KABANATA XV: PAGDEDEKLARAShanelle
Ako'y naalimpungatan nang may marinig akong kaluskos sa labas ng bahay. Bumangon ako at unang tiningnan ang pinaghigaan ni Klean ngunit nagtaka't napakamot ulo ako nang makitang wala ito. Nakaligpit na rin ang banig na inilatag niya. Mabilis kong inayos ang aking sarili at nagmadaling lumabas ng kuwarto. Tumambad sa paningin ko si Binibining Re-L at ang kapatid nito na abala sa pagluluto ng agahan, napakasarap na pagkain sapagkat nangangamoy ito. Nakita nila akong dalawa kaya sinalubong agad ako ng mapungay na ngiti at pagbati.
"Maganda umaga binibini, hinahanap mo ba ang kasama mo? Lumabas siya," sabi ni Binibining Re-L na mukhang alam na alam kung saan nagpunta ang lalaking iyon.
"Nasa labas, bakit? Anong ginagawa niya roon? Hindi manlang nagpaalam. Ang aga-aga, naglalakwatsa na," iritang sabi ko.
"Tulog ka pa raw. Tingnan mo nalang siya, nasa malapit lang iyon," sagot nito. Ngumiti ako at lumapit sa lababo upang makapaghilamos. "Binibini, sabayan mo kaming mag agahah," alok sa akin ni Binibining Re-L sabay na inabutan ako ng tuwalya. "Salamat. Mamaya na siguro, hahanapin ko muna si Klean at baka kung saan na naman iyon nagpunta," sabi ko. Pinunasan ko ang aking mukha gamit ang tuwalya matapos kong makapaghilamos.
"Naku binibini, 'wag kang masyadong mag alala sa kanya. Nasa maayos lamang iyon at mukhang lalaban nga kung sakaling mapaaway," mabirong wika niya.
"Kaya nga. Sa sobrang palaban niya'y baka makipagbasagan siya sa labas," sabi ko. Natawa nalamang siya kaya tumawa nalang din ako. "Naku ate Shanelle, puntahan mo na si kuya Klean. Baka naghahanap na iyon ng mga babae riyan sa labas. Marami pa namang magagandang gumagala," singit ni Raidee dahilan upang sikuhin siya ni Binibining Re-L. Palihim namang nangunot ang noo ko at sarkastikong napangisi. Subukan lang niya, hindi na siya aabot sa Wiseman.
"Naku binibini, 'wag kang maniwala sa batang ito. Walang katotohanan ang kanyang sinasabi," paghingi ng tawad ni Binibining Re-L. Tinakpan niya ang bibig ng kanyang kapatid.
Nginitian ko lamang silang dalawa at nakapagdesisyong lumabas upang hanapin si Klean. Napadpad lang kami rito, kung saan-saan na siya pumupunta at baka nga nambabae na iyon o pinag iisipang iwanan ako rito. Sasampatusin ko iyon, makikita niya.
Ilang minuto akong nag ikot-ikot ako sa buong lugar subalit hindi ko natagpuan si Klean o kahit anino manlang niya'y wala. Nagsisimula na akong mainis at kabahan.
Sa kabila ng aking paghahanap, nagpasya akong magpahinga sa bangketang nasa gilid ng daan. Pinagtatagpi-tagpi ng utak ko ang mga posibleng gawin ngayon ni Klean subalit sinusubukan ko pa ring maging kalmado dahil naniniwala naman akong hindi siya gagawa ng kalokohan at mga bagay na ikaiinis ko sa kanya.
Sa isang sandali pa, ako ay nabuhayan at mabilis napawi ang pagkabalisang pakiramdam nang makita ko siyang lumabas sa isang restawran. May kasama siyang batang may pusang tainga. Bahagyang kumunot ang noo ko. Nagtataka. May mahabang itong buntot. Sandali, tao pa ba iyan?
Dahil nga hindi na ako makapaghintay, ako'y nagmadaling lumapit sa kanilang dalawa. Pagkalapit ko, diretsahan kong kinausap si Klean. "Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala. Halika na, bumalik na tayo sa bahay nina Binibining Re-L. Tandaan mong bagong salta lang tayo rito kaya hindi ito ang oras para mamasyal ka o gumawa ng mga kalokohan," istriktong sabi ko at hinawakan ang kamay niya.
"Anong sinasabi mo, ayos lamang ako. Hindi naman sila mananakit. Wala akong ginagawa ng kalokohan," tugon niya at maaliwalas na ngumiti. Kailan pa siya naging komportable sa lugar na ito samantalang siya nga itong atat na atat na makauwi kami sa Wiseman. Ang bilis yata niyang makibagay.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed-Revise 2)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...