"Alkansya"

9 1 0
                                    


Nay, Tay masaya ako na kayo ang magulang ko,
Nararamdaman ko ang pagmamahal niyo,
Kompletong pamilya at sama-sama,
Na kung titingnan ay wala na akong mahihiling pa,

Maganda at masayang pagsasamahan,
Mga pangarap ko'y inyong sinuportahan,
Pagkalinang sa tahanan at sa paaralan,
Ang puso ko ay lubos na nasisiyahan,

Pero lahat pala ng matatamis na bagay ay hindi totoo,
Tulad ng minatamis na nababalutan ng balat-kayo,
Kasi iyong pinaramdam niyo ay pawang kuro-kuro,
Ako pala ay inyong niloloko,

Dinamitan, inaruga at pinag-aral,
Para ipakita na kayo'y marangal,
Nililinang, tinuturuan at inaalagaan,
Nang balang-araw inyong mapakinabangan,

Ginawa ninyo akong taong alkansya,
Inimpok lahat ng mabubuting gawa,
Dahil balang-araw sisingilin din pala,
Babasagin para kayo'y mabayaran ko na,

Lahat ba kailangan ng kapalit?
Lahat ba ginawa niyo ng pilit?
Kung alam ko lang sa una pa,
Hindi sana ako nagpabulag sa maling gawa,

Kusa naman akong tutulong sa pamilya,
Hindi naman ako walang utang na loob at walang kwenta,
Hinayaan niyo sana akong gumawa ng kusa,
Hindi iyong isinumbat lahat ng inyong nagawa,

Wala eh, pamilya lang talaga,
Mas matimbang ang pagmamahal ko sa inyo,
Kahit makalimutan ko na ang sarili ko,
Pero sana maaral niyong umintindi at umunawa,

Kasi tao ho ako, hindi alkansya...

Tinta ng Dagtang Mapanakit [Tagalog Poems]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon