MULA sa dalawang selda na pagitan nila sa isa’t isa ay pilit na tinatanaw ni Heneral Isidro si Ginoong Tapioca na kasalukuyan nang nakasubsob sa diyameng nagsisilbing sapin sa sahig. Katulad niya’y punit at sira na ang kasuotan nito na may bahid ng natuyong dugo. Naghihimutok sa sobrang pagdadalamhati ang kaniyang puso na makita ang taong mahal niya na halos malagutan na ng hininga.
Tatlong araw na rin silang nakapiit at pinahihirapan sa pamamagitan ng paghahampas ng latigo sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. At ngayong araw naman ang nakatakdang oras upang sila’y paglakarin ng hubo’t hubod sa buong bayan. Hindi rin sila inaabutan ng kahit na anong makakain man lang. Hinang-hina na sila’t naluluha na lamang sa pinaghalong gutom at pagdarahop na kanilang iniinda.
Isa pa sa nagpapahirap sa kalooban niya ang ginawang pagtalikod sa kaniya ng sariling ama, ito rin ang dumakip sa kanila noong sila’y nahuli sa ilog Dangoa. Napatunayang sila’y nagkasala dahil na rin napasakamay ng mga Guwardiya-sibil ang ipinagbabawal na tula’t liham na magpapatunay sa kanilang lihim na relasyon, nakuha nila iyon sa kaniyang silid.
“G-Ginoong Tapioca. . . m-mahal ko, b-bumangon ka riyan!” basag ang boses na pagtawag niya sa kaniyang kasintahan na kasalukuyang sinusubukang bumangon at humarap sa kaniyang gawi. “T-Tatagan mo ang iyong loob. . . anumang mangyari’y hinding-hindi ako magsisising nakilala’t minahal kita.” humihikbing wika pa niya kahit alam niyang maaaring ’di naulinigan nito ang kaniyang mga ipinagtapat.
Sa kabilang bahagi nama’y pilit na bumabangon si Ginoong Tapioca mula sa pagkakasubsob sa dayami. Iniipon na lang niya ang kaniyang natitirang lakas upang bumangon ngunit kahit anong gawin niya’y palagi siyang bumabagsak. Nahihimigan niyang may sinasambit si Heneral Isidro ngunit ’di niya iyon marinig nang maayos dahil na rin sa layo ng kanilang distansiya, idagdag pa ang paghikbing ginagawa nito.
Sa loob ng piita’y nagkalat ang mga daga’t ipis, ’di rin kaaya-aya ang amoy ng loob. Matatagpuan din sa iba pang selda ang mga bilanggong nangangayayat na’t mayroong mga sakit, nakaratay na lamang sila sa sahig at lihim na iniinda ang kanilang mga pagdurusa. Mayroong walang hinto na humihikbi at nasiraan na ng bait. Ang karamihan sa mga bilanggo’y mga inosente’t mga walang kasalanan, biktima lamang sila ng maling pamamalakad ng pamahalaan.
Sumuko na lamang siya sa tangkang pagbangon dahil mukhang nagsasayang lamang siya ng lakas. Pagal na rin ang kaniyang paghinga’t nanlalabo na ang paningin. Hindi niya napigilan ang muling pagbuhos ng kaniyang mainit na mga luha. Kahit na nasa ganito siyang klaseng kalagayan ay si Heneral Isidro pa rin ang laman ng kaniyang isipan, ganoon na rin ang kaniyang mga magulang na siguradong ’di makalalagpas sa kaparusahan.
‘Ito ang daang pinili ko at hindi ko alam kung tama ba ito? Ngunit sa isang bagay lamang ako nakasisiguro na hindi ako nakararamdam ng alin mang pagsisisi dahil ipinaglaban kita, Heneral Isidro, ikaw ang una’t huling pag-ibig ko.’
“Ilabas sila sa kanilang piitan, sirain ang kanilang kasuotan at paglakarin ng hubo’t hubad sa buong bayan. Pagkatapos niya’y putulin niyo ang maselang bahagi ng kanilang katawan at pugatan na sila ng ulo.” pag-uutos ni Heneral Narciso sa mga sundalo’t Guwardiya-sibil. Lingid sa kaalaman ni Ginoong Tapioca na ito rin ang kumitil noon sa buhay ng tatlong magsasaka. Ang walang pusong Kastila na walang pagdadalawang isip na handang kumitil ng buhay para lamang sa mataas na ranggo.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...