Ikatlong kabanata- Muling Pagkikita

64 3 8
                                    

LIWANAG ng buwan at tanging ilaw lamang sa gasera ang siyang aming nagsisilbing liwanag habang binabagtas namin ang bukirin patungo sa tahanan ni Binibining Sylvia.


Sumama sina Ina’t Ama na ihatid siya dahil nangangamba sila na baka may kung anong mangyari sa amin. At isa pa nag-alala sila sa iisipin ng mga taong makakakita sa amin kung ako lang ang maghahatid sa kaniya pauwi. Baka isipin nila na may lihim kaming relasyon.



Napakapayapa’t tahimik ng buong kapaligiran!Itinaas n’ya ang kaniyang mga braso’t kamay sa ere na tila inaabot ang mga bituin sa madilim na kalangitan. “Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa iyong inilathalang tula.” Iginalaw-galaw n’ya ang kaniyang mga daliri sa ere habang nakangiting may kung ano siyang inaalala sa kaniyang isipan.



Aabutin at susungkitin ko ang mga bituin, kahit na imposible iyong mapasaatin.” binigkas n’ya ang dalawang linya mula sa aking isinulat na tula. Dama n’ya ang bawat salitang kaniyang pinakawalan.



“Anong tula iyang pinag-uusapan n’yo? Anak. . . Tapioca, ginawan mo ba ng tula ang Binibini bilang pagtatapat ng iyong pagtingin para sa kaniya?” Nabibiglang singit ni Ina sa usapan namin. Ramdam ko ang pagkatuwa sa kaniyang ginamit na tono, ngunit kaagad akong lumayo mula sa aking katabing si Binibining Sylvia.



Nauna ako sa paglalakad at patalikod akong humahakbang habang kunwaring nasusuka. Ako? Iibig sa unggoy na iyan? Hindi!” asik ko.



Walang alam ang aking mga magulang sa huwad na kasarian ni Binibining Sylvia kung kaya’t madalas nila kaming tuksuhin. Kilala rin ako bilang isa pagiging makata’t mahusay sa paglikha ng mga tula kaya hindi na ako nagulat noong sa akin lumapit ang aking kaibigan upang magpagawa ng tula para sa kaniyang napupusuang dilag.



Nahinto na lamang ako sa paglalakad nang mapansin ko ang kanilang pananahimik, maging sila’y huminto rin sa paglalakad. Tanging kaluskos ng mga dahon, damo, huni ng mga kuliglig at iba pang insekto ang nagbibigay ingay sa mga sandaling ito.


Anong mayroon?


Nang dumako ang paningin ko sa kanilang lahat ay daig pa nila ang nakakita ng isang mabagsik na hayop o multo dahil sa kanilang reaksiyon. Pansin ko na nakatitig lamang sila mula sa aking likuran.



Nasagot lamang ang tanong sa aking isipan nang marinig ko ang isang pamilyar na boses na nanggagaling mula roon.


Anong ginagawa n’ya rito?


“Magandang gabi mga Ginoo’t Binibini! Mabuti na lamang at nakasalubong ko kayo,” pagal na turan niya. Hindi pa rin makapaniwala ang mga taong nasa harapan ko samantalang ako nama’y nangangapos ang hiningang humarap sa aming dinaraanan.


Itinaas ko ang aking gaserang hawak upang makita ko ang kaniyang mukha at nang tumama ang kulay kahel na liwanag sa kaniyang wangis ay bahagya akong napaatras mula sa lalaking may pasang sako sa kaniyang makisig at matipunong balikat.


Siya na naman!


“A-Anong ginagawa mo rito?” muling nag-init ang ulo’t sumiklab ang matinding poot sa aking kalooban nang mabungaran ko ang matamis n’yang ngiti sa labi habang siya’y nakatingin sa akin. “Bakit? Mukha ba akong katawa-tawa para sa iyo?!” Muntik ko na siyang kuwelyuhan kung hindi lang ako hinila ni Binibining Sylvia papunta sa kaniyang tabi bilang pag-awat sa maaari kong gawin.



 Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon