Ikalabing-anim na kabanata (Sugat)

36 3 0
                                    

ANG mga segundo’y nasundan ng minuto. Habang tumatama ang sinag ng araw sa kaniyang mukha’t katawan ay nagliliwanag din siya sa aking paningin. Isang pakiramdam ng pananabik sa taong matagal ko nang gustong masilayan, mga ngiti na nais ko muling mapagmasdan, maging ang tawagin niya ako sa aking pangalan na matagal ko nang ’di naririnig.

Nag-iindayugan sa saya ang puso ko, ’di ko na inalintana kung gaano niya ako nasaktan noon dahil para sa akin ay handa kong isantabi ang lahat para sa kaniya.

Nakatutuwang isipin na ang mga luhang lumalandas ngayon sa aking mga mata’y luha ng kasiyahan. Masaya ako na nakita ko siya, nasa harapan ko siya at hindi lamang ito isang panaginip kung ’di isang reyalidad.

Wala na akong pakialam kahit pa kaibigan lang ang kaya niyang ibigay sa akin. Mas nanaisin kong siya ay nasa aking tabi sa halip na siya ay lumayo. Ganito nga siguro umibig, kaya mong tanggapin na hanggang kaibigan lang kayo, huwag lang siyang lumayo sa iyo.

Heneral Isidro, lingid sa iyong kaalaman na maging ako’y nanabik nang mayakap at maramdam ang init ng iyong katawan. Ako'y nanabik sa iyo!

Sisimulan ko na sanang ihakbang ang aking mga binti’t tumalilis ng takbo patungo sa kaniyang puwesto ngunit ako’y nahinto nang masilayan ko na may tumawag sa kaniyang ngalan ’di kalayuan sa lilim ng puno ng Kaimito na malapit lamang sa ilog.

Ang mga mata kong kaninang nakatingin sa kaniya’y tumalima sa Binibining nasa lilim ng puno habang kumakaway siya kay Heneral na pansin kong nakatingin pa rin sa akin. Likod lamang ng Binibini ang aking nasisilayan at wala akong ideya kung sino at bakit siya narito.

Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanilang dalawa hanggang sa magkaroon ako ng hinuha sa mga nangyayari. Mabilis na nagbago ang aking nararamdaman, kasiyahan na napalitan ng labis na pagkadismaya na ’di ko maunawaan kung bakit, gayong ’di pa naman kumpirmado kung tama itong kutob ko.

Pinakatitigan ko nang maigi ang Binibining ’di man lang ako nilingon gayong narinig niya naman na tinawag ako ni Heneral. Masasabi kong isa siyang anak mayaman dahil sa kaniyang marangyang kasuotan, mga palamuti at litaw rin ang kaniyang pagiging mestiza. Nakatali na pabilog ang kaniyang buhok habang may hawak siyang abaniko.

Maaaring tama itong aking hinala. Kung nagkakamali man ako’y bakit sila magkasama nang silang dalawa lang? Nagawa niya pang ’di magsuot ng pang-itaas na kasuotan sa harapan ng isang Binibini. ’Di iyon katanggap-tanggap sa mata ng kahit na sino, maliban na lamang kung. . .

Ngayon, alam mo na. Mas mainam na nalaman mo na ito nang maaga kaysa muli kang umasa.” Naputol ang tingin ko sa Binibini nang marinig ko ang tinig ni Ginoong Delio na nasa akin na palang likuran.

Pinulot niya ang baldeng nasa lapag at iniabot iyon sa akin. Humayo na tayo, Ginoo. Mas makabubuti kung ikaw na ang kusang umiwas sa kaniya kahit na tawagin ka pa niya. Gawin mo iyon para sa sarili mo. Alam kong darating ang panahong magagawa mo rin siyang iwaksi sa iyong puso.” Tinapik niya ako sa aking balikat at pinunasan ko ang luha mula sa aking mga mata’t pisngi.

Hindi ka na sana bumalik, Heneral, kung ganito lang din pala. Pangako, simula sa araw na ito, ito na ang huling beses na papatak ang aking mga luha ng dahil sa iyo.

Ginoong Tapioca! Halika!” muli niya akong tinawag, subalit tumalikod na ako’t ’di ko na siya nilingon o kahit sinagot man lang. Madudurog na ang hawakan ng balde sa higpit nang pagkakahawak ko roon.

 Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon