KABANATA X: PLANO
Shanelle
Palakad-lakad ako rito sa loob ng kuwarto ko. Hindi ko alam kung kailan matatapos itong parusa ko. Isang linggo na akong naparusahan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ako pinahihintulutang makalabas. Para akong bilanggo rito na dadalawin lang kapag binibigyan ng makakain at kung anu-ano pa. Bagot na bagot na ako. Gusto ko na lumabas. Ayoko na rito.
Hindi ako makalabas dahil wala naman sa akin ang susi. Nababagot na ako rito sa loob at iniisip kung nakarating na nga ba ang sulat na ginawa ko para kay Klean. Dalawang beses na iyon ngunit hindi pa rin siya sumusulat pabalik. Pakiramdam ko, hindi siya interesado at baka nga humahalakhak na iyon dahil nabanggit ko sa sulat na nakakulong ako. Hay, hindi dapat ako mawalan ng pag asa. Kailangan ko talaga ang tulong niya kaya itatabi ko na muna ang pagiging mapili.
Pasulyap-sulyap ako sa labas ng bintana sabay kagat ng labi kapag sa tuwing nanaisin kong tumakas. Nakakagigil ang kalagayan ko. Kahit pa tumalon ako riyan sa bintana, alam akong may nakabantay rin naman sa baba kaya mahuhuli pa rin ako at ibabalik dito sa loob. Hay, nakakainis.
Wala akong magawa sa mga sandaling ito kaya naisip kong gumawa ng panibagong sulat at muling padalhan si Klean. Pipilitin ko siya hanggang sa pumayag. Pagpasensiyahan nalang muna ako ni Belle, babawi ako sa kanya sa susunod kapag makalabas ako rito. Siya kasi ang nagdadala ng mga sulat ko papunta sa estasyon ng M.A at alam kong mahirap iyon para sa kanya. Mali ito, kapwa prinsesa, inuutusan ko ngunit wala akong mapang uutusan kundi siya. Kinakailangang kapalan ko muna ang aking pagmumukha sa ngayon.
Kumuha ako ng papel at panulat sa loob ng tokador. Naupo ako sa upuan at binuksan ang ilaw para makita ko ng maayos ang isusulat ko.
Nang magsisimula na ako, may narinig akong ingay ng padlock na unti-unting binubuksan. Ito'y nanggagaling sa pinto.
Mabilis kong ibinalik sa loob ang papel at panulat. Inaninag ko ang pagbukas ng pinto hanggang bumungad sa akin si aling Theresa na may dalang makakakain.
"Prinsesa Keis, narito na ang agahan mo. Kumain ka at ubusin mo lahat ito," sabi ni aling Theresa sa malumanay na tinig. Nakahinga ako ng maluwag. Akala ko ang aking ama, si Aling Theresa lang pala. Muntik na akong atakihin sa puso dahil sa kaba.
"Salamat po, akin na!" magalang kong sabi. Kinuha ko sa kanya ang pagkain. Sakto gutom na ako kaya uubusin ko. Makakatulong din ito upang makapag isip ako ng maayos. Kailangan kong magpalakas.
Nilapag ko sa mesa ang pagkain at muling humarap sa kanya. "Sabihin mo lang kung may kailangan ka, handa akong tumulong!"
"Wala na po, salamat."
"Sigurado ka?" Tumango ako.
Bumuntong hininga siya at biglang naupo sa tabi ko. "Pasensiya ka na, Prinsesa Keis, gustuhin ko mang tulungan ka'y hindi maaari. Lagi akong tinutugon ng iyong ama na huwag kitang palalabasin hangga't hindi niya sinasabi. Kapag pinalabas kita, tiyak parurusahan ako't tatanggalin sa trabaho. Patawarin mo ako, kamahalan, alam kong pagiging makasarili ito subalit kailangan ko rin namang kumita ng pera upang mabuhay," malungkot na sabi niya.
"Alam ko po at nauunawan ko iyon kaya ’wag kang humingi ng paumanhin," nakangiting sabi ko.
"Maraming salamat, Prinsesa Keis, napakabait mo."
"Walang anuman. Sige na, puwede ka nang lumabas, baka hanapin ka nila," sabi ko.
Tumango siya at lumapit sa pinto. "Aalis na ako, mamaya naman ako babalik dito!" aniya pero tumango pa rin ako. May nais sana akong ipakiusap. Alam ko naman kasing hindi siya papayag kaya 'wag nalang siguro.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed-Revise 2)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...