VINCENT'S POV
"Aray!" Malakas na sigaw ang pinakawalan ko. Binatukan kasi ako ni mama nang sobrang lakas.
"Tulala ka na naman d'yan!" bulyaw niya. Nasa hapag-kainan kasi kami pero hindi ko namamalayang hawak ko na pala ang cellphone ko at nakatitig sa tumatawag.
"Kanina pa tumutunog 'yang cellphone mo pero nakatulala ka lang d'yan. Wala ka bang balak sagutin?" inis na wika niya. Nakatingin din sa akin ang kapatid kong inggitera at si papa.
"Heto na," sagot ko at mabilis na tumayo para sagutin ang tawag.
"Hello?"
"Hello pre. Nood tayo ng sine sa Sabado. G ka ba?" matinis na boses ni RJ ang sumagot.
"Ah pwede naman. Kaso wala akong pe—"
"Okay lang 'yon. Libre ko na lang," sagot niya sa linya
Napangiti naman ako. Ayaw ko mang aminin pero ini-imagine kong magdi-date kami. "Uy pre andyan ka pa ba?"
Napabalik ako sa ulirat. "Ah oo sige ba. Sabihin mo na lang kung anong oras," sagot ko.
"Sige sige. Ibababa ko na p're," sagot naman niya mula sa kabilang linya. Tumango ako na parang makikita naman niya ang ginawa ko. Nang matapos ang tawag ay bumalik na ako sa hapag.
"Si RJ pogi ba 'yon?" nakangiting tanong ng ate kong inggitera. Tumango na lang ako. Crush na crush kasi ni ate si RJ. Mukhang aagawan pa ako ng sarili kong ateng inggitera. Mukhang may itatakwil na ako sa pamilyang ito.
"Sama ako sa lakad niyo," nakangiting wika ulit nito.
"Ate, lakad magkaibigan lang 'yon. 'Di ka kasama. Saka libre lang 'yon nakahihiya naman kung sasama ka pa," atungal ko. Sumimangot ito. "Pag 'di mo ako isasama, sasabihin kong gust—" Agad kong tinakpan ang bibig niya.
"Oo na, sumama ka na. Manahimik ka," inis na wika ko bago ko binitawan ang bibig niya. Napa-yes pa ito at pinandilatan ako ng mata. Patuloy lang naman si mama at papa sa pagkain at wala silang pakialam sa pinag-uusapan naming magkapatid.
Nakatakip ang unan sa tainga ko. Nakaririndi ang boses ni ate. Paulit-ulit niya kasing binabanggit sa higaan niya na "Makikita ko si RJ pogi." Nakaririndi.
"Ate pwede bang manahimik ka? Hindi ako makapanood nang maayos."
Tiningnan niya ako nang sobrang sama. Iisa lang kasi ang kuwarto namin at magkalapit lang din kami ng kama.
"Pag pinagbawalan mo ako sasabihin ko talagang gusto mo siya."
Napahilamos na lang ako sa mukha. "Hays. Bahala ka nga sa buhay mo." Tumayo na lang ako at naglakad palabas ng kuwarto at nagtungo sa veranda.
Pinagsisisihan kong inamin ko sa kaniyang may gusto ako sa kaibigan ko. Kung alam ko lang na magagamit niya pala iyon para sumunod sa kaniya, sana hindi ko na lang ginawa. Imagine, hindi ako naglilinis ng banyo pero ginawa ko para lang 'di niya sabihin kay RJ ang feelings ko. Ang inggitera kong ate hindi pa nakuntento, nagpabili sa akin ng chocolate at 'pag 'di ko raw ginawa ay isusumbong niya ako kay RJ.
Malala na talaga siya.
Umupo ako sa magkatabing upuan sa may veranda. Binuksan ko ang cellphone ko at nagpunta sa gallery. Maingat kong hinanap ang picture namin ni RJ noong completion ng grade 10. Nakaakbay ito sa akin at abot-tainga ang ngiti habang ako ay nakatingin sa kaniya. Kung ibang tao ang titingin dito ay iisipin nga talaga nilang magkasintahan kami — sana nga kami na lang, sana ako na lang.
Hindi ko namalayang pumatak na pala ang luha ko kaya dagli ko itong pinunasan bago pa may makakita sa akin. Pinatay ko na lamang ito at mapait na ngumiti sa buwan.
YOU ARE READING
Kung Puwede (BL Novel) - COMPLETED
RomantizmWhen two people fall for each other, should they fight for their love even though everything is uncertain? When two best friends unexpectedly love each other beyond the friendship they have, is it fair for them to give their friendship a chance? Mee...