KLAY
"Handa na ang pagkain!" sigaw ni Mama at naglakad siya papunta sa amin. Habang ako ay gulat ang reaksiyon na nakatitig lamang sa lalaking iniiwasan ko. "Tara na, kumain na tayo," yaya ni Mama at saka iginiya si Kalvin paalis.
Hindi ko maalis ang titig ko sa mga mata niya na siya ring nakatitig sa akin. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Totoo ba 'to? Talaga bang nasa harap ko siya ngayon? Talaga bang nandito siya sa bahay namin?
"Let's go. Tinatawag na tayo ng mama mo," yaya niya kasabay ang pag-iwas niya ng tingin. Subalit, para bang hindi ko na magawang ibaling ang tingin ko sa iba. "Come on, alam kong guwapo ako. Pero 'wag mo naman akong titigan nang ganyan."
Saka lang ako natauhan nang bigla na naman siyang naging mahangin. Tumayo ako mula sa pagkakaupo habang hindi ko pa rin inaalis ang mga mata ko sa kaniya. "A-Anong ginagawa mo rito?" Sa wakas, ay nagawa ko na ring magtanong.
Kaya lang imbes na sagutin ang tanong ko ay nagkibit-balikat lamang ito na may kasama pang ngisi saka umalis at iniwan akong clueless. Gusto kong isipin na hallucination ko lamang siya at hindi totoong nandito siya ngayon sa bahay namin. Kaya lang nadismaya lang ako nang makita ko siyang nakaupo na sa mesa kasalo sina Mama.
"Klay, umupo ka na. Kumain na tayo," utos ni Mama nang mapansin niyang nakatayo lang ako. Hindi ko agad naigalaw ang mga paa ko dahil hindi ko alam kung saan ako uupo. Maliit lang ang lamesa namin na may apat na upuan. Si Mama at Kalvin ay magkatabi habang bakante naman ang katabing upuan ni Fidel. Gusto ko sanang makiusap sa kapatid ko na lumipat siya. Kaya lang baka mapansin ni Mama at magtanong pa siya nang magtanong kaya wala na akong choice kundi ang umupo sa tabi niya.
Nagsimula na silang maglagay ng pagkain sa mga pinggan nila habang ako ay hindi mapakali sa upuan ko. Hindi ako makakilos nang maayos. Ako pa itong naiilang sa sarili kong tahanan. Kainis.
"Klay. May problema ba? Bakit hindi ka pa kumakain?" tanong ni Mama.
"Wala po, Ma," sagot ko at naglagay na ng pagkain sa pinggan ko. Nagsimula na rin akong kumain habang sila ay nag-uusap. Hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila dahil masyadong occupied ang utak ko ng mga isipin at tanong.
Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Paano nangyari na nandito siya ngayon sa amin at kasabay naming kumain? Paano nangyari na napadpad siya rito at ngayon ay masayang kausap ng kapatid at ng mama ko? Ano ba talagang nangyayari?
Muntikan ko nang makalimutan, fan na fan nga pala si Kalvin ng mokong na 'to. Pero hindi ko pa rin talaga maintindihan. Hays!
"Klay? Klay?"
"Ma?" gulat akong bumaling kay Mama. "May sinasabi po ba kayo?"
Bumuntong-hininga muna si Mama bago sumagot. "Ang sabi ko, bakit hindi mo sinabi sa akin ang nangyari sa 'yo noong nakaraan?"
Kumunot naman ang noo ko. "Huh?" Ilang segundo ang lumipas at napanganga ako. Mukhang ang tinutukoy ni Mama ay 'yong tungkol sa muntikan na akong ma-holdap. "Ahm..." Dahan-dahan naman akong lumingon kay Fidel. Malamang siya ang nagsabi kay Mama.
"Klay, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko?" seryosong agaw ni Mama sa atensiyon ko.
Ito na siguro 'yong sinasabi niya kaninang pag-uusapan namin. Kaya naman pala ang seryoso niya. "Ahm, Ma. Hindi ko na sinabi kasi ayokong mag-alala ka pa."
"Pero dapat sinabi mo pa rin sa akin. Paano na lang pala kung may nangyari sa 'yo?"
"Ma, wala namang nangyari sa 'kin, eh. Maayos at ligtas naman po akong nakauwi dahil..." Hindi ko magawang ituloy ang sasabihin ko. Alam kong si Fidel ang dahilan kaya nandito pa ako kasama sina Mama, subalit ayokong ipangalandakan sa iba na iniligtas niya ako, lalo na sa pamilya ko. Dahil alam kong lalo lang siyang magiging hambog at baka gamitin niya pa 'yon sa akin.
BINABASA MO ANG
My Red Flag Enemy
RomanceLove Enemy Series #1 Isang pangyayari ang sasalubong kay Klay dahilan upang maipit siya sa pagitan ng limang sikat na basketball players sa kanilang unibersidad. Dahil sa masamang karanasang dinanas niya kay Fidel Alexander Tan -- na siyang pinakasi...