KABANATA XXII: LABAN: PART IIShanelle
Nabali. Nabali ang espada ni Klean. Paano siya makakalaban kung wala na siyang sandata? Mapapahamak siya. Hindi ako mapakali sa kinauupuan ko habang nakikita si Klean na unti-unting tinatalo at nahihirapan. Nanginginig ako, hindi ko alam kung makakaya ko pa bang panoorin ito hanggang matapos. Gusto kong ngayon palang, ipahinto na ang laban ngunit sino ba ako para gawin iyon? Tiyak magagalit siya sa akin kapag makialam ako. Masyado siyang pabaya. Para akong binubunutan ng tinik sa katawan. Kapag may mangyaring masama sa kanya, lagot talaga siya sa akin mamaya.
Binalingan ko si Binibining Re-L. "Si Klean, nasa panganib. Hindi ba natin siya tutulungan?" nag aalalang sabi ko at nagbabakasaling may gagawin siyang paraan tungkol dito.
"Sa tingin mo, dapat na ba natin siyang tulungan?" makahulugang tanong niya.
Sinulyapan ko si Klean, patuloy siyang nakikipaglaban. Napakunot ako ng kamao at sumagot. "Oo, dapat na nga siyang tulungan. Alam kong alam mo, hindi pa magaling ang mga ugat niya kaya delikado kapag magpatuloy siya," determinadong sabi ko.
"Ngunit may tiwala ka ba sa kanya?" ikalawang tanong niya.
Hindi ako nakasagot sa halip ay yumuko. Tiningnan ko ang aking mga kamay na nakapatong sa mga hita ko. Nanghihina ito't nanginginig. "Kung ganoon, hindi ka naniwala sa mga sinasabi niya."
"Hindi sa ganoon. Naniniwala ako sa kanyaa!" sabi ko.
"Kung buo ang iyong tiwala, hindi ka sana manginginig at mag aalala ng ganiyan. Huwag mong lokohin ang iyong sarili,” aniya.
"Ngunit hindi na mahalaga sa akin kung magduda ako o hindi, ang importante ay mailigtas natin siya bago mahuli ang lahat," sabi ko.
"Kung hindi mo siya kayang panoorin sa lagay na iyan, mas makakabuting lumabas ka. Nasa gitna sila ng laban at hindi sila maaaring pakialaman kundi matatanggal siya. Iyon ba ang iyong nais? Lalabas ang mananalo at gayundin ang talo. Hangga't wala ni isa ang sumusuko, magpapatuloy ito," sabi niya habang nakatuon ang mga mata sa establado na puno ng lakas ng loob.
"Hindi!" mahinang sambit ko. Bugbog sarado na si Klean ngunit hindi manlang siya makaganti. Hindi ko na kaya pang makita ang kalagayan niya kaya naisipan kong umiling at pumikit ngunit bigla akong natigilan nang hablutin ni Binibining Re-L ang braso ko.
“Huwag kang magpakita ng panghihina ngayon. Lumalaban pa siya.” Mariin niya akong tinitigan dahilan upang makaramdam ako ng kakaibang kaba. “Ganito ba talaga ang sinasabi niyong labanan?” mangiyakngiyak kong tanong.
"Kapag ikaw ay sumabak sa mga labanan, asahan mong buhay ang nakataya at ang mga lumalaban sa labanan na iyon ay may dalawang pagpipilian: iyon ay ang mabuhay o mamatay. Kung nais mong mabuhay, gagawin mo ang lahat upang manatiling buhay ngunit kung ikaw ay hindi pinalad, kailangan mong tanggapin ang magiging kapalit,” makabuluhang sabi niya.
Hindi ko maunawaan sapagkat wala naman akong karanasan sa mga ganiyan. Paulit-ulit ko nalang sinasabi ito sa sarili ko ngunit hindi ko pa rin matanggap ang katotohanan.
Kapayapaan ang gusto ko, hindi hirap o pagdanak ng dugo. Sa bawat sandaling naririnig ko iyon, hindi ko maiwasang hindi mangamba at mag alala. Kailangan pa bang mangyari ito para maabot ang hinahangad nila? Ang pera, kasikatan, kapangyarihan, at lakas? Paano nila makakamtan iyon kung patay na sila? O halos malumpo at hindi na makakilos dahil sa mga sakit na tinamo? Matatawag bang kagitingan iyon? Hindi. Sila ay mga bulag sa sarili nilang mga pangarap. Wala silang pakialam sa kanilang buhay.
Hindi nalang ako umimik sa halip ay pinilit na magpakatatag sa kabila ng mga nakikita ko.
"Sige, tapusin na iyan!"
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed-Revise 2)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...