Chapter 49

1.1K 55 3
                                    

Chapter 49: Minus One

ONE DAY before the Lunar Tournament. . .

Ito ang araw na ang mga magrerepresenta ay pupunta sa Mount Olimpus. Ang lahat ng tao sa South-West Land ay nakamata sa kanila. Sa pamamagitan ng paglikha ng mala-hologram na mahikang imahe sa bawat bayan, nakikita nila ang bawat nangyayari sa Mount Olimpus. Lalo na ng mga hari't reyna na nagbibigay talumpati at papangunahan ito ng isa sa mga matutunog na pangalan sa buong imperya.

"Isang karangalan na mapabilang sa magrerepresenta ng ating bayan at nagagalak ako na makapunta sa Mount Olimpus. Sinisigurado ko sa inyo na hindi tayo basta-basta mapapatumba! Ako si Asher mula sa Star-Dust Kingdom. Ang aking pangalan at kaharian ang aking karangalan!" lathala ni Asher na makikita ang mukha sa hologram. Ang ibang bayan ay walang pakialam o kritisismo ang hinanaing sa kanya. Ngunit ang kanyang bayan, napakalakas ng hiyawan upang suportahan siya.

Sa ibang kaharian, wala na silang pampublikong talumpati. Diretso sila sa Mount Olimpus na nakaupo sa kanya-kanya nilang sasakyang panghimpapawid; pegasus, griffin, giant bird, at iba pa. Ngunit ang pumukaw ng kanilang atensyon ay ang Demi-Human City na nakasakay sa isang dragon. Nakaawang ang kanilang mga panga at tila ngayon lang nakakita ng dragon. Nahuwindang din ang kababaihan noong makita ang presidenteng si Vladimir. Kasing puti ng labanos ang kutis nito, at may suot itong kapang itim at pula ang kulay. May pangil itong nakalabas sa labi at mas nanaig ang kagandahang lalake nito.

Habang nabubulabog ang buong Southwest Empire sa mga nangyayari, ang Olga Kingdom ay abala sa kanilang paghahanda. Nasa likod sila ng kanilang Royal Palace habang hinihintay si Princess Haruna. Pumasok kasi ito sa kagubatan kasama si Karlo. Kasalukuyang inaayos nila ang mga maskarang suot upang sa pakikipaglaban ay hindi ito matanggal. Ang bawat isa sa kanila ay may suot ng itim na cloak at nababalutan ng hood. Balot na balot din ang mga ito at tanging maskara ang nangingibabaw kapag sa perspective ng ibang tao.

"Are you ready?" tanong ng kapitan habang inaayos niya ang cuff bracelet na gawa sa metal at blue stone.

"Woah!" Tumalon-talon si Rai habang inaalog ang dalawang kamay sa hangin. "Ito na ang pinakahihintay kong pangarap na makasali sa tournament!"

Si Ivy naman ay nakapikit at marahang hinagod ang hangin gamit ang kanyang mga kamay. Kinokontrol niya ang halamang nasa paligid niya. Nagsasanay para sa mangyayari sa tournament.

Si Elaine naman ay nakangiti habang sinusuntok at sinisipa ang hangin. Kinokondisyon ang sarili dahil ang lahat ng nangyayari ay para sa kanya. Bigla siyang huminto nang makita sa gawi si Ruby. Nakatayo lang itong nakamasid sa kanila. Kumaway siya rito at mayamaya'y kumaway palik ito sa kanya.

Kahit hindi niya maalis ang mga sinabi sa kanya ni Captain Alaric, kailangan niya itong tanggapin.  Alam niya ang kahihinatnan ngunit mas pinili niyang manatili sa lugar na ito. Dahil para sa kanya, iiwan nito ang lahat alang-alang sa kanyang pamilya.

Sila Cielle naman ay nakatingin sa bintana na matatagpuan sa pangalawang palapag. Kasama niya si Pinunong Sol na nakatingin lang sa kanila. Hindi sila pwedeng magpakita dahil mayamaya'y darating ang pinadalang hologram mula sa Mount Olimpus— upang ipakita sa buong Southwest Land ang kanilang mga galaw. Hindi nga sila nagkamali dahil nasa himpapawid na ang ibon at may dala itong bolang kristal.

Tumingala ang mga kalahok. Bago magtago si Cielle, kumaway muna siya kay Elaine at gano'n din ang ginawa nito kanya.

Dumako ang ibon sa puno at ang kristal ay naglabas ng imahe nila.

Parang isang camera, sa isip-isip ni Elaine.

Ang kanilang imahe ay nasa iba't ibang kaharian na. Ang mga abalang taong naghihintay sa masasaksihang kakaiba ay napatingin sa hologram. Hindi tulad kanina na wala silang pakialam o nagagalak sa mga kalahok, ngayon naman ay nakamata sila sa pagkabigla na ang nawala ng ilang taon na kaharian ay sasaling muli sa tournament.

I'm a Ghost in Another WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon