BINUHAT ko siya mula sa aking mga bisig habang patungo sa kaniyang silid. Wala pa rin siyang malay at halos mapuno na ng galos at pasa ang mukha. Hindi ko maiwasang makonsensiya sa mga nangyari. Hindi ko mapagtanto, ngunit lubos ang aking pag-aalala sa binatang ito dahil siguro ako ang may kasalanan kung bakit humantong sa ganito ang lahat.
Ibinaba ko siya mula sa higaan at mabilis akong nagtungo sa imbakan ng mga halamang gamot na mainam na pampalunas sa sugat at pasa. Mahigpit kasing ipinagbawal sa akin ng Gobernador-heneral na huwag akong tatawag ng manggagamot. Hayaan ko na lang daw na mawalan ng buhay ang kaniyang anak dahil lamang sa sinuway siya nito at hindi sinunod.
Walang puso!
Nagpakulo ako ng dahon ng bayabas at saglit ko iyong inilagay sa mangkok bago ko gayatin sa maninipis na piraso ang patatas. Mainam na panglanggas sa mga sugat ang dahon ng bayabas, samantalang ang patatas naman ay mainam na panlunas sa mga pasa. Si Ina ang nagturo sa akin nito, nakalulugod isiping mapakikinabangan ko pala ang mga itinuro niya.
Pagkatapos kong ihanda ang mga kakailanganin ko upang siya’y gamutin ay nagtungo na ako sa kaniyang silid. Natagpuan ko siya roong pawis na pawis habang nakabaluktot ng bahagya ang katawan.
“Heneral Isidro, kumusta na ang iyong pakiramdam?” Ipinatong ko na muna sa lamesa ang aking dala bago ako maupo sa katre na kaniyang kinahihigaan. Nanatili siyang nakapikit habang naglalandasan ang mumunting pawis na nagmumula sa kaniyang noo paibaba sa pisngi. “Saglit, kukuha lamang ako ng tela!”
Alam ko kung anong kasalukuyang kalagayan niya, masama ang kaniyang pakiramdam kung kaya’t kumuha ako ng ilang pirasong tela sa tukador bago ko siya muling lapitan.
Ramdam ko ang pangiginig ng aking mga kamay habang pinupunasan ko ang kaniyang pawis sa mukha. Hindi rin siya maaaring matuyuan ng pawis sa katawan dahil baka siya’y ubuhin, kaya naman pigil hiningang dahan-dahan kong hinubad ang kaniyang pang-itaas na kasuotan.
Bumulaga sa aking harapan ang kaniyang maskuladong dibdib at naglalangis na anim na umbok sa tiyan.
Hindi ko namalayan na naglalakbay na pala ang aking mga kamay paibaba sa kaniyang dibdib dahilan para napapalunok akong bahagyang lumayo’t dumistansiya.
Tumigil ka, Tapioca, hindi tamang makaramdam ka ng pagnanasa sa kagaya niya. Oo, tama! Hindi mo siya pinagnanasaan, mainit lang talaga kaya nag-iinit din ang iyong katawan!
“A-Anong ginagawa mo?” Muntik ko nang masanggi ang mangkok na nasa lamesa nang marinig ko siyang nagsalita. Kinakabahang pinaglapat ko ang aking mga labi’t iniabot ko sa kaniya ang tela bilang pamunas. “Bakit mo ako hinuburan, Ginoo?” may kahinaang boses na tanong niya.
Nang hindi niya iyon kinuha ay ibinato ko na lamang iyon sa kaniyang mukha kasabay nang pag-iwas ko ng tingin sa kaniyang kinahihigaan. Baka akalain niyang pinagnanasaan ko siya kahit hindi naman talaga. Bakit ko siya pagnanasaan? Hindi naman siya isang Binibini upang ako’y matukso.
“Ginoo?” Kung hindi niya pa ako tinawag ay hindi ako makababalik sa tamang wisyo. Wala naman akong ginagawang masama kung kaya’t walang dahilan para kabahan ako. Parehas lang kaming lalaki kaya wala itong malisya.
Napalunok at tulirong sinalubong ko ang kaniyang tingin. Bahagyang nakasara ang isang talukap ng kaniyang mga mata at hirap siyang imulat iyon nang maayos. “Ginoong Tapioca?”
Nagmamadaling naupo ako sa kaniyang tabi at pinunasan ko ang pawis mula kaniyang dibdib paibaba sa tiyan. “I-Inaalagaan ko lang ang taong nagligtas sa akin, obligasyon kong gawin ito sapagkat ako ang siyang may dahilan kung bakit ka nagkaganiyan.” tuloy-tuloy na paliwanag ko. Hindi ko namalayang hindi na pala ako humihinga.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...