Chapter 3

46 3 3
                                    

Weight Over You - Chapter 3


"May gagawin ka ba? Gusto mo bang sumama sa akin sa site, anak?"


"Hindi po, sa bahay na lang po ako," sagot ko habang nag-susulat sa aking libro. Nagawa ako ng assignments sa sahig. Walang lamesa ang bahay namin kaya sa sahig din kami kumakain. Wala rin kaming upuan o sala, monoblock lang. Sa papag lang kami natutulog.


Nag-paalam si papa upang umalis at ako naman, nag-madaling isara ang pintuan namin na gawa sa bakal na kinakalawang na. Dumaan ako sa likuran ng bahay at pumunta sa munting hardin namin kung saan may puno ng bayabas. Kumuha ako ng dahon mula roon upang gamutin ang sugat ko.


Kanina pa ako nag-kukunwari na hindi masakit ang tuhod ko dahil sa sugat na aking natamo, ayaw kong mag-alala si papa.


Pagkatapos kong gamutin ang aking sugat gamit ang dahon ng bayabas, bumalik na ako sa pag-sagot ng aking takdang-aralin.


Malakas na ingay mula sa bakal naming pintuan ang nagparindi sa akin, isang senyales na may nag-bukas nito. Nang tignan ko kung sino ang pumasok, si mama pala. "Anak, nakauwi na ako."


Tumayo ako upang kunin ang bitbit niyang timba. Maraming isda ang naroon.


Construction worker si papa at si mama naman ay nag-titinda ng isda sa palengke. Tuwing tanghali o hapon ay umuuwi siya para naman mag-racket ng pag-mamanicure at pedicure. Kadalasan ay isda rin ang ulam namin dahil inuuwi niya ang tira-tira niyang paninda. Kapag marami ang inuwi niya, nalulungkot ako imbis na maging masaya na marami kaming makakain, dahil kung marami ang inuwi niya... ibig sabihin, mahina ang benta.


"Kumusta ang eskuwela?" Tanong ni mama nang makaupo sa papag. "May natutunan ka naman ba?"


"Opo, okay lang." Nilapag ko ang timba sa gilid ng aming kusina. "May service ka po ba ngayon?"


"Ay, oo!" Napatayo siya nang makaalala. "May manicure ako kina Aling Mari na nasa kapit-bahay natin. Baka huling service ko na iyon."


"Bakit naman po huli na?" nag-tatakang tanong ko.


"Magiging katulong ako sa kabilang baryo. Mayaman sila!" Ngiting saad ni mama, nahawa tuloy ako sa kaniyang ngiti. "Maganda ang bahay nila, may sasakyan, mababait, at bukas ang simula ng pag-tratrabaho ko sa kanila. Kaya ako ang susundo sa iyo bukas, isasama kita."


Naging maaliwalas ang ngiti ko dahil sa magandang balita ni mama. "Kain na po tayo, 'Ma." pag-aaya ko sa kaniya dahil may naiwan pang tuyo na naka-takip sa aming kusina. Iyon na lang ang kakainin namin.


"Sandali nga..." Hinawakan ni mama ang aking braso. "Bakit may sugat ka na naman?" Tinuro niya ang tuhod ko. Napa-atras ako nang maalala na dapat ko nga pa lang itago ito. Na-distract ako.


Ngumiti ako. "Wala lang po ito, nadapa lang po ako."


"Hay nako!" reklamo niya. "Bakit mo hinahayaang saktan ka nila? Sino ang liligtas sa iyo kung wala kami ng papa mo?"


Dahil sa simpleng tanong ni mama, naalala ko ang sinabi sa akin ng lalaki kanina.


"May klase pa ako. Dapat ka nang umuwi." Tumayo siya at inilahad ang kamay niya, hinihintay niya akong kunin ito upang makatayo. Kahit pa nahihiya, inabot ko ang kamay niya at tumayo na rin. "Kung kailangan mo ng liligtas sa'yo, nandito lang ako. Huwag mo hayaang sinasaktan ka nila."

Weight Over YouWhere stories live. Discover now