ang tulang iyon, tiyak na mapaparusahan ako ng. . . k-kamatayan!” Humahagulgol siya habang nakakuyom ang mga kamao. Nakaupo lamang kami sa mga biyak na bato habang siya’y nagpapaliwanag.
“Tumahan ka na, naninibago ako sa iyong ikinikilos. Ang akala ko ba’y may puso kang lalaki? Bakit umiiyak ka ngayon sa aking harapan?” Pinigilan ko ang aking sarili na sabayan siya sa pag-iyak kahit na natatakot at nababala ako sa mga maaaring mangyari. “Hindi ka naman niya nakita, hindi ba?”
Sinalubong niya aking paningin at tumango. Nanlambot ang aking puso nang makita ko siyang pekeng ngumiti. “Hindi. . . hindi nila alam na ako ang nagbigay ng tulang iyon at hindi ko rin nakita ang kaniyang mukha dahil siya’y nakatalikod, ngunit ako’y nangangamba na baka madamay ang paslit na aking inutusan at m-maging. . . i-ikaw!” Hinawakan niya ang aking mga kamay habang humahagulgol. “Patawad, p-patawarin mo ako, Ginoong Tapioca!”
Ang nilalaman ng tulang aking isinulat ay tungkol sa pag-iibigan ng dalawang tao na may iisang kasarinlan. Oras na mabasa iyon ng Heneral at malaman kung sino ang lumikha niyon ay paniguradong papatawan ng isang brutal na kamatayan.
Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at inilahad ko sa kaniyang harapan ang aking kanang kamay at ngumiti ng tipid habang pinipigilan ko ang pagbagsak ng aking mga luha. “Halika’t huwag na muna nating isipin ang mga kaganapang hindi pa naman nangyayari!” Nagkunwari akong panatag ang aking kalooban kahit na anumang oras ay maaari nang bumigay ang mapangahas kong mga luha.
Alam ko na nasa bingit na ng kamatayan ang aming buhay ngunit habang hindi pa iyon nangyayari ay mas mainam na pagtuunan namin ang kasalukuyan kaysa sa hinaharap.
Magbabandang alas-diyes nang napagpasiyahan naming umuwi na sa aming mga tahanan dahil baka hinahanap na kami ng aming mga magulang. Kumpara kanina’y mas maaayos na ang kaniyang pakiramdam.
Nawa’y sikatan pa kami ng araw kinabukasan!
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...