KABANATA XXVI: SA BUNDOKRe-L
Umaga palamang ay naghanda na kaming lahat para sa aming pag alis patungo sa bundok ng manghuhula. Nagdala kami ng maiinom at makakain upang kung sakaling magutom kami sa daan ay may mahuhugot kami.
Pagkatapos, sama-sama kaming lumabas ng bahay. Isinara ko nang mabuti ang pinto saka sumunod sa kanila. Nasa bayan palang kami ng Arhetilla ay tinugon ko na agad sila tungkol sa isang mahalagang bagay. “Makinig kayo, kapag makarating na tayo roon. Huwag kayong mag iingay sapagkat maaari tayong makabulabog ng mga naninirahang mababangis na hayop doon!”
“Naiintindihan namin, makakaasa ka!” sagot ni Klean.
“Saka iwasan niyo rin ang maiwan para walang problema kapag biglang magkagulo,” dagdag ko.
“Masusunod!” sabik na sagot nina Raidee at Acel sabay saludo. Napasapo nalang ako sa noo.
Napagpasiyahan na naming lahat ito kaya wala ng balikan o urungan. Ang dahilan lang nito ay para alamin ang hinaharap ng mundo nina Klean at Shanelle ngayong paparating na digmaang sinasabi nila. Kung tutuusin, nang aksidente kong mahawakan si Klean ay nagkaroon na ako ng isang pangitain sa kanyang magiging kapalaran sa mga araw na iyon. Ngunit, hindi ko iyon sinabi sa kanya dahil ayokong panghinaan siya ng loob at mas maganda kung sa iba nalang niya malalaman.
“Re-L, bakit ang tahimik mo? Ayos ka lang ba?” pagtatanong sa akin ni Shanelle nang kanya akong sabayan sa paglalakad.
Ngumiti ako. “Wala, may bigla lang akong naisip. Pasensiya na.”
“Ganoon ba. Teka malayo ba talaga ang lugar na pupuntahan natin?”
“Malayo!” ikling sabi ko.
“Ah, Re-L m-may gusto pa sana akong itanong, p-puwede pa ba?” nauutal niyang sabi.
“Hmm, oo naman. Ano ba iyon?”
“Ang kapangyarihan mo, kaya mo na ba ngayon tawagin? Makakaya mo na bang lumikha ng dimensiyonal na pinto para maibalik kami ni Klean sa Wiseman?” tanong niya kaya inilahad ko sa harap niya ang palad ko at sinubukang ilabas ang kapangyarihan ko subalit nakalikha lamang ito ng liwanag at mabilis ding naglaho.
Umiling-iling ako na nangangahulugang 'hindi'. Nakita kong nalungkot siya at bumalik kina Klean. Mukhang nais na talaga niyang makauwi sa kanila ngunit nakakalungkot sabihing, hindi ko pa sila maibabalik sa lagay na ito.
Ipagpaumahin niya sana, kung bakit ba kasi dinala ko pa sila rito. Pakiramdam ko ay nagsisisi ako. Parang ayoko nalamang ituloy ang plano, pero wala akong magagawa dahil nagsimula—nasimulan na namin at ang lahat ay umaayon na sa plano. Kailangan kong pairalin ang tigas ng puso para matupad ang lahat ng iyon dahil kung hindi, baka maawa ako sa kanya at masira ang lahat ng pinaghirapan namin. Ayokong mangyari iyon. Nagsawalang kibo ako rito. Ang utak ko lang ang patuloy sa pag sasalita kaysa aking bibig.
Nakaluwas na kami sa bayan ng Arhetilla at patungo na ngayon sa gubat. Masyadong matalahib at makipot ang daan. Hindi pa kami nangangahalahati sa layo ng bundok ng manghuhula pero pakiramdam ko'y inuubos na ang aking lakas na para bang ang layo na ng nalakbay namin. Maliban do'n, napansin ko rin na tila napakabagal ng paglalakad naming lahat. Ginawa kong palatandaan ang isang malaking puno na may markang bilog ngunit nagtataka ako kung bakit hindi namin ito malampasan. Nagsimula na akong kabahan kaya napilitan akong huminto upang balingan sina Raidee na abala sa pakikipagkuwentuhan sa isa't isa. Hindi nila pansin ang nangyayari sa paligid. Ang hawak kong kumpas at maliit na orasan ay napakabagal ng takbo. Ang araw ay dapat kanina pa sumidlit ngunit nakatago pa rin ito sa likod ng mga bundok.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed-Revise 2)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...