KASALUKUYAN kaming nasa teresa habang ang lahat ng mangaggawa ay magkakahilera, kabilang na ako roon. Para kaming isang hukbo dahil sa aming puwesto, walang sinuman ang umiimik o gumagawa ng ingay sa kanilang lahat maliban lamang kay Gobernador-heneral Fredo Garcia na kanina pa palakad-lakad sa aming harapan habang siya’y nagsasalita.
Tuwid ang aking pagkakatayo habang napapalunok tuwing tumatama sa aking mga mata ang kaniyang matalim na mga tingin. Maihahalintulad ko siya sa isang mabangis na tigre na anumang oras ay maaari kang sakmalin at kuhanin ang iyong buhay.
Nakatatakot!
“Isang bagay lang ang gusto ko, ’yon ay ang sundin n’yo lahat ng utos ko ng walang pagkakamali, malinaw?!” pasigaw at istriktong paalala niya bago siya nagmartsa paakyat sa hagdan.
Ang orihinal na tirahan talaga niya ay sa Palasyo ng Malakanyang na matatagpuan pa sa Cieudad de Manila, ngunit may mga gawain siya rito kung kaya’t bumili siya sa Kabite ng hacienda na pansamantala nilang naging panuluyan. Sa katunayan ay kaluluklok lamang sa kaniya bilang isang Gobernador-heneral noong nakaraang taon pagkatapos ng termino ng dating Gobernador-heneral na si Joaquín del Solar e Ibáñez.
Tila natanggalan kami ng tinik sa aming mga lalamunan pagkaalis ng matanda. Sa tingin ko’y nasa singkuwenta paitaas na ang kaniyang edad. Bilugan ang kaniyang tiyan, may mangilan-ngilang puting buhok at malagong balbas sa baba at itaas na bahagi ng labi.
Walang imikan na nagtungo na ang aking mga kasamahan sa kani-kanilang mga lugar kung saan sila nakatoka. May mga pumunta sa ilog upang maglaba, may pumunta sa palikuran upang maglinis, mayroong pumunta sa pamilihan upang mamili, mayroong pumunta sa kusina upang magluto at marami pang iba. Sa pagkakalkula ko’y mayroong apatnapu kaming mga naninilbihan— dalawangpung babae at lalaki.
Napapakamot sa ulong nagtungo ako sa hardin upang diligan ang ilan sa mga halaman at magtabas ng malalagong mga damo.
Pagkarating ko roon ay naabutan ko ang aking apat na kasamahang lalaki na aligagang-aligaga na ginagawa ang kanilang mga gawain sa halamanan. Nakakapanibago at malungkot dahil wala man lang akong makausap at isang beses lamang sa isang buwan kami puwedeng umuwi sa aming mga tahanan.
Sinalinan ko ng tubig na nagmumula sa banga ang lagadera bago ko diligan ang mga halamang nasa mga paso. Napakalawak at laki ng kanilang hardin kung kaya’t tiyak na mauubos ang aming buong maghapon sa pag-aasikaso sa lugar na ito.
Abala ako sa pagdidilig nang bigla na lamang may lumapit mula sa aking puwesto. Hindi ko na lamang pinansin dahil baka isa lamang siya sa aking kasamahan.
Ngunit muntik ko nang mabitawan ang lagadera nang punasan n’ya ang pawis mula sa aking noo gamit ang kaniyang sariling panyo. Tinapunan ko siya gamit ang nagtataka at nakaririmarim na tingin, ngunit gayon na lamang ang pagkabagabag ng aking isipan nang masilayan ko ang kaniyang hitsura.
“Señor? A-Ano itong ginagawa mo?” nagugulumihanang bulalas ko habang idinidistansiya ang aking sarili mula sa kaniya. “Ikaw ba’y nasisiraan na ng ulo, Heneral?” nasusuyang dagdag na turan ko pa.
Tinawanan n’ya lamang ako saglit bago n’ya guluhin ang aking mga buhok. Naiimbiyerna ko na lamang siyang tinalikuran. Kanina ko lamang nalaman na siya pala ang Heneral at ibig sabihin n’yon ay siya rin ang nakatanggap ng tulang ako mismo ang naggawa.
Sa ngayon ay unti-unti nang nagiging malinaw sa akin ang lahat kung bakit hindi na n’ya hinanap pa ang nagmamay-ari niyon dahil alam n’ya ang maaaring mangyari. Isa siyang marangal na Heneral na dapat tularan ng mga kalahi n’yang talipandas.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...