NAGHARI ang katamikan sa pagitan naming dalawa hanggang sa maramdaman ko na lamang na winisikan niya ako ng tubig sa aking mukha. “Gumising ka Ginoo, binibiro lamang kita!” natatawang aniya dahilan para itulak ko siya sa tubig na lalo niyang ikinatawa.
“Nakatutuwa ka talaga!” Hinila niya ang mga binti ko paibaba sa tubig dahilan para mahulog ako roon.
Hindi namin ininda ang nakapapasong init ng araw, sa halip ay nagtampisaw lamang kami sa ilog at kung paminsan-minsa’y nagtutulakan kami na para kaming bumalik mula sa pagiging isang musmos. Kahit papaano’y gumaan ang aking pakiramdam kahit na hindi naging maganda ang tagpo kanina.
“Huli ka!” Namilog ang mga matang natuod ako sa aking kinatatayuan nang bigla na lamang niya akong ikinulong sa kaniyang mga bisig. Ramdam na ramdam ko ang init ng kaniyang hininga na tumatama sa likod ng aking tainga. Makaraan lamang ang ilang segundo ay pinakawalan niya ako at patuloy niya pa rin akong binabasa kahit na basang-basa na ako.
Nang mapagod kami sa pagtatampisaw ay pansamantala kaming sumilong sa lilim ng puno ng mangga hindi kalayuan sa ilog. “Kumusta ang iyong pakiramdam, Heneral? Kumikirot pa ba ang iyong mga pasa?” tanong ko nang abutan niya ako ng isang manggang hinog na pinitas niya kanina.
Pansamantala niyang itinigil ang ginagawa niyang pagbabalat sa prutas. “Hindi na, kung may nasaktan man sa ating dalawa’y paniguradong ikaw ’yon, hindi man sa pisikil maaaring sa mga salita ni Ama’y nasaktan ang iyong damdamin.” Pagkakuwa’y mabilis siyang kumagat doon dahilan para matawa ako. Nakaaaliw na para siyang isang gusgusing paslit.
“Paano mo nga pala nalaman na ako ang sumulat ng tulang iyon?” Pag-iiba ko sa usapan. Nagkatitigan kaming dalawa hanggang sa sabay kaming napatayo.
“Iyong papel, nabasa!” sabay naming sambit. Nawala sa isip namin ang bagay na iyon.
Pagkalabas niya ng papel mula sa kaniyang bulsa ay bumagsak ang kaniyang balikat dahil halos hindi na mabasa ang mga letrang nakalathala roon. Inagaw ko na lamang iyon sa kaniya at itinapon sa kung saan. “Hayaan mo’t muli ko iyong isusulat para sa iyo!” hindi ko mawari kung bakit ko sinabi iyan.
Sa katunayan nga dapat ay magpasalamat pa ako dahil wala na ang tula, ngunit nang makita ko kanina ang kalungkutan sa kaniyang boses at mga mata ay mas nanaisin ko na sana nga’y hindi na lang iyon nabasa.
Pagkatapos niyang kumain ay saka siya sumagot, “Iniabot iyan sa akin noon ng batang lalaki habang nagmamatiyag ako sa labas ng piitan. Tinanong ko siya kung kanino iyon nanggaling at sakto naman na itinuro niya ang iyong kaibigan na babae, nakita ko na tumatakbo siya papalayo kung kaya’t nang mabasa ko ang tula na nakasaad sa papel ay kaagad ko siyang hinanap at tinanong kung para sa akin talaga iyon,” paliwanag niya habang ibinabaon niya sa lupa ang buto ng mangga.
“Noong una akala ko’y hindi para sa akin ang tula ngunit nang makausap ko siya’y napag-alaman kong para sa akin pala talaga iyon dahilan ng labis kong pagkagulat.” dadag na aniya pa.
Hindi ko na siya maintindihan. Ang akala ko ba’y pinagawa iyon sa akin ni Binibining Sylvia para sa kaniyang napupusuang babae at nagkamali lang nang pinag-abutan ang paslit na kaniyang inutusan, ngunit paano nangyaring para kay Heneral talaga iyon? Hindi kaya— mali, imposible, sapagkat ang nilalaman ng tula’y tungkol sa dalawang taong nag-iibigan na may iisang kasarian.
BINABASA MO ANG
Rainbow After The Catastrophe [Boys Love- Completed]
Historical FictionSOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~• PIP Boys' Love Collaboration Series (Batch-) ~•~•~ Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng...