Kung sa daan ng pagtuklas nila sa kanilang tunay na katauhan ay naghihintay ang panganib, nanaisin kaya nilang suungin ito kahit na ang kapalit ay sakit at pighati?
Tahimik na pinagmamasdan ni Azeron ang maliit na paru-parong nakadapo sa isang bulaklak. Tahimik ang gabi't tulog na ang lahat.
Namamangha niya itong tinitigan. "Gabi na ngunit anong ginagawa ng isang paru-paro sa gitna ng dilim?" Bulong niya sa kaniyang sarili.
Payapa ang buong paligid. Natatanaw niya rin ang makinang na mga bituwin sa kalangitan at ang maliwanag na buwan.
Ginugulo pa rin siya ng mga bagay na natuklasan niya. Iniisip niyang baka ito ang dahilan kung bakit muli siyang nabuhay mula sa kamatayan.
Nakakamangha ang mundo ito. Mula sa kakaibang atmosphera, mga kakaibang puno, insekto, at huni ng mga ibong tila umaawit. Mula sa tahimik na gabi, walang sasakyang bumubusena.
Napakaganda ng mundong ito. Napapaisip tuloy siya kung bakit nilisan parin ng kaniyang ina mundong ito? Totoo nga bang galing ang kaniyang ina 'rito?
"I miss you, mommy!" Mahinang bulong niya sa sarili.
Namimiss niya na ang ina. Namimiss niya na ang kapatid pati na 'rin ang kaniyang ama.
Unti-unti ng sumisilay sa kaniyang puso ang pagnanais na alamin ang kaniyang tunay na pagkatao. Sino nga ba siya? Ano ba talaga ang kaugnayan niya sa mundong ito?
"Anong ginagawa mo sa labas sa gitna ng gabi?" Napabalikwas siya ng marinig ang boses mula sa kaniyang likuran. "Nagulat yata kita, apo!" Nakangiting saad ni Lola Preda.
"Bakit gising pa po kayo?" Agarang tanong niya pabalik pagkatapos makabawi sa gulat.
Kung siya parin ang dating Azeron na may kakaibang sakit ay maaring nasa malambot na kama na naman siya ngayon upang kabitan ng makinang magpapakalma sa tibok ng kaniyang puso.
"Naramdaman kong bumukas ang pintuan ng bahay kaya't agad akong bumangon upang suriin, ngunit nakita kita rito. Mukhang may bumabagabag sa'yo!" Paliwanag ng matanda.
"Naalala ko ang aking ina, nalulungkot akong hindi ko siya kasama ngayon." Sagot niya.
"Ang mga ala-ala ay mas masakit kesa sa paglisan. Sapagkat kahit lisanin ng taong iyon ang tahanan maiiwan niya ang mga ala-alang kailanman ay hindi natin malilimutan." Malungkot na saad ng matanda. "Ang sabi nila kapag tinanggap mo ang isang masakit na katutuhanan, mababawasan nun ang sakit. Ngunit hindi! Magiging manhid ka lamang ng saglit ngunit kapag dumating ang araw na muli mo itong maaalala, bubuhos lahat ng sakit na minsan mong pinakalma."
"Lola Preda, kilala mo ba ang isang babaing nangangalang Azura?" Tanong niya sa matanda.
Hindi niya batid kung bakit bigla niyang ninais na baka batid ng matandang nasa harapan niya ngayon ang kaniyang ina.
"Si Lady Azura?" Gulat na wika nito. "Huwag mong babanggitin ang pangalang iyan sa nayong ito. Baka ikapahamak mo lamang!" Nag-aalala nitong sabi.
"Ngunit bakit po?" Naguguluhan niyang tanong.
"Dalawampung taon na ang nakalilipas noong hindi sinasadyang makapasok siya sa pinagbabawal na lagusan. Kumatok siya sa aking pintuan at humihingi ng tulong. Kakaiba ang kaniyang kasuutan, maging ang kaniyang pananalita. Nag-aalangan akong patuluyin siya sa aking bahay sapagkat maaari ko itong ikapahamak! Subalit nangibabaw sa aking puso ang tulungan siya. Itinago namin ang kaniyang katauhan. Binihisan ko siya ng naaayon sa kasuutan ng isang mataas na uri ng kababaihan at pinagpanggap na nawawalan ng ala-ala nang sa gayon ay makaligtas siya sa tiyak na kaparusahan kapag nalaman ng emperyo ang pagpasok niya sa mundong ito." -Lola Preda.
"Isang mataas na uri ng babae?" tanong niya ng naguguluhan.
Marahang tumango ang matanda sa kaniya at inilahad ang kulubot nitong kamay. "Nakikita mo ba ang kalyo sa aking mga palad, pati na'rin ang mga pelat sa aking mga binti at braso. Isang patunay na ang isang katulad ko ay nabibilang sa Nayong ito. Si Lady Asura ay tunay na makinis at mahinhin. Walang bakas ng pagkaalipin sa kaniyang balat o kahit na anong pelat. Kaya't mas maniniwala ang lahat kapag nalaman nilang naliligaw ito pagkatapos ng isang aksidenteng nagpawala ng kaniyang ala-ala."
"Ano na po ang nangyari?" Hindi maitago ni Azeron ang kursiyudad sa kaniyang isipan.
"Ang mabuti pa ay pumanhik na tayo sa loob, magpahinga ka na muna. Baka may pumasok na kawal sa ating Nayon at makita kang nasa labas ng ganitong oras. Mahigpit na ipinagbabawal ng emperador ang pananatili sa gitna ng dilim." Pagbabago nito ng usapan.
"Ngunit--"
"Alam kong marami kang mga katanungan ukol sa iyong pagkatao! Ngunit hindi ako ang makakasagot nun! Maghintay ka ng tamang panahon ang tadhana ang magdadala sa'yo ng katutuhanan."
Walang siyang naibigkas pa. Hinayaan niya na lamang ang matandang talikuran siya.
