Ikasampung kabanata- Pangako

33 2 0
                                    

ISINUBO niya sa aking bunganga ang tubong kaniyang hawak bago niya ako hilahin upang makaayos ako ng tayo. Ang kanina palang nakatuktok sa aking ulo’y isa lamang tubo at hindi isang baril. Hindi ko na rin nasabi pa ang nais kong isatinig.



Halika na’t mananghalian na tayo, Ginoo. Nakausap ko na ang iyong Ina’t inanyayahan niya akong sumalo na sa inyong hapag.” anyaya niya.



“Nararapat lamang na matikman mo itong pinakbet na aking niluto para sa iyo, Heneral Isidro!” Pagmamalaki ni Ina sa kaniyang putahe habang inaasikaso niya ang lalaking aking katabi na hindi ako iniimik, tanging sina Ina’t Ama lamang ang kaniyang kinakausap.



“Nawa’y mapadalas ang iyong pagtungo rito upang maipaghanda kita ng mga putaheng tiyak na hahanap-hanapin mo!” tuwang-tuwa na dagdag pa ni Ina bago siya maupo.



“Ngunit araw-araw naman po akong nagtutungo sa inyong tahanan, Ginang Roseta. Sadyang masiyado lamang po kaming abala sa aming hukbo kung kaya’t saglit lamang ako kung manatili rito.” Tiningnan niya si Ina bago siya bumaling kay Ama na kasalukuyang naghuhugas ng kamay sa plangganitang yari sa kahoy.



“Maaari niyo rin po kaya akong tulungan kung paano magpunla ng mga palay, Mang Berting? Nais ko rin po kasing masubukan ang buhay na mayroon kayo,” may paggalang na tanong niya sa kaniyang kausap. Napaismid na lamang ako.



Hinihintay kong tingnan niya ako at kausapin ngunit ilang minuto na ang nakalilipas ay nanatiling nakatuon ang kaniyang paningin kay Ama dahil hinihintay niya ang sagot nito.



Nang dumako ang paningin ko kay Ama ay nabungaran ko ang kaniyang ngiting may pag-aagam-agam, marahil ay ’di siya sang-ayon sa adhikain ni Heneral.



Kahit ako’y hindi palagay sa kaniyang nais, sapagkat kung may ibang makakakita sa kaniyang mga Indio na katulad namin o ’di kaya banyaga’y baka may iba silang isipin. Isa pa’y walang hangal na Heneral ang maglalakas loob na sumubok sa pagsasaka at mabahiran ng dumi o putik ang kaniyang mga kamay, ganoon din ang magsuot ng alapot na kasuotan.



Iniabot ni Ama ang plangganitang yari sa kahoy kay Heneral Isidro bago siya sumagot. “Huwag niyo sanang mamasamain kung ika’y aking tatanggihan sapagkat alam mo ang katayuan mo sa pamahalaan. Mas mainam kung pagtuunan mo na lang ng pansin ang iyong tungkulin kaysa sumubok sa mga gawaing ’di nararapat para sa iyo, Heneral.”



Gustuhin man naming pagbigyan ka sa iyong kahilingan ay wala kaming magagawa kung hindi ang tumutol. Ipagpaumanhin niyo kung ito ang aming napagdesisyunan.” dugtong ni Ina sa mga sinabi ni Ama. Bagama’t seryoso sila sa kanilang mga sinabi’y ramdam ko ang kanilang paggalang sa aming kasalo sa hapag.



Tumikhim si Heneral Isidro, isang saradong ngiti sa labi na sinabayan nang pagtango ang isinagot niya sa kaniyang mga kausap bago magsalita. Nauunawaan ko po ang inyong nais na iparating, pasensiya kung ako’y naging padalos-dalos sa aking nais na hilingin. Bueno, maaari na po ba nating pagsaluhan ang mga pagkaing nasa ating harapan?”



 Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon